Chapter 29:Heaven!

59 15 0
                                    

David's POV

Hindi ko na pinatapos si Princess at agad ko ng tinanong sa kanya kung anong nangyari kay Lex.

"Nabalitaan ko kasi na naospital siya. Tinawagan ko yung mama niya kanina. Sinugod daw siya sa Marcos Hospital." Hingal na hingal na pagpapaliwanag nito.

"Ano? Tara na!" tumakbo kami ng mabilis. Sumakay sa jeep. Nagbayad at nagmamadaling bumaba. Tumakbo papasok sa ospital.

"Nurse, saan po yung room ni Alexandra Marie Rodriguez?" Tanong ko sa kanya habang hinahabol ang aking paghinga.

"Sa Room 56 po sir!" sagot noong matabang nurse.

"Tara Princess!"

Tumakbo kami papunta sa room 56. Pagbukas ko ay tumambad sa akin ang tulog na namumutlang mukha ni Lex.

"Tita, anong nangyari?" tanong ni Princess kay Tita Bernadette.

"Nakita ko siya kagabi na putlang-putla. Akala ko natutulog lang siya pero wala na pala siyang malay kaya sinugod ko siya kagabi dito sa ospital." Medyo nanghihina ang boses ni Tita.

"Kumusta na po ang lagay niya ngayon?" nag-alalang tanong ko.

"Sabi ng doctor ay kailangan lang niyang magpahinga at kumain ng tama. Hindi kasi siya kumakain sa tamang oras at iyak siya ng iyak buong magdamag kaya siguro nanghina ang katawan niya." Mahinang sagot ni Tita na nakatingin sa mukha ni Lex habang hinahagod ang buhok nito.

Kailangan masabi ko agad kay Lex na nagkakamali siya. Na hindi naman talaga plinano ni Paul ang lahat. Na hindi naman talaga siya niloko nento. Na mahal na mahal siya nito at natutuwa siya na malaman na magkaptid sila kahit hindi niya inaasahan 'yon. Kailangan ko ring sabihin sa kanya na sobrang mahina na si Paul. Na kailangan niya si Lex ngayon. Na ang tanging hiling niya ay makasama siya kahit magkapatid lang sila. Na gusto niyang makasama ang buong pamilya niya. Gusto kong gawin ito para kay Paul. Gusto kong matulungan ang bestfriend ko. Naniniwala pa rin ako na baka sakaling may pag-asa pa siyang gumaling. Na pag nakita niya ulit si Lex ay manumbalik ang mga ngiti niya at mabuhayan ulit ng loob na magpatuloy sa buhay. Alam ko na dahil kay Lex kaya patuloy pa rin siyang lumalaban.

Pero paano ko sasabihin sa kanya ito kung nasa ganitong kalagayan siya? Alam kong mangingibabaw na naman ang galit niya. Kailangan kong makaisip ng magandang paraan para masabi sa kanya ito. Na hindi ikasasama ng lagay niya. Nauubusan na ako ng panahon.

Naaalala ko pa ang mga sinabi ni Mang Inggo.

(Flashback)

5 years ago

"Tumingin ka sa langit David." Sabi ni Mang Inggo, siya yung matandang laging nakatambay sa amin at laging nakikipaglaro ng Chess sa mga batang tambay. Minsan nakikipaglaro rin ako sa kanya lalo na pagbored at may konting problema ako. Everytime na nakikipaglaro ako sa kanya, nagkwekwento siya tungkol sa kanyang buhay kaya nalaman ko na biyudo na ito at malayo na ang loob ng kanyang anak sa kanya.

Tumingin naman ako sa langit tulad ng inutos niya.

"Ang ganda ng langit ano?"

Tumango lang ako.

"Ang sarap siguro pumunta doon sa langit,"

Alam kong may pinahihiwatig si Mang Inggo.

"Pero ... Hindi pa pwede eh kasi di ko pa napapakita sa mga taong mahal ko na mahal ko sila. Di siguro ako papapasukin doon kasi sabi nila bawal daw ang pangit doon." Tumawa siya noon matapos niya sabihin to.

Di ako sumasagot. Tinitignan ko lang siya. May namumuo ng mga luha sa kanyang mga mata.

"Hahaha. Gwapo ka kung masaya ka. Pangit ka kung lagi kang nakasimagot. Kaya kailangan ko munang magpagwapo David."

Nahihiwagaan ako sa kanyang mga salita. Di ko maintindihan ang mga sinasabi niya hanggang may babaeng nasa edad 20 ang dumating.

"Pa!"

Nagliwanag ang mga mata ni Mang Inggo noong makita niya ang nag-iisang niyang anak.

Ilang linggo lang ang nakakalipas ay namatay na si Mang Inggo. Matagal na pala niyang iniinda ang kanyang sakit at hinihintay nalang niyang makita ang kanyang anak na matagal ng may galit sa kanya. Ito pala ang huling hiling nito na magkaayos sila. Kaya ngayon, masaya na 'to. Noong tinignan ko ang kanyang kabaong ay tumambad sa akin ang nakangiting labi nito.

"Mang Inggo, gwapo ka na!"

Huli kong salita sa kanya. Alam kong papapasukin na siya sa langit tulad ng sinabi niya. Tapos na ang misyon niya dito sa mundo.

(End of the flashback)

Gusto kong tuparin ang hiling ng bestfriend ko. Gusto kong mapasaya siya.


Lex's POV

Minulat ko ang aking mata at nakitang nag-uusap sila mama, David at Princess. Tinignan ko rin ang paligid. Alam kong wala ako sa bahay. Ginalaw ko yung kamay ko at nakita ko yung nakakabit na dextrose sa kamay ko. Bakit kaya ako nandito sa ospital?

"Ma, bakit ako nandito? Anong nangyare?" tanong ko kay mama.

"Anak, sinugod kita dito kagabi. Wala ka na kasing malay noong makita kita sa kwarto mo. Buti nalang at naidala kita ng mas maaga dito. Sabi ng doctor kailangan mo munang magpahinga. Mukhang okay naman ang lahat anak kaya wag kang mag-aalala. May iba pang test ang ginagawa para tuluyan na tayong makauwi. Siguro bukas o mamaya lang ay pwede na tayong lumabas dito sa ospital." Pagpapaliwanag ni mama.

Tumingin ako kina David at Princess. Bakit sila nandito?

"Lex, nag-aalala na talaga ako sayo," sabi ni Princess. "Ilang araw ka na kasing di pumapasok eh. Marami ka ng namimiss sa class atsaka namimiss ka na namin kaya tinawagan ko ang mama mo para kumustahin ka kasi di ka rin naman nagrereply o sumasagot sa tawag ko. Tapos ayon nga, nabalitaan ka na sinugod ka dito kaya pinuntahan na kita. Sorry kung sinama ko na rin si David ha. Alam ko kasing nag-aalala na rin siya sayo kaya binalita ko sa kanya."

"Naiintindihan ko Princess. Ayos lang."

Tinititigan ako ni David ng mga oras na 'yon. Tila nag-aalala ang kanyang mga mata at may lungkot ang mga ito. Ayokong kaawaan niya ako sa pinagdadaanan ko ngayon. Ayoko!

Di Lahat Ng Lalaki Manloloko!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon