Chapter 21

524 58 27
                                    


Tiningnan ni Oslo ang mga damit na nakalagay sa dalawang bag na nakapatong sa ibabaw ng kanilang mesa. Napabuntong-hininga na lamang siya at hindi niya alam kung anong sasabihin niya kanina kay Miss Shiloh.

Noong una ay tinanggihan niya ito at hindi niya tinanggap. Alam niya na bawal sa kanila ni Heaven ang bumili ng mga bagong damit. Iyun ay isa sa mga parusang ipinataw sa kaniya at sa anak na si Heaven. Kaya naman gusto na niyang maiyak kanina dahil sa labis na kalituhan kung ano ba ang kaniyang gagawin o sasabihin kay Miss Shiloh. Alam niyang maganda ang instensiyon nito sa pagbibigay ng mga bagong damit sa kaniyang anak at pati na rin sa kaniya dahil naman sa nagkamali ito ng bili ng laki ng t-shirt.

Pero hindi niya inaasahan ang kuwento nito sa kaniya. Ang pakikipagtalo nito kay Miss Dorothy dahil sa ayaw pumayag ni Miss Dorothy na pagbentahan ito ng mga damit na para kay heaven.

Naunawaan niya naman ang pinaghuhugutan ni Miss Dorothy, nagulat lamang siya at nakaramdam ng kirot sa kaniyang dibdib dahil sa pagpupursige ni Miss Shiloh na mabilhan ng bagong damit ang anak.

At mayron pa siyang ikinabigla at hindi niya kailanman aasahan. Nang sabihin ni Miss Shiloh sa kaniya na pumayag si Mrs. Martha na hayaan nitong bilhin ang mga damit para sa anak. Ni sa panaginip ay hindi niya iyun inaasahan, kaya naman wala na siyang nagawa pa kundi ang tanggapin ang dalawang bag ng mga damit na pinamili ni Miss Shiloh para sa anak at sa kaniya.

Isang buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan at saka niya kinuha ang mga bag para dalhin sa loob ng silid ni Heaven na nagpalit na ng maduming damit nito dahil sa pagtatanim.

Kumatok siya sa nakapinid na pinto at nang marinig niya ang boses ni Heaven na pinapatuloy na siya nito ay agad niyang itinulak ang pintong kahoy at ipinasok niya muna ang kaniyang ulo para sumilip at naabutan niya nga itong tinitingnan ang sarili sa maliit na salamin. Isinuot na nito ang isa sa mga bagong bestida na binili ni Miss Shiloh para sa anak.

Isang malapad na ngiti ang iginawad sa kaniya ni Heaven sabay ikot nito kaya naman umikot din ang makapal na tela ng palda.  Para iyung mga talulot ng bulaklak na nakabuka. At sumagi sa kaniyang isipan kung paanong nakita niya noon na umiikot din si Miss Estelle habang nasa gazebo ito.

"Tatay ang ganda po ng damit," ang masayang sabi ni Heaven sa kaniya at muling umikot ito, "nakita niyo po yung palda ko? Lumulobo kapag umiikot ako?" 

Hindi niya napigilan ang ngumiti nang makita niya ang labis na saya sa mukha ng anak. Ang saya sa ngiti nito na hindi niya maibigay sa anak.

Humakbang na siya papasok at naglakad siya palapit sa anak. Naupo siya sa may gilid ng kama at inilapag niya sa kama ang dalawang bag na naglalaman pa ng iba pa nitong bagong mga damit.

"Maganda nga ang damit mo Heaven, pero, hindi mo naman na kailangan ng magandang damit para gumanda ka, matagal ka ng maganda," ang kaniyang sabi sa anak.

Nagtaas ng dalawang kilay si Heaven sa kaniya at ngumiti ito ng matamis, "salamat tatay, pero maganda pa rin po ang mga damit ko hindi po ba?" ang tanong nito sa kaniya at naglakad ito palapit sa kaniya para maupo rin ito sa gilid ng kama paharap sa kaniya.

"Oo naman anak, napakaganda ng mga damit at saka, mukhang malaking halaga ang nagastos ni Miss Shiloh sa iyo, dahil sa may bago ka pang mga sapatos," ang sagot niya at inayos niya ang magulo nitong kulot na buhok.

"Gusto ko rin po na maging katulad ni Miss Shiloh paglaki ko, yung maganda na, tapos nagsasalita ng ingles, tapos, nakakabili ng mga bagay na gusto nito," ang saad ni Heaven sa kaniya.

Isang malungkot na ngiti ang gumuhit sa kaniyang labi at hinaplos niya ang kulot-kulot na buhok ng anak. Maganda ang pangarap ng anak ngunit alam niyang hanggang pangarap na lamang ito.

Hush-Hush (romantic - suspense) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon