Chapter 30

540 61 33
                                    

Madilim ang daan at tanging ang liwanag na nagmumula sa headlight ng kaniyang pick-up ang tanging tanglaw niya sa mahabang kalsada na kaniyang binabagtas. Pagkakita niya ng mga liwanag na nagmumula sa sulo na binabaybay ang dalampasigan ng lawa ay hindi niya pa rin napigilan ang kaniyang sarili na makaramdam ng takot kahit pa hindi naman siya tahasan na maapektuhan ng pangyayari na tuwing anim na taon lamang nagyayari. Siya at si Heaven ay malayong maaapektuhan nito ngunit si Miss Shiloh...

Napabuntong-hininga siya at nang matamaan na ng liwanag ng kaniyang sasakyan ang daan papasok sa lupain ng Lake House. Hindi pa rin siya mapakali kahit pa alam niya na ligtas ang anak at si Miss Shiloh sa malaking bahay, sa ngayon. Pero hindi niya pa rin napigilan ang kaniyang sarili na hindi sumakay sa kaniyang pick up at bumiyahe papunta sa Lake House. Gusto niya makita na ligtas ang dalawang babaeng mahalaga sa kaniyang buhay sa sandaling iyun.

Habang papalapit ang kaniyang sasakyan ay napansin niyang buhay pa ang mga ilaw sa bahay. Mukhang gising pa ang dalawa? O maaring si Miss Shiloh na lang? Eh bakit nakaramdam siya ng kaba nang maisip niyang si Miss Shiloh na lang ang gising? Ang tanong niya sa kaniyang sarili.

"Diyos ko Oslo, huwag kang mangarap ng napakataas, hindi mo kayang lumipad, hindi ka magugustuhan ni Miss Shiloh," ang malakas na sabi niya sa kaniyang sarili.

Inihinto niya ang kaniyang sasakyan may kalayuan sa mismong harapan ng bahay. Agad siyang bumaba at tinahak ang daan patungo sa bahay nang sandali siyang mapahinto para tumingin sa direksiyon ng lawa. Tahimik ang tubig at kapaligiran ngunit alam niyang huwad ang katahimikan na mayroon ang gabing iyun.

Binawi na niya ang kaniyang mga mata mula sa lawa at inakyat niya ang harapang hagdan ng bahay, at marahan niyang kinatok ang pinto. Ngunit ilang segundo na siyang nakatayo sa harapan nito ay wala pa ring nagbukas ng pinto para sa kaniya.

Baka naman tulog na ang mga ito? ang sabi ng kaniyang isipan. Pero paano naman kung? Muli siyang kumatok at mas nilakasan niya iyun at narinig niya ang isang tili mula sa loob at hindi siya maaaring magkamali na nanggaling iyun kay Miss Shiloh.

Nilukuban siya ng takot at muli niyang kinatok nang malakas ang kahoy na pintuan at saka niya pinihit ang doorknob at nagbakasakali siyang bubukas iyun pero nakalock ang pinto. Muli siyang kumatok at saka siya umatras mula sa pintuan at nagtungo siya sa katabing bintana para doon ay sumilip ngunit hindi na niya makita pa ang loob lalo pa natatakpan din ang mga ito ng mga kulay puting mga kurtina.

"Sino yan?"! ang narinig niyang boses ni Miss Shiloh mula sa likod ng pintuan. Dali-dali siyang naglakad pabalik sa harapan ng pintuan at inilapit niya ang kaniyang bibig sa malaking pinto.

"Ako po si Oslo," ang kaniyang sagot.

"Oslo?" ang paninigurado na tanong nito sa kaniya.

"Opo,"- ang kaniyang sagot ngunit agad naman nang binuksan ni Shiloh ang pinto para sa kaniya at nakita niya ang takot sa mukha nito at ang kaluwagaan nang makita na siya nito.

"Oh thank God it's you!" ang sambit nito na tila nabunutan ito ng tinik. Ang mga kamay nito ay nakahawak sa dibdib at leeg nito at nakita niya pang pumikit ang mga talukap ng mga mata ni Miss Shiloh.

Agad siyang pumasok sa loob isinara niya ang pinto pagkapasok niya sa loob. Hindi na niya hinintay pa na papasukin siya ni Miss Shiloh. Halata naman sa mukha nito kanina ang takot at hindi niya puwedeng ipagsawalang bahala ang narinig niyang sigaw mula sa loob ng bahay.

Ano pong nangyari? Nasaan po si Heaven?" ang kaniyang agad na tanong kay Miss Shiloh at hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na hindi ilagay ang kaniyang mga kamay sa magkabilang balikat ni Miss Shiloh na pilit na pinapakalma nito ang sarili.

Hush-Hush (romantic - suspense) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon