Isang lalaking nakasuot ng itim ng hoodie ang pasimpleng nagpapalinga-linga sa paligid. Nagmamasid... tinitignan kung may nakatingin sa gawi niya. Nang masigurong walang kahit isang tao ang pumapansin sa kanya, mabilis siyang nagtipa sa laptop na nasa harap niya. May pagmamadali, pasimple pa ring nagmamasid kung nakaagaw siya ng pansin. Matapos ang tatlong minuto, huminga ito ng malalim. Tapos na siyang magtipa ng kwento niya. Nagdadalawang-isip kung ipapadala na niya ito sa confession page ng SCU ng biglang may tumapik sa balikat niya.
"Huy, ano 'yan?" biglang sulpot ng isang maliit na babae na may mahaba at alon alon na pulang buhok. Maganda ang babae, maliit nga lang. May taas na apat na talampakan at sampung pulgada. Nakasuot ng bilog na salamin at dumungaw sa screen ng laptop ng lalaki mula sa likuran nito. Dahil nakaupo ang lalaki, ipinatong nito ang baba sa may balikat ng huli at iniyakap ang dalawang braso sa leeg nito.
"Bitawan mo ko, Skye! Mainit." reklamo ng lalaki sabay sara ng laptop niya.
"Uy, hindi ko pa nababasa." lumabi pang pagkakasabi ni Skye. "Mainit kahit airconditioned 'yong library? Eh, kasalanan mo naman kasi kung naiinitan ka Paulo. Magsusuot ka ng jacket tapos sasabihin mo mainit."
"Hoodie, Skye Tiara. Hoo-die!"
"Ja-ket! Jacket 'yan. May hood lang."
"Kaya nga hoodie kasi may hood."
"Ang hoodie, walang zipper. May zipper 'yang suot mo kaya jacket 'yan!"
"Ang kulit!" pinitik ni Paulo sa noo si Skye ang nginitian ito. "Anong ginagawa mo dito?"
"Nagugutom ako, Pau. Gusto ko kumain ng kwek kwek, hotdog, cheese sticks, isaw, sago gulaman tsaka—"
"Tara na!" ngingiti-ngiting iniligpit ni Paulo ang gamit niya at ipinasok sa bag niya.
"Hindi pa ko tapos magsalita, eh."
"Gusto mo kainin lahat ng makikita mo sa madadaanan natin. Oo na!" kinuha ni Paulo ang kamay ni Skye at hinawakan iyon, pasimpleng hinihila palabas ng library.
"Libre mo ko?"
"Ang liit liit mo pa, buraot ka na!"
"Sige na, ako na manlilibre—"
"Mas matangos na naman 'yong nguso mo sa ilong mo."
"Juan Paulo!"
"Tampo na naman ang bulinggit. Tara, kainin mo na lahat ng gusto mong kainin. Ibibili na kita." pang-aamo ni Paulo dito.
"Kaya ka lang pumayag na ilibre ako kasi ayaw mo ipabasa sa akin 'yong binabasa mo kanina. Makikita ko naman 'yan sa SCU Galaxy."
"Are you sure?"
"Huh," nanlaki ang mga matang tanong nito. "hindi ba 'yon confession?"
"Alam mo bulinggit, ang daldal mo. Gutom lang 'yan!"
"Kwento mo sa akin 'yong binasa mo." pangungulit nito sa lalaki. Ngunit tinikom lang ng huli ang kanyang bibig kaya naman patuloy lang sa pangungulit si Skye dito.
Pinagtitinginan man ng mga tao, masaya si Paulo. Ito ang gusto niya. Masaya at tahimik na buhay-estudyante kasama ang ubod ng kulit na si Skye. Stress man sa pag-aaral, nababalanse ni Paulo ang buhay tuwing nandyan si Skye. Mabuti na lang at naisipan niyang gawin ang SCU Galaxy. Ang confession page ng Santa Catarina University na ginagawa nilang hingahan ng hinaing, sama ng loob, frustrations at confessions sa kanilang buhay mag-aaral at kwentong pag-ibig.
Noong una, puro lamang random sharings ang ipinapadala ng mga kapwa niya estudyante. Shout-out sa mga terror profs, mga mabilisang pasahan ng requirements at reports ng mga minor subject na feeling major at kung anu-ano pa. Hanggang sa humanap na siya ng makakasama sa pagha-handle ng page at nabuo ang admins ng Galaxy page.
Si Admin Tala, ang rising star ng Santa Catarina. Hanggang ngayon, hindi kilala ng mga taga-SCU kung sino talaga si Tala. Masyado kasi itong misteryoso. Madalas din makikita ito tuwing may nanghihingi ng payo sa Galaxy. Dahil sa angkin nitong galing, naniniwala ang mga taga-SCU na si Tala ang bituin na kailangan nila tuwing may pinagdadaanan sila at manghihingi ng payo. Ang manghuhulang sagot sa mga katanungan maski na wala itong kabuluhan. Kahit pa ang masuwerteng numero na kailangan mong tayaan sa lotto.
Si Admin Buwan, ang night owl ng Galaxy. Mahilig makipag-usap at makipagkwentuhan sa page. Nabuhay ang SCU Galaxy dahil kay Buwan. Sa sobrang pagiging active nito, daig pa yata nito ang pinaka popular na basketbolista ng unibersidad. May nabuo na nga na fans club nito. Madalas din laman ng bulletin board ang mga topic na madalas buksan ni Buwan sa Galaxy. Dahil dito, sikat na sikat ang Galaxy sa buong unibersidad.
Si Admin Araw naman ang early bird. Kabaliktaran ni Buwan, si Araw ang seryosong version nito. Si Araw ang nagpo-post ng mahahalagang balita at kaganapan sa SCU. Lahat din ng mga paparating na okasyon ay si Araw ang nagbabalita sa Galaxy. Kung tutok ka sa pag-aaral, si Araw ang iyong maaasahan.
At siyempre, si Admin Ulap, na walang iba kung hindi si Paulo. Ang founder ng SCU Galaxy. Noong siya pa lamang ang humahawak sa Galaxy, walang code name na ginagamit si Paulo. Ngunit ng magkaroon na siya ng mga kasama, naisipan nilang gumamit na ng code name sa tuwing magpo-post at makikihalubilo sila sa mga taga-SCU. Bakit Ulap? Natural, para kay Skye. Dahil sa oras na maglaho ang mga planeta at bituin sa mga takda nitong mga oras, ang ulap lamang ang mananatili sa kalangitan. Ang mga ulap lamang ang hindi nawawala sa paningin ng lahat. Tulad ni Paulo kay Skye.
"Hindi mo ba talaga sasabihin sa akin kung ano 'yong binabasa mo kanina, Pau?" tanong muli ni Skye habang kumakain ng pinabili nitong kwek kwek. Sa sobrang tsismosa nito, ang dungis na nitong kumain.
"Hmm," kinuha ni Paulo ang panyo sa kanyang bulsa at pinunasan ang bibig ni Skye. "Later."
"Bakit later pa?"
"I'll check the post, Skye. Sa tingin mo nabasa ko na 'yon? Hindi pa, kasi dumating ka."
"So, kasalanan ko ngayon? Sorry, ah! Sige na. Basahin mo na lahat ng confession sa Galaxy mo."
"You are my entire universe, Tiara. Kahit tumambak pa ang confession sa Galaxy. You will always be my top priority." natawa na lang siya ng paghahampasin siya nito.
BINABASA MO ANG
LSS Anthology
Short StoryShort Story Dumps • A compilation of confessions, short stories and whatnots.