May bumara sa lalamunan ni Czarina nang sa wakas ay masilayan niyang muli ang dati'y tinuturing niyang home sweet home makalipas ang mahigit sampong taong pagkawalay doon. Palalo pa ring nakatirik ang kanilang mala-palasyong mansyon sa sentro ng kanilang barangay sa Dinalupihan. Bagama't nangingitim na ang pinturang dati ay matingkad na luntian, hindi pa rin maikakaila ang gandiyosong anyo ng istraktura. Ang pinagtataka lang ni Czarina ay malinis pa rin ang hardin. Parang mayroong nangangalaga sa kanilang bakuran dahil ni hindi nagkaroon ng mga ligaw na damo roon.
"Magandang araw, miss. May kailangan po kayo?"
Napatingin si Czarina sa mamang lumapit sa kanya. Naaamoy niya ang freshly cut grass sa loob ng hawak nitong sako. Nagpakilala ito bilang caretaker ng mansion.
Caretaker? Ang huli niyang natatandaan ay nagsialisan ang lahat na nagtatrabaho sa kanila nang mamatay ang kanyang mga magulang. Sino itong taong ito?
"Ako po si Simon, ang nautusan ni Manedyer na maglinis dito isang beses kada linggo. Sino po sila?" pagpakilala ng mama. Parang nahulaan ang tanong sa kanyang isipan.
"Czarina po. Dati po akong nakatira rito."
Nang marinig ang kanyang pangalan ay tila umilaw ang mga mata nito. Mukhang pamilyar dito ang narinig na pangalan. Saglit itong nagpaalam sa kanya. May tatawagan lang daw saglit. Mayamaya pa'y bumalik ito sa kanyang harapan at sinabing maaari na siyang maglibot-libot sa paligid. Kaagad nitong nilawakan pa ang bukas sa mga bakal na tarangkahan.
Naglakad-lakad sa paligid si Czarina at nang makita ang Acacia sa likod-bahay kung saan niya kinakatagpo noon si Rorik, parang piniga ang kanyang puso. Dali-dali siyang tumakbo papunta roon. Halos niyakap niya ang mala-drum nitong puno. Napatingala siya rito at no'n niya napansin na nandoon pa rin ang mga inukit nilang pangako.
Rorik heart Cza-cza (Chacha).
You (Rorik) are my leche flan and my halo-halo!!
Napangiwi siya sa kakornihan ng mga nakaukit na salita. Kung nandito lang ang anak niya, siguradong uulanin siya nito ng kantiyaw. Baka nga sasabihin pang, "Oh, Ma. So cringey!"
Napangiti rin siya sa mga naalala nang makita ang mga pinagsusulat nila ni Rorik doon. Noong mga panahong iyon, limitado lamang ang kanilang oras kaya hindi pantay ang pagkakaukit sa mga salita. Katunayan nga hindi nila natapos iyon ng isang ukitan lang. It took them almost a week dahil maya't maya'y tatakbo sila at magtatago sa ama.
May kung anong humaplos sa puso niya nang maalala si Aling Petra, ang isa sa mga kasambahay nilang tumulong sa pagmamatyag sa papa niya habang nag-uusap sila ng nobyo sa lilim ng Acacia. Dahil dito kung kaya nagkaroon sila ng bonding moments ni Rorik sa kanilang likod-bahay. Kaso nga lang, nahuli ito ng kanyang ama at napatalsik sa kanila. Iyon na ang simula na pinagmalabisan ng papa niya ang dating nobyo.
"This is a private property. Nobody is allowed to come here."
Biglang napalingon si Czarina sa narinig na boses sa kanyang likuran. Nagsalubong ang mga mata nila ni Rorik na ngayo'y naka-denim jeans at T-shirt na puti lamang. Fresh na fresh ang mukha nito. At malayo na sa yagit na teenager na kinahumalingan niya noon.
"Private property?"
Ngumisi ang lalaki at lumapit sa kanya.
"Yes. Hindi ba nasabi ng bangko sa iyo?"
Napakurap-kurap si Czarina. Binalikan ang papeles na natanggap niya mula sa pinagsanlaan ng ama. Ang tanging naaalala lamang niya ay ang sinabi ng manager na ipapa-auction ang mansion at ang lupang kinatitirikan nito kung hindi siya makababayad ng kahit multa lang.
BINABASA MO ANG
BAKAS NG KAHAPON [COMPLETED]
ChickLitBatid ni Czarina na sukdulan hanggang langit ang galit sa kanya ni Rorik, kahit hindi man nito ipakita. Naiintindihan niya iyon. Sino ba naman ang matutuwa? Hindi niya naipaglaban sa matapobre niyang ama ang dating kasintahan. Ngayon, bumaliktad na...