CHAPTER ELEVEN

4K 174 18
                                    

"Hoy! Ano ba? Anyare sa iyo? Pinapatawag ka nila Sir Ed at Architect Rojas. Bakit nandito ka?"

Hindi na kailangang lingunin ni Czarina kung sino ang nagsalita. Alam niyang ang kaibigan niyang si Emily iyon. Dinaklot nito ang braso niya kaya napilitan siyang harapin ito. She looked at her with a pained expression on her face. Saka lang nagbago ang tono ni Emily. Sinapo nito agad ang kanyang pisngi.

"May ginawa pa bang iba si Sir Ed bukod doon sa ginawa sa iyo kanina?"

Marahan niyang tinanggal ang mga kamay ng kaibigan sa kanyang pisngi at tinalikuran ito. Pinagmasdan niya ang daloy ng trapiko sa ibaba. Tanaw mula sa veranda ng kanilang gusali ang Alabang-Zapote Road at nang mga oras na iyon ay hindi na magkamayaw ang mga dyipni, taxi, bus, at pribadong mga sasakyan sa pagpaparoo't parito. Naisip niya minsan na sana ay naging sasakyan na lamang siya. Walang damdamin. Hindi marunong masaktan.

"Kung hindi si Sir Ed, si Architect Rojas ba? May ginawa ba siya sa iyo? Is that why he's asking you to come see him as well? Ang sabi nila kasi'y kababata mo ito at naging kaklase pa. May unresolved business ba between you guys?"

Hindi siya sumagot. Inulit ni Emily ang huling katanungan.

"Wala," kaila niya rito.

Tila nabunutan ito ng tinik. "Buti naman kung gano'n. Kasi nababaitan ako kay Architect, eh. Alam kong hindi siya mapanakit ng kapwa. Alam kong isa siyang mabait na tao."

Napalingon si Czarina sa kaibigan at pinangunutan ng noo nang makita itong tila nagpipigil ng kilig. H'wag nitong sabihin na may crush din ito sa dati niyang nobyo?

"Ang sabi nila single daw si Architect. Isipin mo iyon? Ang ganoong klaseng lalaki ay single? Hindi kaya sabi-sabi niya lang iyon para mas lalong dadami ang tagahanga niya? Ano kayang klaseng babae ang type ni Architect?"

Napanganga si Czarina at tila naalibadbaran na rin. Hindi sa nangmamata siya sa kaibigan, pero she has known Emily for a long time now at naisip niyang ni hindi ito mahilig sa lalaki matapos mabalo. Napakamot-kamot na lang siya sa ulo nang mapagtantong tinamaan nang husto ang manang-manangan niya sa dati niyang nobyo. Imbes na inisip niya kaninang sabihan ito kung ano ang tunay niyang pinagsisintir, nagbago na ang kanyang isipan.

"Marami lang bills na dapat bayaran tapos tinatakot-takot pa akong paalisin sa trabaho."

"Naku, h'wag mong pansinin si Sir Ed. Antipatiko lang ang matandang iyon palibhasa'y matandang binata! O siya, halika na. Bumalik na tayo sa loob. Sir Ed and Architect Rojas want to talk to you daw. Baka good news iyan. Pero kung hindi naman, kung kinakailangan mo ang suporta ko, nandito lang ako lagi para sa iyo."

"Mauna ka na sa loob, Ems. I will be there in a few minutes. Kailangan ko lang magpahangin kahit saglit lang. Nasasakal ako sa loob."

"Basta sumunod ka, ha?"

Tumangu-tango siya rito.

Mayamaya nang kaunti, pumasok na siya sa loob ng opisina. Naglakas-loob siyang tumungo sa silid ng kanilang editor na si Ed Santos. Kumatok siya rito nang kung ilang beses, pero wala siyang narinig na tugon mula sa loob. Pipihitin na lang sana niya ang seradura nang lapitan siya ni Diva at inismiran.

"Ang lakas ng loob mo kahit kailan. Kung iniisip mong you can gain favors dahil kababayan mo ang major investor nating si Architect Rojas, nagkakamali ka. Bad news for you, dahil sa pag-inarte mo kanina binigay na ni Sir Ed ang posisyon mo kay Wynona. Wala ka nang work dito." At humalakhak ito bago maarteng tumalikod. Sinundan ang halakhak ni Diva ng bungisngis mula sa isa pang pamilyar na tinig. Ang kaibigan nitong si Luisa pala. Maarte silang naglakad pabalik sa kanilang work area.

BAKAS NG KAHAPON [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon