Chapter 29

525 62 36
                                    

Lumabas si Oslo sa harapan ng kanilang bahay. Hindi siya makatulog. Hinahanap-hanap niya kasi ang anak na si Heaven. Kahit pa alam naman niya na nasa ligtas na lugar ito at masaya itong kasama si Miss Shiloh ay kakaiba pa rin ang kaniyang nadarama dahil sa pangungulila niya sa kaniyang anak.

Ngunit hindi lang iyun ang dahilan kung bakit hindi pa rin siya dalawin ng antok. Iyun na kasi ang ikaanim na taon sa ikaanim na buwan. Kahit na hindi siya marunong na magbasa ay marunong naman siya pagdating sa numero at nasaulo naman na niya ang hitsura ng pangalan ng bawat buwan sa kalendaryo at iyun ang pinakaimportanteng bagay sa kanilang bahay at sa buong Cross Pines.

Tumingin siya sa kalangitan at nagsabog ang mga bituin na nagbibigay ng ningning sa kulay madilim na asul na langit. Mababakas ang buwan na hindi man nagpapakita ng mukha nito ay mababanaag pa rin ang manipis nitong anino sa langit.

Napabuntong-hininga siya at hinila niya ang jacket sa kaniyang leeg para madagdagan ang init laban sa malamig na gabi. Napaling ang kaniyang mukha patungo sa bunton ng mga naglalakihang mga puno patungo sa direksiyon kung saan naroon ang kadugtong ng baybay ng lawa.

Isang buntong-hininga muli ang kaniyang pinakawalan at saka niya isinara ang pinto ng bahay at iniwan niya ito na balot ng kadiliman at sinimulan niyang bagtasin ang daan patungo sa masukal na kakayuhan.

Hindi siya gumamit ng pailaw, kailangan niya ang dilim ng kapaligiran para ikubli siya nito. Tahimik at maingat ang kaniyang bawat paghakbang at pilit niyang binagtas ang daan patungo sa lawa na tanging pagsunod lamang sa kaniyang ala-ala ng lugar ang kaniyang gamit para matunton niya ang daan.

May pagkakataon na sumasabit pa sa kaniyang binti, sa suot niyang pantalon ang mga sanga ng makakapal na halaman. Sandali siyang huminto para makinig at pilit niyang pinakinggan ang tunog ng tubig na nagmumula sa lawa. At nang masagap ng kaniyang pandinig ang tunog ng tubig ay sinundan niya ito. At ilang sandali pa ay natanaw na niya ang tubig ng lawa.

Hindi na siya nagpatuloy pa sa paglapit sa tabi ng lawa at hinayaan na lamang niya ang kaniyang sarili na tumayo ilang hakbang ang layo mula sa dalampasigan nito. At sa likod ng katawan ng puno ay doon siya nagkubli at doon siya naghintay. At hindi siya nabigo dahil sa hindi naman nagtagal ay nakita na niya ang tila mga alitaptap na liwanag na namamaybay sa gilid ng lawa. At sa sandaling iyun ay nakaramdam siya ng awa kay Dorothy at siyempre sa itinakda dahil sa kapalaran nitong hindi nito hawak at hindi na mababago pa.

***

"Siguro sa susunod mag-camping tayo sa labas? Yung magsindi tayo ng bonfire tapos may tent?" ang sabi ni Shiloh kay Heaven habang nagtitimpla siya ng kanilang iinumin na chocolate drink na sinamahan niya ng katernong chocolate chip cookies. Dadalhin nila iyun sa may gazebo para doon ay mauupo sila at pagmamasdan nila ang kalangitan at kung susuwertihin at pagbibigyan sila ay magpapakita ang New Moon sa kanila ni Heaven kahit pa hindi naman buo nila itong makikita.

"Gusto ko po iyun, pero...ano po yung tent?" ang tanong ni Heaven sa kaniya habang nakaluhod ito sa isa sa mga silya at ang mga siko nito ay nakapatong sa may kitchen counter at pinapanood nito ang kaniyang ginagawa.

Isang ngiti ang gumuhit sa labi niya at tiningnan niya si Heaven. Nakasuot ito ng long sleeved shirt na kulay blue at may cartoon character na naka-print sa gitna ng dibdib nito at mayroon itong katernong pajama na printed naman ng mga maliliit na mukha ng cartoon character. At sa buhok naman nito ay ang fluffy na bunny headband na kulay lavender naman at sa mga paa nito ay mga bunny rin na slippers. Binili niya iyun kay Heaven nang maghanap siya ng panregalo sa kasal sa Villareal at naisip nga niya na mag-moon watching sila kaya naman binilhan niya ng pantulog na damit si Heaven.

"Yung parang maliliit na bahay? Uhm tulugan, na gawa sa hindi nababasa na tela tapos zipper ang pintuan niya, hayaan mo ipapakita ko sa iyo mamaya kung anong hitsura ng tent kasi ako rin hindi pa ako nakapag-camping, kaya first time natin pareho kapag nagkaganun," ang sagot niya kay Heaven.

Hush-Hush (romantic - suspense) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon