26- Sunog na itlog

1.4K 93 35
                                        

Lala's POV

"Lala?"

Nagbalik diwa ako mula sa mahabang pagkakatulala nang marinig ang boses ni Lester. Magkasama kaming dalawa ngayon sa loob ng isang mamahaling restaurant. May gusto daw kumausap sa akin na isang malaking tao. Hindi ko tinanong sa kanya kung sino, baka interesado rin sa produktong gawa ko.

"B-bakit?"

"May problema ka ba? Kanina ka pa wala sa sarili."

Napapahiyang nagyuko ako ng ulo. Napapansin pala ni Lester na kanina pa ako tulala?

Kasalanan 'tong lahat ni Nicolas! Kung 'di niya ako hinalikan kagabi, hindi ako mawawala sa sarili!

Nanariwa sa isip ko ang pagnanakaw ni Nicolas ng halik sa akin kagabi. Alam kong galit at nakainom siya kaya niya nagawa ang bagay na 'yon. Kung lalagyan ko 'yon ng kulay, baka sabihin na naman niyang malisyosa ako lalo pa't matapos niya akong halikan ay tila nahimasmasan siya. Bigla niya akong iniwan na walang paalam.

Hindi ko na siya nakita buong gabi. Nagtago, nahiya o baka nakatulog. Ewan ko sa kanya. Basta walang Nicolas na nagpaliwanag sa akin ng kanyang ginawang kapangahasan. Pangalawang beses na niya akong ninakawan ng halik. Pangalawang beses ko na rin siyang pinalampas.

Pero kakaiba ang halik niya sa 'yo kagabi. Matagal. May init. May ispark!
O baka ikaw lang ang nakakaramdam? Natatakot kang bigyan ng kulay at baka ganoon lang talaga si Nicolas sa mga babaeng kasama niya. Kilala mo naman 'yon diba?

"Lala?" untag na naman ni Lester.

Nag-angat ako ng tingin sa kanya, nakokonsensiya.
"Pasensya ka na Lester. Wala kasi talaga ako sa ayos ngayon."

"Dahil ba 'to sa Boss mo? Ayaw niya bang kasama mo ako?"

Takte. Iba din 'tong si Lester mag-obserba. Swak sa banga.
"H-hindi naman sa ganoon. Marami lang talaga akong iniisip nitong mga nakaraang araw."

Tumango siya na tila naiintindihan ako.
"Don't worry. After natin makausap 'tong tao na ipapakilala ko sa 'yo, hindi na muna kita iisturbohin."

"Pasensya na talaga, Lester. Promise sa susunod magpo-pokus na ako."

Napangiting tumango lamang siya. Mayamaya'y may nakita kaming isang matandang lalaki na paparating. May mga kasama siyang tila mga bodyguards. Nang mapagmasdan ko nang mabuti ang mukha ng matanda ay tila tinamaan ako ng kidlat.

Si Senator Matias! Ang asawa ng dyowa ni Nicolas!

Nabitin sa ere ang hininga ko nang tuluyan siyang makalapit sa amin saka nakipagkamay kay Lester.

"Magandang umaga, Ninong," magalang na bati ni Lester.

Takte, Ninong niya pa! Close sila!

Ilang saglit pa ay ako naman ang binalingan ni Senator Matias. Titig na titig siya sa akin sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Kinakabahan ako kahit wala naman akong kasalanan sa kanya. Alam kaya ng matanda na empleyado ako ni Nicolas? Inilahad niya ang kamay sa akin. Bantulot na tinanggap ko 'yon.

Mainit ang kamay niya. May kakaiba akong nararamdaman sa higpit nang pagkakahawak niya sa akin. Matagal pa bago niya ako binitawan. Nagtatakang napatingin ako sa kanya. Mataman lamang siyang nakatingin sa akin.

Binawi ko na ang kamay ko. Nakakapagtaka at wala akong nararamdamang pagkailang sa matanda.  Parang matagal ko na siyang kilala kahit ngayon lang naman kami nagkita at nagkasama nang malapitan. Unang kita ko sa kanya ay doon sa condominium ng asawa niya.

Vitamin UTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon