Chapter 19

534 57 32
                                    

Pinunasan ni Oslo ang pawis sa kanyang noo gamit ang dulo ng manggas ng suot niyang lumang kamiseta na may mahabang manggas. Katatapos lamang niyang magdilig ng mga halaman sa harapan na hardin ng malaking bahay. Naglakad na siya patungo sa harapan para doon naman magtanim nang mapahinto siya sa kaniyang paglalakad. Mula kasi sa loob ng bahay ay iniluwa ng pintuan ang anak ng may-ari ng malaking bahay. Tumatakbo ito pababa ng hagdan at ang mahabang palda nang suot nitong kulay dilaw na bestida ay tila ba mga pakpak na gumagalaw sa bawat paghakbang nito pababa. Ang mga paa nitong balot naman sa sapatos na kulay itim na yari sa malambot na balat ng kambing.

Dali-dali itong nagtungo sa gazebo kung saan naroon ang isang bilog na lamesa na gawa sa salamin at ang mga upuan nito ay gawa naman sa bakal. Ang gazebo na napapaligiran ng mga bulaklak na rosas na siyang paboritong bulaklak ng may-ari na babae na si Mrs. Emerald Cross.

Pinagmasdan niya kung paanong mahinhin itong naupo sa isang silya. Inayos pa nito ang palda ng suot nitong bestida bago ito naupo at inilatag nito ang isang libro sa ibabaw ng mesa. Saka nito binuklat ang pabalat at doon ay nagsimula itong magsulat.

Yumuko siya at saka niya ipinagpatuloy ang pagdidilig ng mga halaman. Iyun ang isa sa mga trabaho niya sa malaking bahay, ngunit alam na niya agad kung ano ang kaniyang papel sa Cross Pines at hindi niya babaliin iyun. Dahil sa kabutihan ng babaeng umampon sa kaniya. At iyun ay ang mama ng batang nagsusulat ngayon sa may gazebo.

Tahimik niyang ipinagpatuloy ang kaniyang trabaho kailangan bago magtanghali ay matapos na siya sa kaniyang pagdidilig sa mga halaman sa paligid ng malaking bahay. Pero hindi niya maiwasan na mapasulyap sa batang mukhang ilang taon lamang ang agwat ng kanilang edad. Naririnig niya kasi na umaawit ito.

At halos mapatalon siya sa kaniyang kinatatayuan sa harapan ng mga naglalakihan na mga bulaklak ng rosas nang may tumawag sa kaniya.

"Psst! Hey!" ang narinig niyang tinig ng batang babae. Hindi niya iyun nilingon at ipinagpatuloy niya ang kaniyang pagdidilig na kunwari'y wala siyang narinig. Ngunit mukhang mapilit ang batang babae na makuha ang kaniyang atensiyon.

"New boy! Hey! I'm going to ask you something!" ang muling sambit nito sa kanya sa linggwaheng hindi niya maintindihan.

"May iuutos ako sa iyo!" ang muling sabi nito sa kaniya at doon ay umangat ang kaniyang mukha mula sa pagkakayuko niya at itinuon niya ang kaniyang mga mata sa batang babae na nakataas ang isang kilay nito habang nakatingin sa kaniya. Napansin din niya na nakapamewang ito, mukhang naiinip ito dahil sa hindi pa niya sinusunod ang ipiang-uutos nito sa kaniya.

"Come here! This instant!" ang galit na nitong sabi sa kaniya at sumipa pa ang paa nito sa sahig ng gazebo. Umiwas ang kaniyang mga mata rito at wala na siyang nagawa pa kundi ang sumunod. Tutal ang sabi nito ay mayroon itong ipag-uutos sa kanya. At iyun ang kaniyang trabaho sa bahay na iyun.

Nakayuko siyang lumapit dito habang nakayuko ang kaniyang ulo at pagdating niya sa harapan ng gazebo ay nanatili pa rin siyang nakatungo habang hawak niya sa kaniyang kamay ang pandilig.

"A-ano pong...ipag-uutos ninyo?" ang kaniyang kinakabahan na tanong sa batang hindi pa yata aabot sa kaniyang leeg ang taas.

"Pick me some roses, the red ones," ang sabi nito sa kaniya na tanging roses lang ang kaniyang naintindihan. Nag-init ang kaniyang mga pisngi dahil sa kaniyang kamangmangan at ayaw man niyang umamin ay wala na siyang iba pang nagawa kundi ang magtanong na muli.

"P-pasensiya na po kay Miss...hindi ko po naintindihan ang inyong sinabi, hindi po ako nakapag-aral," ang kaniyang pag-amin. Hinintay niyang makarinig ng malakas na tawa o mga salita ng pangungutya mula rito ngunit hindi niya iyun narinig. Bagkus ay nawala ang pagkainip sa boses nito at nagsalita ito sa kaniya nang malumanay.

Hush-Hush (romantic - suspense) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon