Lala's POV
Ang lakas ng hagulhol ko nang sinimulan nang ibaba ang kabaong ni Lola Sabel sa hukay kung saan ang kanyang huling hantungan. Hanggang ngayon ay 'di ko pa rin matanggap na wala na ang aking pinakamamahal na Lola, ang tanging taong nagmahal sa akin nang walang kondisyon at walang limitasyon.
Hindi katulad nang talipandas na si Nicolas!
Ang akala ko'y totoo ang ipinapakita sa akin ng damuho, hindi pala. Ang lakas ng loob na halikan ako tapos maghahayag ng damdamin kuno, tapos magtatanong kay Panyang kung paano ako ligawan, tapos sa isang iglap biglang magagalit at sasabihan akong "stay out of my life!". Aba, kahit 'di ako masyado nagsasalita ng ingles ay alam ko ang ibig sabihan ng mga sinabi niya. Na lubayan ko raw siya at kahit pa sagutin ko si Lester ay wala daw siyang pakialam!
Noong una ay akala ko'y nagbibiro lamang siya, na pina-prank niya lang ako gaya nang mga nauusong paandar ng mga kabataan ngayon. Ngunit 'di na kami mga bata ni Nicolas...kaya na nga namin gumawa ng mga bata, eh! Hindi prank ang lahat dahil totoo talagang iniwasan niya ako't hindi na nagparamdam magmula noong una at huling date namin.
Nagising yata ang lalaki sa katotohanan kung gaano kalayo ang agwat namin sa buhay at kung sino lang ako kumpara sa mga exes niya. Ang tayog niyang tao, tinitingala ng mga katulad ko. Bakit nga naman siya papatol sa akin? Mabuti sana kung mukha akong diyosa kaso mas mukha akong impakta. Hindi niya ako maipagmamalaki.
Nasaktan talaga ako kasi mahal ko na ang damuhong si Nicolas. Ilang linggo ko ring iniyakan ang pambabalewala niya.
Nakakapanghinayang lang kasi pati pagkakaibigan namin ay nabalewala rin. Lagi ko siyang tine-text kaso ayaw akong reply-an. Ang lagi niyang pagtawag sa akin noon ay natigil din. Ang mas lalong ikinasasama ng loob ko'y ang paghahanap sa kanya ni Lola Sabel.
Alam kong napalapit na si Lola Sabel sa lalaki. Mas palagay nga raw ang loob niya kung kasama ko si Nicolas kaysa kay Lester kahit mas barumbado at mas mayaman si Nicolas. Hanggang sa naratay si Lola sa ospital ay panay hanap niya kay Nicolas. Wala akong magawa noon kahit awang-awa ako sa matanda. Hindi ko naman puweding kaladkarin at pilitin si Nicolas na dalawin si Lola kung ayaw niya. Kahit sa huling hininga ng matanda ay panay sambit niya kay Nicolas na sa mga oras na 'yon pala'y nakikipagdyugdyugan doon kay Mia!
Ang sabi pa ni Lola'y tanggapin ko pa rin daw si Nicolas, kahit marami siyang mga kapintasan, dahil mas liligaya daw ako sa kanya. Iyon daw ang nakita ni Lola Sabel sa panaginip, ang maikasal ako't bubuo nang masayang pamilya kay Nicolas. Gusto kong kilabutan sa mga sinasabi ni Lola Sabel. Ayokong sabihin sa kanya na kilabot na babaero si Nicolas. Hahayaan ko na lang na ichismis ni San Pedro kay Lola Sabel ang reputasyon ni Nicolas doon sa langit.
Paano ako liligaya d'on, 'La? Ayon ang mokong at hindi na naman maipinta ang mukha!
Kahit hilam ng luha ang mga mata ko'y kitang-kita sa peripheral vision ko ang sambakol na mukha ni Nicolas. Akala yata ng loko ay ayos na kami magmula noong masahehin niya mga paa ko noong isang araw. Bumalik na naman ang pagiging magiliw at mabait niya sa akin. Nagpapalipad hangin na naman na akala niya'y mauuto na naman niya ako. Kanina'y nakita niya na namang kausap ko si Lester. Sukat ba naman ay bigla akong hinila at pinagsabihan.
Nagdiskusyon na naman kami. Kesyo hindi raw maganda sa isang babaeng katulad ko na nakikita ng mga tao na masyadong malapit sa isang konsehal na lalaki. Baka ano raw sabihin ng iba. Pati pa ang pagdalaw ni Senator Matias ay pinanggigigilan niya. Hindi ko lang talaga masabi kung anong totoong relasyon namin ng senador. Nalaman ko lang din nitong huli dahil may ipinagtapat si Lola Sabel sa akin bago siya namatay.
Alam kong allergic si Nicolas kay Senator Matias dahil kay Caroline. Pinapawalang-bisa na pala ng senador ang kasal nito kay Caroline dahil matagal na palang alam ng matanda ang kataksilan ng asawa. Alam din ng senador kung sino ang kalaguyo ni Caroline. Hindi nga lang alam ng senador kung ano ang kaugnayan ni Nicolas sa akin. Baka kapag nalaman ng senador ay pagbawalan akong makipagkita kay Nicolas.
BINABASA MO ANG
Vitamin U
RomanceMagmula nang magkrus ang landas nina Lala at Nicolas ay sandamukal na kamalasan na ang naranasan niya sa kanyang mga naging trabaho. Si Nicolas ay isang imoral na playboy na nakita niyang hubad sa isang condominium ng senador. Okay na sana dahil bi...
