Pangiti-ngiti lang si Barbie, ngunit ang totoo, nalungkot siya ng iwanan nila ni Paulo sina Chester at Kristal. Nalaman niya kay Paulo na Kristal talaga ang pangalan ni Admin Tala. Hindi naman niya masisisi si Chester na nagustuhan nito si Kristal. Napakaganda naman kasi talaga nito. Kaya nga nagtataka rin siya kung bakit mas pinili ng babae na manatiling nakatago lang sa pangalan nito sa Galaxy. Tulad ng mga Tala, literal na kayang magningning ni Kristal. Papasa nga itong artista. Simple lang ito kung manamit pero aakalain mong endorso ito ng kung anong mamahaling brand.
Nang pumasok ito sa G Room kanina, natawag niya ito sa pangalan nito dahil tila kumikinang ang paligid ng makita niya ito ng harapan. Kilala na rin naman niya si Admin Araw. Bagay na maaaring nagtanim sa isip niya na hindi ito ang pumasok sa G Room. Sila lang naman ang nakakaalam ng G Room. Silang lima at ang puno't dulo ng lahat sa Galaxy, si Skye.
"Nalungkot ka ng makita mo si Kristal, 'no?" pabiro siyang siniko ni Paulo na mahinang tinutukso siya habang naglalakad sila palabas ng SCU. "Okay lang 'yan, Ara. Marami ka pang makikilalang iba."
"Ano bang sinasabi mo dyan, Kuya Pau. Sino ang malungkot?"
"'Sus! Sa akin pa talaga nagsinungaling. Alam kong may crush ka kay Chester, Ara." tinapik siya nito sa balikat, "gusto ka rin naman ni Chester. Hindi nga lang pareho ang kahulugan sa gusto mo."
"Kuya Pau talaga! Hindi ako malungkot, 'no," nahihiya niyang pag-amin. "Totoong crush ko si Kuya Chester. Ang pogi niya naman kasi. Tsaka sobrang bait pa. Pero happy crush lang 'yon, Kuya. Promise!"
"Hindi mo kailangan na mag-explain, Ara. Wala naman masama sa pagkakaroon ng crush. Bata ka pa, normal 'yan sa edad mo."
"Sa edad mo, hindi na?" tumawa siya ng sumimangot ito sa kanya.
"Hindi na kita ililibre, bahala ka dyan. Naawa pa naman ako sa iyo kanina kaya ililibre kita tapos aasarin mo lang ako."
"Joke lang, kuya," hinabol niya ito, "ililibre mo nga ako?"
"Oo nga," niyaya siya nito papunta sa malapit na fast food chain para mag-meryenda at mag-ice cream. Salamat sa ice cream, nakalimutan ni Barbie na feeling broken hearted siya.
Masaya na sana ang araw ni Barbie kung hindi lang niya nakita ang blog post ni Chester ng gabing iyon. Naalala na naman kasi niya ang itsura nito ng makita si Kristal. Happy crush niya lang ito, oo, pero nakaramdam din siya ng inggit ng makita kung paanong nito tignan si Kristal.
Maganda rin naman si Barbie. Nakakatawa man na ipinangalan siya sa sikat na laruang pangbabae, siya ay lumaki rin na parang Barbie talaga. Hindi tulad ng tipikal na Pinay na may itim na buhok, medyo Brown ang kulay ng mahaba at straight na straight na buhok niya. Maliit din ang beywang niya at pinagpala sa pagkakaroon ng malaking hinaharap. Akala mo ay hinulma na katulad ng manika talaga. Tuwing magkakaroon nga ng mahahalagang event sa SCU ay iniimbitahan siya ng board na magbihis Barbie. Bagay na ikinatutuwa niya dahil mahilig siyang manamit talaga. Iyon din ang dahilan kung bakit siya napalapit kanila Paulo. Siya ang itinanghal na mukha ng SCU.
"Masaya ako para sa 'yo, Kuya Chester. Halatang ang saya saya mo ngayon habang nakikipag-usap ka sa Team Kalawakan. Iba talaga kapag nakilala mo 'yong gusto mo, 'no? Inspired." pagkausap ni Barbie sa sarili. Tunog-bitter man, totoong masaya si Barbie para kay Chester. Alam naman ng lahat ng sumusubaybay dito ang tungkol sa lihim nitong pagtingin sa isang babae na ayaw nitong pangalanan. Madalas itong i-kwento ng lalaki sa mga midnight talks nito sa Galaxy. Maswerte nga siya at personal niyang nakita kung paanong unang nagkaharap ito at ang babaeng gusto nito. Obvious din naman na gusto ito ni Kristal. At aminado si Barbie na bagay na bagay ang mga ito.
Shout-out sa isang tagapakinig ko dyan. T'was so nice to finally see you in flesh. Will you go out with me, Admin Tala?
"OMG!" naitakip ni Barbie ang dalawang kamay sa kanyang bibig, "Kuya Chester!" Nawala ang lahat ng inggit na kanina ay naramdaman ni Barbie at napalitan iyon ng purong kilig. Kilala kasi niya si Chester. Mabait at approachable man, hindi ito deretsahan kung magsalita. Ito ang tipo ng tao na mahilig magpaligoy-ligoy, kaya nga nagkaroon ito ng fans club. Para itong artista na mahilig magpakilig ng fans. Parang nanlalandi na hindi pa-fall. "Ah, basta! Nakalimutan ko na 'yong selos, Kuya. Kinikilig ako!"
Siguro marami ang nagtataka sa inyo ngayon dahil sabi ko 'nice to finally see you in flesh', well, yes guys! Ngayon lang kami nagkita sa personal ni Admin Tala. Matagal ko na siyang kilala but dang, she's the prettiest girl I've ever seen, man. Tala, I know you are hearing whatever I am saying right now. Let's not waste chances anymore. Let's stop hiding. Go out on a date with me.
"Shet! Nakakakilig," hindi napigilan ni Barbie ang sarili na maki-comment sa broadcast ni Chester. Mula sa 400 live viewers, umangat ito sa 1.2k viewers. Masyadong masigla ang buong SCU sa pag-amin ni Admin Buwan at lahat ay nagkakagulo sa comment section. May mangilan-ngilan na nagkokomento ng negatibo, mga bitter at walang love life ba. Ngunit mas marami ang nagdiriwang at kinikilig ng gabing iyon, at isa na doon si Barbie. "Kuya, alam kong kilala mo naman ako. Basahin mo comment ko, please."
Haha! Hi, Ara. para namang narinig ni Chester ang sinabi niya at komento niya nga ang una nitong nakita pagtingin nito sa screen, Guys, meet the face of Santa Catarina University, Miss Barbara Agoncillo. Thank you for watching me tonight! Ramdam na ramdam ko 'yong kilig mo hanggang dito sa amin sa comment mo. And yes, Ara was right, she witnessed our little moment. Si Ara ang nakakita ng nangyari sa amin ni Tala.
She was on cloud 9. Ito rin siguro ang isa sa perks ng pagiging close kanila Paulo. Kaya kahit hindi sila pareho ng nararamdaman ni Chester ay ayos lang sa kanya. Ang importante, napapansin siya nito. "Para na kong tanga, pero kinikilig talaga ko. Hay, Lord, kailan po ako?"
Habang patuloy na nakikinig sa live confession ni Chester, o Admin Buwan, nagsimulang gumawa si Barbie ng mga ipapasa niyang requirements kinabukasan. Nagawang balansehin ni Barbie ang pagiging secretary ng Galaxy at ang pagiging magaling na estudyante, kaya naman isang taon na rin siyang consistent na dean's lister. Dahil doon, hinahayaan siya ng mga magulang niya na gawin ang gusto niya. Pinayagan nga rin siya ng daddy niya na mag-boyfriend, bagay na tinawanan lang ni Barbie. Paano naman siya magbo-boyfriend kung walang nagkakagusto sa kanya?
Maganda at matalino man, alam ni Barbie na hindi sapat ang mga bagay na iyon para magkaroon ng boyfriend. Kung iyon lang ang kailangan, sana ay noon pa man ay marami na ang nanliligaw sa kanya. Hindi naman sa nagrereklamo siya o naaatat siyang magka-nobyo. Nagtataka lang din si Barbie kung bakit sa kabila ng lahat, wala man lang nagkakagusto sa kanya.
Nasa malalim siyang pag-iisip ng may mabasa siyang komento mula sa kung kanino. Pakiramdam niya ay naka-relate siya dito. Dahil masyadong masaya si Admin Buwan, nakalimutan nito ang purpose ng live nito ngayong gabi. Dapat ay magbabasa ito ng mga tanong mula sa nanonood ng broadcast nito, ngunit mukhang nag-enjoy na ito sa pagkukwento ng first encounter nito at ni Admin Tala. Dahil doon, naisipan ni Barbie na siya na lamang ang sasagot sa mga tanong para kay Admin Buwan.
KennethLiveWithoutU: Admin Buwan, ano ang palagay mo sa pag-amin ng feelings sa babaeng nagugustuhan mo? Dapat ba na maghintay ka ng tamang panahon o kung may pagkakataon ay sasabihin mo agad? Asking for a friend.
LifeInPlastic: Kung nabasa mo 'yong sagutan nila Admin Buwan at Admin Tala, mababasa mo doon na he will not take risk kapag may masasayang na relationship. But seeing him now, obviously, he took the risk. Alam mo na ang sagot dyan. :)
KennethLiveWithoutU: So, umamin agad si Admin Buwan kay Admin Tala?
LifeInPlastic: Right!
KennethLiveWithoutU: I knew it! Kunwari pa siyang aayaw-ayaw pero gusto rin niya binibigla?
LifeInPlastic: Sorry, what?
KennethLiveWithoutU: Nothing. Thanks, Life! I owe you one. :*
"Weird," napahawak si Barbie sa batok niya matapos muling basahin ang palitan nila ng salita nila ni Kenneth. Kung siya ang tatanungin, tulad ni Chester, mas gugustuhin niyang itago ang feelings niya sa taong gusto niya kaysa umamin dito. Exemption 'yong kay Chester kasi halata naman na crush niya ito. Ngunit kung sa ibang tao, mas gugustuhin niyang huwag na lang ipaalam kahit na masakit sa huli kapag nakita mong gusto nila ang isa't-isa.
"Insert Ate Tala," natawa siya sa sarili niyang biro at iiling-iling na lang na bumalik sa ginagawa niya. "Basta kasingganda ni Ate Tala 'yong magugustuhan, okay na ko, at least kaya kong sabihin na maganda 'yong pinili kaysa sa akin."
Nasisiraan na talaga siya ng bait!
BINABASA MO ANG
LSS Anthology
Short StoryShort Story Dumps • A compilation of confessions, short stories and whatnots.