39 : Distance
JULIAN
Sinubukan kong kausapin si Damien. Pero hindi ko inaasahan kung gaano kasakit ang magiging resulta ng nangyari sa akin. Sa amin.
I know. Alam kong nagalit siya... pero hindi ko inakalang ganito niya ako ituturing. Na parang hindi ako kailanman naging bahagi ng buhay niya.
Noong gabing iyon, hindi ko mapigilan ang sarili kong mag-isip ng malalim. Paulit-ulit kong binabalikan ang nangyari. Nakahiga ako sa kama, nakatingin sa kisame, at ramdam ko ang pagbigat ng dibdib ko sa bawat alaala ng galit niyang mga mata, ng malamig niyang boses, ng para bang hindi niya ako kailanman kilala.
I think I really... crossed the line too much.
Maybe I shouldn’t have visited his father.
Napapikit ako nang mariin. Sa totoo lang, alam ko naman. Alam kong ikagagalit niya iyon. Alam kong sa mata niya, isa iyong pagtataksil. Pero kahit gano’n... ginawa ko pa rin.
Ginusto ko lang makatulong.
Ginusto ko lang siyang tulungan na ayusin ang mga bagay para sa kanya.
Pero sa huli, ako lang ang lalong nakasakit sa kanya.
Isang buwan ang lumipas.
At sa buong buwan na iyon, hindi namin muling kinausap ang isa’t isa.
Sa simula, mahirap. Hindi ako sanay sa katahimikan... more like, hindi na ako sanay sa katahimikan. Hindi ako sanay na dumadaan siya sa harapan ko na parang hindi niya ako nakikita. Hindi ako sanay na hindi ko siya malapitan, na hindi ko marinig ang boses niya, na wala na ang presensya niya sa araw-araw ko.
Sa unang linggo, gusto ko siyang kausapin. Gusto kong humingi ng tawad, gusto kong ipaliwanag ang sarili ko. Pero sa tuwing susubukan kong lumapit, ang malamig niyang ekspresyon ang sumasalubong sa akin, at sa isang iglap, nawawala ang lahat ng lakas ng loob ko.
Kaya natuto akong tumahimik.
Minsan, nakikita ko siyang mag-isa sa likod ng eskuwelahan, nakaupo sa isang bench na parang may malalim na iniisip. Minsan, napapansin ko rin itong nakatulala sa klase habang hawak ang ballpen pero hindi man lang nagsusulat. May mga araw na late siyang pumapasok, may mga araw naman na hindi ko na siya nakikitang kumakain tuwing lunch break.
Pero kahit gano’n na ang nangyayari sa kanya... hindi ko pa rin magawang lapitan siya.
Kahit gustong-gusto ko nang tanungin kung ayos lang ba siya, kung nakakakain ba siya nang maayos, kung may mga bagay ba siyang gustong sabihin pero hindi niya masabi—hindi ko magawa.
Dahil ang tanging magagawa ko lang ay ang tingnan siya mula sa malayo.
Sa bawat pagdaan ng araw, natutunan kong tanggapin na hindi ko si Damien maaaring pilitin. Na kung talagang kailangan niya ng espasyo, ang pinaka-maibibigay ko ay ang lumayo.
Ngunit gayunpaman, hindi naman ibig-sabihin no’n na hindi ko na siya dapat pinapansin.
Kahit hindi niya alam, patuloy ko pa rin siyang binabantayan.
Mayroong isang beses na nakita ko siyang may pilat sa braso, parang bagong sugat. Hindi ko alam kung saan galing, pero hindi ko na rin tinanong. Nagdesisyon akong bumili ng band-aid sa clinic at iniwan iyon sa locker niya nang hindi niya nalalaman.
May isang beses ding nakita ko siya na natutulog sa library, mukhang pagod na pagod. At first, I was really hesitant to go towards him dahil baka magising siya. Pero kalaunan ay napagdesisyunan kong lapitan na siya at iniwan ang isang maliit na juice box sa kanyang tabi bago lumabas, umaasang kahit papaano ay sana maisip niyang alagaan naman ang sarili.
I also stayed in touch with Tito David. Kahit hindi na ako tinatanong ni Damien tungkol sa ama niya, hindi iyon naging dahilan para hindi ko ibigay ang updates kay Tito David tungkol sa anak niya. Despite everything that happened, I still promised tito na babantayan ko si Damien at isa na rin siguro sa rason kung bakit ko itinuloy ito ay dahil ayokong masayang ang pagkakataong ito lalo na’t it truly cost me too much. But deep inside, I know that Tito David really cared for Damien. It’s just that... Tito David was too late to understand his son’s feelings and Damien got tired of waiting for his dad already.
[ How is he? ] tanong ni Tito David sa kabilang linya.
Tumingin ako sa labas ng bintana, pinagmamasdan si Damien na ngayon ay nakatayo lang sa tapat ng canteen, nakayuko, at parang nag-aalinlangan kung bibili ba ng pagkain o hindi.
“Okay naman po siya,” sagot ko. “Medyo tahimik lang nitong mga nakaraang araw.”
[ Hindi pa rin ba niya ako kinakausap? ]
Umiling ako, kahit alam kong hindi niya ako nakikita. “...Hindi pa po.”
Narinig ko itong buntong-hininga sa kabilang linya. [ Pasensya ka na, Julian. Alam kong mahirap ang sitwasyong ito para sayo. ]
Ngumiti naman ako kahit hindi ni tito nakikita. “Ayos lang po, Tito. Naiintindihan ko naman.”
Kahit na masakit.
Kahit na pakiramdam ko, bumalik kami sa pagiging estranghero sa isa’t isa.
But despite all of those pain... hindi naman nabawasan ang nararamdaman ko para sa kanya.
One time, habang papalapit na ang pagtatapos ng break time, napansin kong hindi pa rin tumatayo si Damien mula sa kinauupuan niya sa sulok ng quadrangle. Hawak niya ang phone niya pero hindi niya tinitingnan.
Napakunot-noo naman ako at tumikhim. Alam kong hindi pa siya kumakain. Ba’t ba nakatulala lang siya? Even though some of his friends are calling him, he’s just dismissing them and stare again in the middle of nowhere.
Nang makaisip ako ng paraan upang kumain siya ay dali-dali akong pumunta sa canteen at bumili ng biscuit. After buying the food, bumalik muli ako sa quadrangle palapit sa kanya.
Dahan-dahan lang akong lumapit, kinakabahan at umaasang baka sakaling tanggapin ni Damien ang pagkain.
Nang tuluyang makalapit ay inabot ko iyon sa kanya.
“Gusto mo?” mahina kong sabi. “Ano kasi... sobra pala yung nadala kong--”
Hindi ko na natuloy pa ang sinasabi ko nang tahimik siyang tumayo at iniwasan ang kamay kong nakaabot. Walang sabi-sabing naglakad ito palayo ng hindi man lang lumilingon sa akin.
Tila para naman akong binuhusan ng malamig na tubig sa pwesto.
Hawak ko pa rin ang biscuit sa kamay ko, hindi makagalaw. Hindi ko alam kung anong mas masakit—ang pag-iwas niya, o ang tahimik na pagtanggi niya na tila wala akong halaga.
Napayuko ako, ramdam ang pagbigat ng dibdib ko. Pero bago pa ako tuluyang lamunin ng lungkot ay mabilis kong ipinilig ang aking ulo at humingang malalim.
If there is one thing that I learned from Damien himself, iyon ay ang kahalagahan na maintindihan mo dapat ang sitwasyon ng isang tao upang magkaroon kayo ng mas maayos na komunikasyon.
At kung ngayon, ang kailangan niya ay espasyo... handa akong ibigay ‘yon.
Kahit na masakit.
Kahit na pakiramdam ko ay unti-unti na akong nawawalan ng lakas ng loob.
Dahil kung ito ang kailangan niya para mahanap niya ang sarili niya... kung ito ang paraan para kahit papaano ay gumaan ang bigat na dinadala niya, tatanggapin ko.
Kahit ang ibig-sabihin nito ay manatili na lamang ako sa anino, habang siya ay patuloy na lumalayo.
