*****
Sa isang inuupahang townhouse sa Loyola Heights, Quezon City.
“Three hundred thirty one….”
“Three hundred thirty two…”
“Three hundred thirty three…”
Walang nagbibilang ng barya. Tinatapos lang ng isang dalaga ang pang-umagang ritwal na two hundred push-ups at four hundred sit-ups.
Tumatagaktak ang pawis sa mukha nito. Tinitiis ang hirap at hapdi sa mga kalamnan mapanatili lang ang malakas na pangangatawan.
Tumayo ito nang makumpleto ang pagbibilang. Pumasok sa kuwarto at kumuha ng tuwalya. Sinisipa ang bawat kalat at pinaghubarang damit na nasasagi ng mga paa. Pagkuwa’y pumasok sa banyo at masiglang naligo.
Siya si Alexandra Michaela Preciousa Valdemor, kilala sa tawag na Alex, dalawampu’t tatlong taong gulang. May taas na 5’5” at may timbang na 48 kls. At ito ang mga katangiang sana'y taglay niya.
Napakataas ng IQ…... ng nag-iisa at nakatatandang kapatid na lalaki.
Napakalinis sa bahay….. ng kanyang kapitbahay.
Napakasinop sa gamit.… ng kanyang matalik na kaibigan.
Napakalambing…. ng kanyang lolo.
Napakagarbong manamit…. ng kanyang nanay.
Eh paano naman kamo ang mga katangian niya? Heto ang totoo.
Ang utak niya ay tumatakbo lamang sa trabaho. Bago matulog ay iniisip ang gagawin kinabukasan at pagkagising naman ay pinaghahandaan ang maaring mangyayari sa kanyang buong araw.
Hindi palaayos ng sarili. Kung pwede lang na hindi manalamin at magsuklay sa loob ng isang araw ay gagawin niya. Wala ni isa mang hibla ng kaartehan sa katawan dahil itinuturing na kalbaryo ang pagpapaganda. Minsan ay pwede mong pagtakhan kung isa nga ba siyang babae.
Pagkalabas ng banyo, nagsuot siya ng sikip na pantalong maong, puting hapit na T-shirt, leather jacket at itim na boots. Itinali ng mataas ang lagpas balikat na buhok.
Nang makumpleto ang pagbibihis, kinuha niya ang baril na itinago sa kabinet. Isiniksik ito sa panloob na bulsa ng kanyang jacket. Lumabas at isinarado ang bahay. Nagsuot ng helmet at pinaandar ang kanyang motorsiklo.
Wala pang dalawang kanto ang layo mula sa townhouse, huminto siya sa tapat ng isang mansyon. Ipinasok ang motorsiklo at ipinarada sa garahe. Naglakad siya nang dire-diretso sa loob ng magarang bahay. May kasigaang itinapon ang helmet sa mamahaling sopa.
“Handa na ba ang almusal? Nagugutom na ako,” sabi niya habang diretso lamang ang mga tingin.
“Yes Ma’am Alex!” sagot ng katulong na sumalubong sa pagdating niya.
Lumapit siya sa mahabang hapag kainang may nakahaing mga masasarap na pagkain. Walang sabi-sabing naupo at inumpisahan ang mabilisang pagsubo.
BINABASA MO ANG
Ang Alalay Kong Astig! ( Published Under Pop Fiction/Summit)
RomanceBlake Monteverde is a living proof that prince does still exist. He is the ideal boyfriend every teenage girl could dream of. He's the man every lady wishes to date. And he is the husband every woman aspires to marry. He's handsome, intelligent, coo...