[12] DRAMA QUEEN

519K 13.4K 4.7K
                                    

                                       

                                                       *****

“Marcus Lee Chua, bente singko anyos, anak ng isang milyonaryong Chinese businessman, natagpuang patay sa isang warehouse sa Cavite. Ayon sa mga nakakita, sinasabing dinukot ang lalaki kahapon ng mga di nakikilalang mga kalalakihan habang naglalakad ang biktima papunta sa parking lot galing sa pamimili nito sa Greenhills. Ayon sa pamilya ng biktima, nanghingi sa kanila ng 100 daang milyong pisong ransom ang mga kidnappers. Bagamat sumang-ayon silang magbabayad ay nanghingi pa rin sila ng saklolo sa mga pulis. Ang deadline ng bayaran ay dapat kinabukasan pa ng alas-kuwatro ng madaling araw kung kaya’t pinagdududahan nilang ang pagrereport nila sa pulis ang siyang dahilan kung bakit pinatay ang kanilang kaanak. Sa ngayon nama’y hindi pa rin matukoy kung anong grupo ang nasa likod ng kahindik-hindik na krimen na ito….”

Pinatay ni Chief Martinez ang telebisyon at humarap kay Alex na noon ay seryosong-seryoso ang mukha dahil sa napanood.

 “Ayon sa imbestigasyon, malamang na kagagawan ito ng venomus. Magaling silang makipagpatintero kahit sa kapulisan. Nagkalat ang mga spy nila kung kaya’t sinampolan nila ang biktimang ito para ipakita sa mga susunod nilang bibiktimahin na dapat silang matakot humingi ng tulong sa mga awtoridad….”

 “…wala tayong natanggap na kahit anong impormasyon tungkol sa naging balak nilang pagkidnap sa biktimang ito. Masyadong pulido kumilos ang grupo kung kaya’t ang natatanging alas na lang natin para matunton sila ay si Blake Monteverde…”

 “…Kung kaya’t Inspector Valdemor mas higit na dapat mong tutukan ngayon ang pagbabantay sa estudyanteng ito. Kung kinakailangang sundan mo siya sa loob ng bente kwatro oras ay gawin mo. Sa ngayon ay ipinapaubaya ko na ang pag-iisip ng paraan kung papaano mo siya mas lubos na mababantayan. Tandaan mong hinding-hindi tayo pwedeng malusutan at maunahan ng grupong ito.”

Blanko lang ang mukha ni Alex. Diretso ang mga tingin niya sa dingding ng opisina ng hepe habang  seryosong pinapakinggan ang mga sinasabi ng opisyal. Pinag-iisipan niyang maigi ang sitwasyon. Hindi matanggal-tanggal sa isipan niya ang napanood na balita. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman ngunit parang may umusbong na galit at takot sa kanyang dibdib. Noon niya lang napagtanto na maari ring mangyari kay Blake ang nangyari sa napatay na biktima. Hirap siyang isipin at tanggapin na ganoon ang sasapitin ng lalaking unti-unti ng napapalapit sa kanya.

Kailangan niyang pagbutihin lalo ang pagbabantay kay Blake. Kung kinakailangang idikit niya ito sa kanyang katawan, gagawin niya. Mag-iisip siya ng kahit anong paraan para manatili sa tabi nito sa lahat ng oras. Ipapamukha niya sa Venomus na nagkakamali sila ng taong pinili para dukutin!

 “Ako na ang bahala Chief… Huwag kayong mag-alala, gagawin ko ang lahat para mabantayan si Blake Monteverde. At kapag sinubukan nilang kantiin kahit dulo ng daliri ng lalaking ito, sisiguraduhin kong malulusaw ang buong grupo nila,” seryoso at buong tapang na wika niya.

Tumayo at sumaludo si Alex sa opisyal. Lumabas ito ng opisina nang nag-iisip pa rin ng malalim. Nanibago naman si Chief Martinez sa kakaibang reaksyon ng tauhan. Bigla siyang nagtaka sa ipinakitang dedikasyon ng babae sa pagbabantay sa taong kelan lamang ay inirereklamo nito.

Ang Alalay Kong Astig! ( Published Under Pop Fiction/Summit)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon