Thank you sa paghihintay ng last update na ito. I know masyadong matagal pero maraming salamat pa rin sa pagsuporta. Dedicated ito sa inyong lahat. ❤
*****
XHIARA MIYA LANDELL
"Kaya mo pa?"
Pinilit kong tumango sa kanya kahit na nahihirapan. Pagod na pagod. Ngumiti pa ako sa kanya para masabing totoo yung tango kong oo ang ibig sabihin. Kahit pagngiti ay di ko matagalan dahil sa pagod na nararamdaman.
Bumagsak ako sa damuhan at pinikit ang mga mata. Kahit naiinitan ay wala na akong pakialam. Ang mahalaga sa akin ay makapagpahinga. Maibalik yung lakas na kahit pisikal lang. Dahil sa totoo lang na napakahina ko ngayon. Mas lalong humina dahil sa katotohanang wala akong kapangyarihan.
"Dadalhin kita sa pahingahan," aniya at naramdaman ko ang pagbuhat niya sa akin. Sa pagod, tulad ng nagdaang araw, mga buwan, ay hinayaan ko siya. Dahil lagi niya naman akong naabutan sa ganitong ayos kapag pumupunta siya rito sa kinaroroonan ko.
Hindi niya ako iniwan kahit na ganun ang pinili ko. Na kahit nasaktan ko siya nanatili siya sa tabi ko. Kaya tama lang na saluhin ko ang lahat dahil sa ako naman talaga ang may gusto at nagpursige. Sumang-ayon siya sa nais ko dahil sa nararamdaman niya sa akin. Sumang-ayon siya kahit nahihirapan din siya ngunit ayaw niya sabihin iyon sa akin.
Mahalaga siya sa akin. Espesyal siya para sa akin kaya ayaw kong dagdagan pa ang sakit na naidulot ko sa kanya.
"Pangatlong buwan mo na ngayon at nagawa mo. Nakaya mo. Proud ako sayo, Xhiara."
Hindi ko mapigilan ang hindi umiyak. Tuloy-tuloy ang buhos ng luha sa mga mata ko kahit na nakapikit. Sa loob ng tatlong buwan, ngayon lang ako umiyak. Hindi ako umiyak nung pinahirapan ako. Hindi ako umiyak nung napagod ako. Hindi ako umiyak nung muntik na akong sumuko. Ngayon lang.
Umiyak ako ngayon kasi alam kong yung mga naranasan ko ay nalampasan ko rin.
"M-maraming salamat, Zachary!" Sambit ko sa pagitan ng pag-iyak. Kinapa ko ang kamay niya at hinawakan ito.
"Naghihintay na sila, sayo." Pahayag niya na narinig ko bago ako mawalan ng malay sa kanyang mga braso.
Isang araw hanggang sa umabot ng limang araw bago tuluyang bumalik ang pisikal na lakas ko. Ang haba ng mga tulog ko para lang maipahinga ang buong katawan. Ika-anim na araw nang wala pa rin ang kapangyarihan ko. Hanggang ngayong ika-pitong araw ay wala akong nararamdaman.
"Halika na, Miya." Nilingon ko siya sa pintuan. Seryoso ang mukha nito pero hindi pa rin maipagkakaila na malambing at maalaga siya sa akin.
"Hindi mo pa ako pweding tawagin na Miya tulad ko na hindi ka pweding tawaging Shu dahil sa hindi pa bumabalik ang marka at kapangyarihan ko."
"Alam ko." Masungit niyang tugon. Binabawi ko na yung sinabi kong malambing siya!
Lumapit ako sa kanya at nang maglahad siya ng kamay ay humawak ako rito. Hindi ko kayang dalhin ang sarili sa pupuntahan pero siya ay pwedi dahil sa may kapangyarihan siya.
"Handa ka na?" Tanong niya at pinagmasdan ako mula ulo hanggang paa. Sinabayan ko siya at tumingin sa sarili. Sinuot ko ang puting bestida na binigay niya. Napakaganda nito at bagay na bagay sa akin.
Naisip ko na mas magandang ganito ang suot ko, presentable para sa muling pagkikita namin ng mga mahahalaga at mahal ko sa buhay.
Bago ako sumagot ay niyakap ko siya ng mahigpit.
BINABASA MO ANG
South Academy
FantasyIsang kasunduan ang nagtulak kay Xhiara upang magbalat-kayo para makapasok sa paaralan ng South Academy na hindi dapat nyang paki-alaman at hindi dapat puntahan. -btgkoorin- Highest Rank in Fantasy • Rank #8 (04-24-20) • Rank #6 (04-27-21) • Rank #7...