Chapter 13

519 58 29
                                    

Hindi malaman ni Oslo kung ano ba ang kaniyang mararamdaman. Halo-halo ang emosyon sa kaniyang dibdib nang sandali na iyun habang hawak ni Miss Shiloh ang kaniyang braso.

Nakasunod siyang naglalakad habang iginigiya o hinihila siya ni Miss Shiloh patungo sa restaurant. Ni hindi na nga niya napansin pa kung saan sila patungo dahil sa ang kaniyang atensiyon ay nasa braso ni Miss Shiloh na nakaangkla sa kanya. At ang kaniyang puso ay ramdam niyang lalabas na sa loob ng kaniyang dibdib nang dahil sa labis na kaba.

Hinayaan niya ang kaniyang sarili na sumunod kay Miss Shiloh hanggang sa makapasok na sila sa loob ng magarang restawran. Ni sa tanang buhay niya ay hindi pa siya nakatapak sa loob ng isang establisyimento na ganun ang hitsura. Lalo pa at walang ganun na restawran sa Cross Pines at kung magkaroon man ay wala naman siyang kakayanan na makapasok sa loob ng isang ganun kagarang restawran.

Napakaganda sa loob nito at halos umapoy na ang kaniyang mukha nang dahil sa hiya. Bigla kasing sumagi sa kaniyang isipan ang kaniyang hitsura na hindi nababagay sa loob ng restawaran. At hindi niya maiwasan na maglakad na nakayuko ang kaniyang ulo para hindi makita ang kaniyang pangit na mukha. Siya tuloy ang nakaramdam ng hiya para kay Miss Shiloh.

Nakayuko siyang naglakad hanggang sa marating nila ang kanilang lamesa. Tahimik siyang naupo ni hindi na nga niya natulungan na maupo sa silya nito si Miss Shiloh na ginagawa dapat ng isang maginoo o magalang na lalaki. At nanatili na lamang siyang nakayuko at nakatingin na lamang ang kaniyang mga mata sa ibabaw ng mesa sa kaniyang harapan. At mas lalo pa siyang nakaramdam ng hiya nang mapagtanto niya na kailangan niyang alisin ang suot niyang sumbrero.

"Pasensiya ka na Oslo, ayaw mo ba rito na kumain? Sabihin mo lang at lilipat tayo," ang narinig niyang sabi ni Miss Shiloh na nagpaangat ng kaniyang mukha para tingnan niya ito. At nabasa niya sa mga mata nito ang pag-aalala sa kanya.

Mabilis na umiling ang kaniyang ulo, "Hindi po huwag niyo po akong isipin, ang importante ay ang lugar na maginhawa para sa inyo," ang sagot niya rito. Isang kabaitan ang ipinapakita ni Miss Shiloh sa kaniya kaya naman isang kabastusan kung iisipin pa niya ang kaniyang sarili.

Nakita niyang ngumiti ito ngunit matipid, "basta sabihin mo lang na ayaw mo na rito at aalis tayo." Ang bilin pa nito sa kanya at halata sa boses nito ang pag-aalala para sa kanya. Kaya naman matipid siyang ngumiti at tumango bilang sagot.

Ilang sandali pa ay nilapitan sila ng serbidor at inabot sa kanila ang dalawang tila aklat na babasahin na makintab ang pabalat na may salitang katulad nang nasa labas ng establisyimento. Sumulyap siya kay Miss Shiloh na abala na sa pagbabasa ng hawak nitong babasahin.

At saka niya dinampot ito at binuklat ang pabalat at tumambad sa kaniyang mga mata ang mga litrato ng pagkain at sa tabi nito ay ang mga salita na nakasulat, na kung hindi siya nagkakamali ay sa wikang ingles. At doon na siya nakaramdam na muli ng hiya at kaba. Paano siya pipili? Ni isa sa mga nakasulat ay hindi niya mabasa. Halos maduling na ang kaniyang mga mata sa mga nagrambulang mga letra sa kaniyang paningin.

At nag-init na ang kaniyang mga pisngi dahil sa hindi niya alam kung paano sasabihin kay Miss Shiloh ang napili niyang pagkain. Dahil hindi niya alam kung paano babasahin ang mga salitang nakatala sa listahan ng pagkain.

"Nakapili ka na ba?" ang narinig niyang tanong ni Miss Shiloh sa kaniya at nahihiyang sinalubong ng kaniyang mga mata ang mata nito.

"Take your time kung hindi pa," ang malumanay at may ngiting sabi nito sa kaniya.

"Uhm, h-hindi po kasi ako makapili," ang nahihiya niyang sagot dito at umiwas ang kaniyang mga mata mula sa mga mata nitong tila ba kasi kayang nitong basahin ang kaniyang kalooban.

Hush-Hush (romantic - suspense) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon