[10] PATIENCE 101

502K 12.3K 974
                                    

                                                     *****

Nagulat si Chief Martinez sa tauhang walang kaabog-abog na pumasok sa loob ng kanyang opisina. Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa. Gusut-gusot ang buhok. Namumula ang mukha sa mga kalmot. May kaunting sugat ang gilid ng bibig.

 “Anong nangyari sayo Valdemor? Nakipaghuntahan ka ba sa mga tigre?”

Hindi sinagot ni Alex ang tanong. Naupo siya sa silyang nasa harap ng mesa ng opisyal.

“Ayoko na nang ganitong paraan ng pagbabantay kay Blake Monteverde. Hindi na kaya ng pasensiya ko ang mga nangyayari!” walang halong pagkukunwaring reklamo niya.

 “Anong ibig mong sabihin? Akala ko ba napapalapit ka na sa batang iyon?”

Hindi niya na napigilang huwag sabihin ang itinatagong mga sama ng loob. Nakasimangot na tila batang nagpapakamping hinarap niya ang kanyang ninong.

“Chief ang totoo, ibang klase ang ugali ng Blake Monteverde na yun! Lahat yata ng kayabangan, kaantipatikuhan at kabastusan nasalo niya na! Hindi na kaya ng pasensiya ko! At heto pa. Ngayon ay hindi lamang siya ang pinoproblema ko kundi pati na rin ang mga taong nakapaligid sa kanya. Nakita niyo itong hitsura ko ngayon? Kagagawan to ng mga babaeng pinagloloko niya! Hindi na tama ito chief! Nawawala ako sa tamang konsentrasyon. Maaring pansamantala ko siyang mapakisamahan pero hindi ko alam kung hanggang saan ang itatagal ng pisi ko. Kaya habang maaga, baguhin natin ang atake ng pagmamanman ko sa taong ito.”

Dahang-dahang namula sa galit ang mukha ni Chief Martinez. Hindi ito makapaniwala sa pag-aasal bata ni Alex.

 “Anong pinagsasabi mo Inspektor Valdemor?! Gusto mo bang sabihin na baguhin lahat ng plano para lamang sundin kung saan ka komportable?! Anong klase kang pulis? Kelan ka pa natutong magtrabaho ng ganito?!”

 “Chief gusto ko lang naman iwasan na pumalpak kaya hangga't maaga ay sinasabi ko na sa inyo ang problema.”

 “Hindi maari. Somosobra ka na Alexandra! Hindi porke’t apo ka ni General Valdemor ay pwede mo ng isipin na magagawa mo lahat ng bagay na gusto mong gawin!”

Nagseryoso ng mukha si Alex at matamlay na tumingin sa kanyang kausap. “Kung hindi niyo ako mapagbibigyan, ibigay niyo na lang sa iba ang misyon na ito. Makapaghihintay pa naman siguro ang promotion ko. Hindi ko buburuhin ang aking sarili na pakisamahan ang isang asal prinsipeng saksakan ng sama ng ugali."

Tumayo si Alex at naglakad papalabas ng opisina. Hindi naman makapaniwala ang hepe sa inasal ng dalagang pulis. Tumayo ang opisyal at seryosong nagbitiw ng mga salita bago makalabas ng pintuan ang inspektor.

 “Alexandra, alam mo ba kung gaano ka ipinagmamalaki ng lolo mo? At alam mo rin ba na halos wala na itong mapagsidlan ng tuwa nang malamang malapit ka ng mapromote?...”

Natigilan bigla si Alex basta’t lolo niya na ang pinag-uusapan ay madaling maantig ang kanyang damdamin.

Ang Alalay Kong Astig! ( Published Under Pop Fiction/Summit)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon