Lala's POV
"Is...Iskargot de borgogni..."
Napangiwi ako nang basahin ang dish na inorder ng isang VIP customer na nakatoka sa akin upang ihatid sa table nila. Hindi ko maintindihan ang pangalan ng dish."Escargots de Bourgogne," nakangiting ulit ng chef sa akin na si Chef Peter, isang half-French at half-Filipino na nagtatrabaho sa fine dining restaurant kung saan kami ngayon rumaraket ni Panyang.
Nasiyahan ako sa panibago kong trabaho bilang waitress sa French-Italian fine dining restaurant na 'yon. Bagong bukas pa ang naturang restaurant pero marami na customers, kadalasan ay mga VIPs at kilalang tao.
Noong isang araw nga ay may customer kaming sikat na artista, nangati ang kamay kong magpa-picture kaso, maliban sa walang camera ang cellphone ko, bawal din. Nakontento na lang akong pagmasdan ang artistang 'yon sa malayo.
Komportable din ako sa uniform namin. Naka-long sleeve na blusa kami na may itim na ribbon sa may collar tapos maiksing palda na may nakapatong na itim na apron. Hindi ko inintindi ang maiksing paldang suot kasi may suot naman akong itim na stockings.
Hindi ako nababastusan sa suot ko, 'di tulad doon sa bar ni Tiyang Carmen na mukha akong pokpok.Wala na akong mahihiling pa sa trabaho ko dahil marangal na, maganda pa ang pasahod. Kaso nga lang may isang maliit na problema, mahihirap ibigkas ang mga pagkaing nakasulat sa menu. Puro salitang pranses at italyano.
"Ano 'yon? Pakiulit?" nalilitong sabi ko kay Chef Peter.
"Es-skaar-gow de bur-gawn-yuh."
Ginagaya ko ang galaw ng bibig niya ngunit hindi ko talaga mabigkas.
"Say it," hikayat niya pa.
Napalunok ako. "Is...ahm...iskaro de bobo niya."
Napahagikhik siya.
"No, that's incorrect but you're getting there! Say it once again. Eh-skaar-gow de bur-gawn-yuh," ulit niya.Napapalatak ako.
"Pambihira naman, Chef. Kuhol lang naman 'tong pagkain na 'to bakit ang hirap bigkasin?"Totoo naman talaga, puro mga kuhol lang ang nasa plato na binudburan nang kung ano-anong berdeng dahon at star margarine!
"That's not just a snail, Lala. That's the most delicious snail in the world. The snails were stuffed with special butter sauce and topped with green herbs. It cost 2000 pesos per piece."
Nanlaki mga mata ko.
"Dalawang libo para sa isang kuhol? Seryoso? Aba, ang dami nito sa kanal namin, ah?""No, no, no. You meant the other snail. That's an edible snail and very expensive."
Napapalatak na naman ako habang tinititigan ang mga kuhol na nasa isang mamahaling plato. Hindi ako mag-aaksaya ng dalawang libong peso para sa mga kuhol na 'to. Pero sabi nga ni Chef Peter, primera klase daw ang mga 'to. Nagkibit balikat na lamang ako't inihatid na ang pagkain sa Table No. 2.
Habang papalapit sa Table No.2 ay hindi ko mapigilang pagmasdan ang dalawang VIP customers. Napaka-sweet nila sa isa't isa, mukhang magdyowa. Pansin kong halos puro nagde-date ang kumakain sa restaurant na 'to.
Nang makalapit na ako sa kanila ay agad nagtama ang mga mata namin ng babaeng customer. Nakatalikod sa akin ang lalaking kasama niya kaya 'di ko makita mukha. Nginitian ko ang babae ngunit hindi siya gumanti ng ngiti sa akin. Inirapan pa ako.
Nagpatay malisya ulit ako saka inilapag na mga orders nilang kuhol sa mesa. Nang magbaba ako ng tingin sa pagkain ay na-mental block ako kung paano ulit 'yon sasabihin.
BINABASA MO ANG
Vitamin U
RomanceMagmula nang magkrus ang landas nina Lala at Nicolas ay sandamukal na kamalasan na ang naranasan niya sa kanyang mga naging trabaho. Si Nicolas ay isang imoral na playboy na nakita niyang hubad sa isang condominium ng senador. Okay na sana dahil bi...