Nagulat ang lahat nang makita sa news agency si Czarina kinalunesan. Pinaka-dramatic ang reaksyon ni Luisa, isang news reporter na dating kasamahan ng babae sa news room. She did not hide her disgust.
"Girl, nagka-amnesia ka yata. Hindi ba't pinatalsik ka na ni Sir Ed dito?"
"Yup. Ba't ka pumunta pa rito? Naligaw ka ba, girl?" nakangising sabat ng best friend nitong bading na si Diva. Nag-high five pa ang dalawa at pinamaywangan si Czarina. Halos ay harangan nila sa pintuan ang dating katrabaho.
Imbes na patulan ang dalawa, minabuti ni Czarina na ngitian lamang ang mga ito saka nagtuluy-tuloy na siya sa loob. Napatingin ang lahat ng nadadaanan niyang cubicle. They all looked shocked. Dahil sa narinig ng lahat na pangungutya nila Luisa at Diva sa babae, nagbulung-bulungan pa ang mga ito. Bakit nga raw ba bumabalik doon si Czarina? May utang bang dapat bayaran? May sadya sa bosing nila? Kung ano man iyon, makikita sa mga mukha nila ang inis. Nakipasaring na rin ang iba. Si Emily lang ang hindi nakisali sa pang-aasar nila sa babae. At ito lamang ang labis na natuwa sa pagbabalik ng dating katrabaho. Sinalubong nito ang kaibigan ng isang mahigpit na yakap.
"Welcome back, Czarina. Sabi ko sa iyo, maawain din si Sir Ed, eh. Hindi lang halata." At napabungisngis ito. "Na-realize siguro ni sir na kahit papaano ay may naipasok ka rin namang mga magagandang news stories na pinagkakitaan ng ating publisher."
"Thank you sa mainit na salubong, Emily."
Nabatid ni Czarina na hindi pa pala nasabi ng bosing niya ang bago niyang papel sa news agency. Kahit si Emily hindi alam. Napangiti siya nang lihim. Hindi na tuloy siya makapaghintay na makita ang shocked faces ng mga ito kapag nalaman nilang under silang lahat sa kanyang pamamahala.
"Don't tell us that you're going to return to the news room? Girl, may pumalit na sa iyo ro'n. And she's a lot better than you! Maaasahan. May diskarte. At hindi umaatras sa assignment!" Si Luisa.
"Naku, sis, I'm pretty sure, hindi na iyan pababalikin ni Sir Ed sa news room, no? Basura kaya ang mga news story nitey. Gosh!" At hinawi ni Diva ang kanyang imaginary hair sabay hair flip.
Hindi na sumagot doon si Czarina. Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa opisina ng news editor. Nakita niya ilang metro ang layo mula sa pinakapasilyo na dinadaanan niya na gawa na rin pala ang kanyang name plate sa pintuan. Iyon nga lang, baliktad ang pagkakalagay. Pagkatapat nga niya sa pinto ng office agad niyang inayos iyon saka parang slow motion na ipininid iyon. She heard everyone's gasps before the door finally closed behind her.
Dahil ang news editor, managing editor, at editor-in-chief lamang ang may sariling opisina roon na nabubukod sa lahat ng staff, nakapagbigay iyon sa kanilang tatlo ng kakaibang prestige at power. Tulad halimbawa ng posisyon niya. Mayroong dalawang levels sa kanyang pangangalaga. Ito ay ang mga editors ng bawat news category na kanilang nire-report tulad ng science, business, sports, at features. Ang bawat editors na ito ay may kanya-kanyang ring tauhan na news reporter. On the average, each section have five regular reporters. Hindi pa kasali ang mga contributing news writers nila. Dati-rati'y under siya sa business section. Iyon ang dahilan kung bakit nabigyan siya ng assignment na kakapanayamin si Rorik Rojas.
Nang maalala ni Czarina ang dating nobyo at ang ginawa nitong panghihiya sa kanya during her interview with him na naudlot, napatiim-bagang siya. At napaismid. Sa posisyon niya ngayon, hindi na siya maiismol ng hambog na iyon!
Bago pa tuluyang masira ang kanyang mood umupo na siya sa swivel chair at pinaikot-ikot itong parang bata.
"Thank you, Lord, for this gift! Hinding-hindi ko ito sasayangin!"
"Natural! Oras na sayangin mo'y hindi ako magdadalawang-isip na sisantihin ka muli." Ang Sir Ed nila. Nabuksan na pala nito ang kanyang pintuan at ngayo'y nakatayo na sa bukana. Nag-init tuloy ang kanyang mukha. "Come, follow me. I'll introduce you to everyone."
BINABASA MO ANG
BAKAS NG KAHAPON [COMPLETED]
ChickLitBatid ni Czarina na sukdulan hanggang langit ang galit sa kanya ni Rorik, kahit hindi man nito ipakita. Naiintindihan niya iyon. Sino ba naman ang matutuwa? Hindi niya naipaglaban sa matapobre niyang ama ang dating kasintahan. Ngayon, bumaliktad na...