Chapter 17

575 60 65
                                    

"Oras na ng pagtulog anak bakit gising ka pa?" ang tanong ni Oslo kay Heaven habang nakatayo siya sa may labas ng nakabukas na pintuan ng maliit nitong silid. Naabutan niya pa ito na nakaupo sa kama at may hawak ito na libro at ang tanging pang-ilaw nila ay ang kandila na bigay sa kaniya ng mga taong nagpapagawa sa kaniya ng trabaho.

"Tatapusin ko lang po ito tatay malapit ko na po itong matapos," ang sagot ng kaniyang anak na hawak ang librong ibinigay rito may tatlong taon na ang nakalipas.

Humakbang siya papalpit at naupo siya sa gilid ng kama sa tabi ng anak. At saka niya inilagay ang kaniyang kaliwang kamay sa balikat nito bago niya hinagkan ang ibabaw ng ulo ni Heaven.

"Malapit ka na bang matapos?" ang kaniyang malumanay na tanong habang tinitingnan niya ang mga mata ng anak. At mabilis naman itong tumangu-tango sa kaniya bilang sagot.

"Sige anak basahin mo at pakikinggan kita," ang kaniyang saad kay Heaven na ipinagpatuloy naman ang pagbabasa nito. Kahit pa, paulit-ulit na niyang narinig ang kuwento na iyun tungkol sa kahalagahan ng isang pamilya ay hindi siya magsasawa na pakinggan ang kuwento lalo pa at si Heaven ang nagbabasa. Alam niyang malabo na makamit nilang mag-ama ang isang pamilyang kumpleto dahil sa kanilang kinalalagyan sa Cross Pines.

"At namuhay sila nang masaya habambuhay sa kanilang maliit na bahay," ang mga huling salita na binasa ni Heaven, bago nito isinara ang mga pabalat ng libro.

"Oh, matulog ka na, ha? May trabaho pa ang tatay bukas," ang kaniyang paalala sa anak at kinuha niya ang hawak nitong libro para ipatong sa maliit na lamesa kung saan nakapatong din ang nangangalahati nang kandila.

"Sasama po ako ulit tatay?" ang umaasang tanong ni Heaven sa kaniya na nahiga na sa kama at inilatag na nito ang ulo sa manipis nang unan. Hinila niya ang kumot na may kalumaan na rin at may mga tastas sa gilid at naisip niya ang mga bagong kumot na nakapatong sa ibabaw ng bagong kama ni Miss Shiloh. Naisip niya kung gaano sila kasalat sa mga gamit nila sa bahay.

Hinimas niya ang noo ng anak habang nakayuko siya rito, "Oo pero, katulad ng bilin ko ha? Na bawal ang malikot at," sandali siyang huminto at marahan niyang pinisil ang tungki ng maliit nitong ilong.

"Bawal ang madaldal," ang kaniyang dugtong. Kumunot naman ang noo ni Heaven sa kaniyang sinabi.

"Madaldal? Hindi naman po ako madaldal tatay, may mga tinatanong po kasi sa akin si Miss Shiloh," ang sagot ng anak at nang maalala niya ang narinig niya usapan ng dalawa ay hindi niya naiwasan na muling mag-init ang kaniyang mga pisngi. Gayunpaman, ay hindi siya naniniwala na totoo ang sinabi ni Miss Shiloh. Maaring sinabi lamang iyun ni Miss Shiloh sa anak para hindi masaktan ang damadmin nito. Walang babae ang magkakagusto sa isang katulad niya, sa labas man ng Cross Pines at mas lalo na sa loob nito.

"Tatay?" ang pagtawag ni Heaven sa kaniya.

"Hmmm?" ang kaniyang sagot sa anak.

"Ano pong hitsura ng nanay ko? Kasi po wala siyang naiwan sa atin kahit isang litrato man lang, kahit pangalan hindi ko alam, hindi katulad ng mga ibang bata rito sa Cross Pines alam nila pangalan ng nanay nila at may litrato rin saka, bakit ang nanay ko patay na? ang sa kanila mga buhay pa?" ang mga tanong sa kaniya ni Heaven na hindi niya inaasahan. Oo noon ay nagtanong ito nang tungkol sa nanay nito, ngunit hindi ganun kasidhi ang interest nito katulad ng sandaling iyun.

"Uhm, anak ang pangalan niya ay," ang kaniyang pauna at hindi na niya maituloy pa ang kanyang sasabihin dahil sa hindi niya alam kung paano niya ipaliliwanag ang lahat patungkol sa ina nito.

"Uhm anak, maaari ba na nanay na lamang ang alam mong tawag sa kaniya?" ang kaniyang pakiusap sa anak na si Heaven na kumunot ang noo sa kaniyang isinagot. Kahit naman kasi sino ay maguguluhan kung bakit hindi niya kayang ibigay ang pangalan ng ina nito.

Hush-Hush (romantic - suspense) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon