Kayceelyn Morraine's
Nakatitig ako sa salamin habang marahang hinahaplos ang tiyan ko. Kahapon ay tatlong pregnancy test ang pinagamit sa akin ni yaya at ang lahat ng iyon ay positive. Nakaramdam ako ng takot sa pwedeng maging reaksyon ni Mommy pero mas nangingibabaw din ang saya ko. Sa wakas ay magkakaroon na rin ng taong pwede kong makasama habambuhay .. ng isang tao na hindi ko na kakailanganin pang mamalimos ng pagmamahal at atensyon.
Sa ngayon ay wala pa akong konkretong plano pero isa lang ang sigurado. Hinding-hindi ko tatanggalin ang batang ito sa sinapupunan ko at hindi ako papayag na may makapanakit sa kanya.
Bumukas ang pinto at pumasok doon si yaya. Kahapon ay mas malala ang iniiyak niya kaysa sa akin. Sobra daw siyang nanghihinayang para sa kinabukasan ko pero sabi rin niya sa huli ay wala na naman daw magagawa. Nandiyan na daw kasi. Nangako rin siyang hindi niya muna sasabihin kahit kanino ang sitwasyon ko at aalagaan niya rin ako habang nag-iipon pa ako ng lakas ng loob para magtapat kay Mommy.
"Ano? May masakit ba sayo?" Mahina at nag-aalalang tanong niya kaya tipid na ngumiti ako at umiling. Hinawakan ni yaya ang kamay ko at saka marahang pinisil.
"Hindi magiging madali ang pagdadaanan mo pero sana maging matatag ka. Hindi na lang para sa sarili mo, kundi para na rin sa anak mo" Napatitig ako kay yaya. Ang lungkot lungkot ng mga mata niya.
"Bakit po? Ano po bang pwedeng mangyari, yaya? Marunong naman po akong mag-alaga ng baby. Di'ba tumutulong po ako sa pag-aalaga nung baby pa si Kyle?" Naguguluhang tanong ko sa kanya pero tipid na nginitian lang niya ako at inakay paupo sa kama.
"Anak, hindi ganun kadali yun. Hindi natatapos sa pag-aalaga ng bata ang responsibilidad ng isang ina. Alam mo ba kung bakit natakot akong mag-asawa kaagad? Kasi nakita ko noon ang hirap ni nanay. Minsan, umiiyak na lang siya pag hindi na niya kaya ang pagod sa trabaho, pagod sa mga gastusin .. pagod sa lahat ng bagay. Pero dahil isa siyang ina, hindi siya pwedeng magpahinga. Hindi siya pwedeng umayaw." Napayuko ako at muling napahaplos sa tiyan ko. Muli ay naramdaman ko ang takot. Hindi para sa sarili ko kundi para sa kinabukasan ng magiging anak ko. Kakayanin ko bang buhayin siya? Kakayanin ko bang maibigay ang mga pangangailangan niya?
"Ang bata bata niyo pa pareho ni Jerick. Ni hindi pa nga kayo tapos pareho sa pag-aaral. Paano niyo bubuhayin ang anak niyo?" Tuluyang tumulo ang luha ko sa mga tanong ni yaya. Doon lang nagsink in sa akin ang naging bunga ng kapusukan ko. Isa pa, hindi pa alam ni Jerick ang sitwasyon. Paano kung ayaw niya pala? Paano kung layuan niya ako?
Nang kabigin ako ni yaya para yakapin ay napahagulhol na lang ako. Tama siya. Hindi pa ako handa. "Yaya, natatakot po ako"
"Shush. Tahan na. Makakasama yan sa bata. Wag kang mag-alala, hindi kita pababayaan" nung mga oras na yun, hinihiling ko na sana ang mga salitang yun ay nanggaling na lang kay Mommy.
Nung kumalma ako ay pinag-ayos na ako ni yaya dahil kailangan kong pumasok sa school. Ilang linggo na lang at graduation na namin kaya busy kami ngayon sa pagpapapirma ng clearance sa mga teachers.
"Anak okay ka lang ba?" Nag-aalalang tanong ni Kuya Bong bago ako bumaba ng sasakyan. Nakaramdam kasi ako ng hilo. Tipid na nginitian ko naman siya at saka diretsong pumasok na ako sa gate ng school. Wala pa si Jerick sa may gate dahil siguro maaga pa. Mamaya ko na lang siya kakausapin.
Dumeretso ako sa classroom at kaagad na hinanap si Andeng. I need my best friend. Kahit na alam kong papagalitan niya ako ay alam ko ring hindi niya ako matitiis.
Gaya ng inaasahan ay nagalit sa akin si Andeng nung ipinagtapat ko sa kanya ang kalagayan ko. Inis na inis niya akong iniwan dito sa cr kaya napaiyak na lang ako. Kaya pala this past few weeks ay sobrang iyakin at sensitive ko, yun pala buntis na ako.
![](https://img.wattpad.com/cover/291316142-288-k695754.jpg)
BINABASA MO ANG
More Than Before
Ficción GeneralTwo broken souls, waiting to be fixed. Two lonely hearts, waiting to be loved. All her life, Kayceelyn thrives to be the best to gain the love and attention of her beloved mother. She grew up being a fine lady but a lonely one. Then, she met Jerick...