Naiikot ni Kristal ang mga mata nang marinig niya ang pagtawag sa kanya ni Ken. As usual, manghihingi na naman ito ng payo sa kanya. Mula ng malaman nito na siya at si Admin Tala ay iisa, parati na itong sumusunod-sunod sa kanya saan man siya magpunta. Kulang na nga lang ay tanungin niya ito kung pangarap ba nitong maging buntot niya.
"Ate Tala, Ate Tala!" pagsigaw na naman ni Ken sa pangalan niya. May mangilan-ngilang estudyante sa paligid na nakakapansin dito, ngunit dahil pilit niyang iniignora ang tawag nito, walang nakakaalam sa mga estudyante na siya ang tinatawag ng binata. Mabuti na lang talaga at masungit siya. Hindi naiisip ng mga nakakarinig na siya si Admin Tala kahit na tawagin siya ng tawagin ni Ken. Dahil magiliw si Admin Tala, at iyon ang bagay na kabaliktaran ng pag-uugali ni Kristal.
"Ate Kristal!" nanghahapong pagtawag ni Ken sa kanya. Hindi naman binilisan ni Krystal ang paglalakad ngunit hindi rin naman niya binagalan. Sadyang mas mataas lang siguro ang lalaki sa kanya kaya nagawa nitong maabutan siya. Ang importante kay Kristal, nakahabol ito sa lugar kung saan wala ng gaanong tao. Wala ng makakarinig sa kanila kung sakaling asarin siya ni Ken tungkol sa Galaxy. "Bakit ba hindi ka tumigil alam mo naman na tinatawag kita?"
"May pupuntahan pa ko. Sige na," paalam niya dito. Hindi pa man nakakalayo ay humarang na muli si Ken sa harap ni Kristal, "ano ba Kenneth Ismael?"
"Makinig ka muna sa akin, Kristala Mirabel."
"Shut up!" nagpalinga-linga siya sa paligid bago nakasimangot na dinuro si Ken. "Ano na naman bang problema mo, Kenneth?"
"Gusto ko nga mapasagot 'yong crush ko. Kailan ko ba siya dapat ligawan?"
"Sinabi ko na nga sa 'yo, 'di ba, maghintay ka ng takdang panahon. Hindi minamadali—"
"Hindi kami si Alden at Maine. Tapos na ang panahon ng AlDub. Kung may gusto ka, gumawa ka ng paraan para makuha mo." pamimilit ni Ken sa dalaga.
"Kung hindi ka naman pala makikinig sa sinasabi ko, bakit ka pa tanong ng tanong sa akin?" naiinis na tinabig ni Kristal ang kamay ni Ken na nakaharang sa daraanan niya at mabilis na naglakad. "Wala naman pumipilit sa iyo na lumapit sa akin tapos hindi ka naman pala makikinig sa sasabihin ko."
"Hopeless Romantic ka, 'no?"
"Excuse me?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Kristal sa binata. "Ako, hopeless romantic. Oh my God! No!"
"Yes," nakangising sabi nito, "hopeless romantic ka. You believe in love so much that you advice people to stay put and wait."
"What's wrong with waiting?"
"What's wrong with courting early?"
"Wala," nang mapasuntok ang binata sa hangin ay naiikot ni Kristal ang mata. "Same as walang masama sa paghihintay ng tamang oras para manligaw. Not everyone is like you, Ken. Hindi lahat ng tao atat magkaroon ng jowa."
"Sinong atat magka-jowa? Alam mo, Ate Tala, magkaiba ang naghihintay ng tamang panahon sa pag-ibig at walang manliligaw. Alin ka ba sa dalawa?"
Naiinis na tinalikuran na lang ni Kristal ang binata. He hit the spot. Oo, tama si Ken. Waiting and admitting that no one is pursuing her is two different things. Totoo naman na may hinihintay siya. Totoo naman na may mahal siyang hinihintay na mapansin siya. Iyon nga lang, ang mahal niyang iyon ay walang kasiguraduhan. Dahil ang minamahal niya, hindi alam ang tungkol sa existence niya.
Tutok ang paningin ni Barbie sa lalaking tumatakbo papalapit sa kanya. Sino ba naman kasi ang hindi mapapatingin kay Chester? Gwapo, matangkad, matalino, at higit sa lahat ay napakabait pa. Napaka-approachable nito at kahit hindi mo ito personal na kakilala ay hindi ka maaasiwa na lapitan ito. Lagi itong may nakahandang ngiti sa mga labi. Kaya nga may crush siya sa lalaki.
"Hi, Ara. Kumusta ka?" masarap sa pandinig ang boses nito. Alam ni Barbie na normal lang ang pagbati na ibinigay ni Chester sa kanya ngunit hindi niya mapigilang kiligin. Ganoon yata talaga kapag crush mo ang isang tao. Lahat ng bagay, binibigyan mo ng kahulugan.
"Hi, Kuya Chester!"
"O, Ara, ito ang panyo. Punasan mo muna 'yong laway mo. Tumutulo na!" panunukso sa kanya ni Paulo. Nawala sa loob niyang may kasama nga pala siya ngayon. Nahihiya siyang tumingin kay Paulo at lumabing hinampas ito. "Aray! Joke lang naman."
"Kuya Paulo, nakakahiya! Sorry, Kuya Chester." yumuko si Barbie at pasimpleng humawak sa baba niya. Napapikit na lang siya ng matuklasang tuyo naman ang mukha niya. Ngani-nganing batukan niya ang sarili dahil napaniwala siya ni Paulo na tumulo ang laway niya. Narinig niya ang mahinang pagtawa nito kaya naman mas lalo niyang iniyuko ang ulo para matakpan ng mahaba niyang buhok ang mukha niya. Nakakahiya talaga. Kung kailan nasa harapan niya pa talaga si Chester.
"Don't worry, Ara. Hindi ka naman iba sa amin. Hindi ka pa rin sanay sa Kuya Paulo mo." hinawakan siya ni Chester sa balikat. "Loko-loko lang talaga 'yan. Inaasar ka lang."
"Kung makatitig naman kasi si Ara—"
"Isusumbong kita kay Ate Skye!" putol niya sa kung anumang sasabihin nito. Imbes na matakot ay mas tumawa pa si Paulo sa sinabi niya. "Oo na nga, hindi ka naman takot kay Ate Skye."
"Ara, okay lang 'yan. Sanay na si Chester sa tingin mo. Hindi siya nahihiya na crush mo siya."
"Kuya Pau!"
"Pau!" nagkatinginan pa sila ni Chester ng sabay nilang binigkas ang pangalan ni Paulo. Namumula ang pisngi ni Chester, na ngayon lamang nakita ni Barbie, kaya hindi na naman niya naiwasan ang pag-aassume.
May crush din kaya si Kuya Chester sa akin?
"At sabay pa kayo sa pagsita sa akin, ah? Fine! Hindi ko na kayo aasarin." matapos sabihin ang mga katagang iyon ay may inabot na mga papel si Paulo sa kanya. "Ara, pasuyo naman nito. Paki-organize kung kani-kanino 'yong files para sa posting ng Galaxy. The usual, 'yong para kay Tala, iwan mo na lang dyan sa table mo."
"Yes, Kuya Pau."
"I need to talk to you," pabulong na sabi ni Chester kay Paulo na hindi nakatakas sa pandinig ni Barbie. Lihim siyang tumingin sa binata at pinagmasdan ang dalawang lalaking nagbubulungan sa harap niya. Kunwari ay busy siya sa kanyang binabasa habang nagbubulungan ang mga ito. Ang totoo, walang naiintindihan si Barbie sa mga binabasa niya at pilit na pinakikinggan ang pinagbubulungan ng mga ito.
"Tungkol saan?" walang pakialam na tanong ni Paulo kay Chester.
"About Tala." kitang-kita ni Barbie ng matigilan si Paulo sa harap niya. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanilang dalawa ni Chester. Hindi nagtagal ay niyaya nito ang huli na umalis sa harapan niya.
Napabuntong-hininga na lang si Barbie. Hindi niya alam kung bakit biglang naging interesado si Chester kay Tala. O kung noon pa man nito gustong makilala si Tala ay hindi siya sigurado. Iba ang pakiramdam ni Barbie sa biglaang pagtatanong ni Chester. Kung anuman ang totoong dahilan nito ay aalamin niya. Hindi dahil sa may crush siya sa binata o ano pa man. Kung hindi, siya mismo ay interesadong malaman kung sino ba talaga si Tala. Dahil kahit siya mismo na tumutulong sa mga ito ay hindi pa nakikita ni anino ni Tala.
"Sino ka nga ba Admin Tala?"
BINABASA MO ANG
LSS Anthology
Short StoryShort Story Dumps • A compilation of confessions, short stories and whatnots.