Chapter 47

636 75 94
                                    

Nilingon ni Oslo ang anak na si Heaven na natutulog sa kaniyang mga bisig. Nilisan na nila ang bahay ni Samuel at pagkatapos na maglakad ng halos ilang oras ay narating nila ang lugar na pamilyar na para kay Oslo. Iyun na kasi ang pinakasentro ng Villareal na kaniyang natatandaan na napuntahan nila ni Shiloh. Pagkatapos na makapagtanong at maituro sa kanila ang sakayan ng bus na daraan sa Cross Pines ay tinungo nila iyun ni Heaven. Pagkatapos ay binilhan niya ng makakain ang anak para sa dalawang oras na biyahe pabalik sa kanilang tahanan.

Naalala niya kanina sa pilahan ng mga bus. Narinig niya na may mga bus na nakahimpil din doon na patungo ng ilang karatig probinsiya at patungo sa Maynila. Naisip niya kanina na sumakay na lang ng bus patungo sa kung saan papalayo sa Cross Pines. Ngunit tiningnan niya ang kaniyang anak na nakatayo pa noon sa kaniyang tabi. 

Paano kung magkatotoo ang banta sa kaniya ng mga pulis sa Cross Pines? Ano na lang ang mangyayari sa kaniyang anak? Iyun ang mga tanong  na nagpabura sa kaniyang isipan ng kung anuman na balakin na takasan ang Cross Pines.

Napabuntong-hininga siya at hinimas niya ang ibabaw ng ulo ni Heaven na nakapatong sa kaniyang mga hita. At naalala niya ulit ang kaniyang naabutan kanina nang magtungo na siya sa harapan ng bahay ni Samuel. Naabutan niyang hinahaplos ni Samuel ang pisngi ng kaniyang anak. At doon siya nakaramdam ng labis na kaba. Bakit iyun gagawin ni Samuel? Bakit ganun na lang ang pagpapakita nito ng paghanga sa kaniyang anak na si Heaven?

Pero may gumugulo sa isipan niya. Nang tumayo si Samuel kanina habang magkaharap na sila. May nakita siya sa mukha at mga mata nito. Hindi niya alam kung tama ba ang kaniyang nabasa pero, nakita niyang may hinanakit sa mukha ni Samuel habang tinitingnan nito ang anak.

Para bang masakit para rito na makita nito si Heaven, pero bakit? Ang tanong ng kaniyang isip. Pero dahil sa kaniyang kinalakihan na lugar nang Cross Pines ay mahirap sa kaniya ang magtiwala ang mga tao.  Mukhang tahimik at inosente ngunit may itinatagong lihim. Ganun ang Cross Pines at ang mamamayan nito. Kaya naman hindi niya maiwasan na makaramdam ng kaba nang maabutan niya si Samuel na hinahaplos ang pisngi ng kaniyang anak. Hindi niya maiwasan na makaramdam ng takot.

Tiningnan niya ang anak at muli niyang naramdaman ang kaba sa kaniyang dibdib. Paano kung? Diyos ko huwag naman sana! Ang takot na sabi ng kaniyang isipan. Pero paano niya masisigurado ang kaligtasan ng anak? At papaano rin niya masisigurado ang kaligtasan ni Shiloh? Ang mga tanong na masakit sa kaniyang puso at isipan. Tiningnan niya si Heaven at inisip niya ang kalagayan nito. Mabubuhay nga ito sa Cross Pines. Pero anong buhay ang magkakaroon ang anak? Isang buhay na katulad nang sa kaniya? Na hindi nakapag-aral? Iniiwasan ng lahat? Kailangan niyang makapag-isip ng mabuti. Kailangan niyang gumawa ng desisyon at higit sa lahat ay kailangan niyang gumawa ng sakripisyo na katulad nang dati na niyang ginawa para sa kaniyang minamahal.

***

Ramdam ni Shiloh ang pananakit na ng kaniyang mga mata. Pagud na ang mga ito sa kaluluha at sa kakulangan ng tulog. Pero hindi siya napigilan ng pagod ng kaniyang isip, puso, at katawan par hindi mag-maneho at magtungo sa Villareal.

At muling nanikip ang kaniyang lalamunan nang muli niyang maalala ang nakita niya sa lawa. It was one of her many sights. At hindi talaga literal na nakita ng kaniyang mga mata ang pugot na ulo ni Dorothy, gayunpaman ay pareho ang sakit na kaniyang nadama.

It was the lake was telling her its secrets. Una ang mga sulo na kaniyang nakita noong ilang araw pa lamang siyang nakatira sa Lake House. And then the execution of Heaven's mom sa tabi ng lawa. At huli ay si Dorothy at ang pugot din nitong ulo. Pareho ang dalawa nang sinapit. Was Dorothy executed? Katulad ng nanay ni Heaven? Pero bakit? Hindi kaya...nahuli si Dorothy na tumatakas nang pupuntahan siya nito? But why? Why would she be executed nang dahil sa makikipagkita ito sa kaniya? May sasabihin ba si Dorothy sa kaniya na magbibigay sa kaniya ng lead at magbubukas sa kaniya sa kung anong nangyayari sa Cross Pines at kung sinuman ang nasa likod nito? Ang tanong ng kaniyang isipan.

Hush-Hush (romantic - suspense) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon