Uno

91 10 3
                                    

Suot ang kulay pula kong baro't saya at hawak ang aking abaniko na nakatakip sa aking mukha pinagmasdan ko ang mga palamuting nakaratay sa lamesa. Maraming tao ang dumadaan sa aking likod at ingay ng mga tindera na nagbebenta ng mga prutas, gamit, at palamuti.

"Binbini ang kuwintas na ito ay babagay sa iyong leeg" saad ng ali at inabot sa akin ang kuwintas. Pinagmasdan kong mabuti ang palawit nito na hugis bilog at kulay rosas.

"Magkano?" Tanong ko habang hinahawakan ang palawit nito. Ang kulay nito ay gusto-gusto ko kung kaya ay nais kong bilhin ito.

"Señorita Rosa, hindi mo naman po iyan bibilhin?" Napataas ang aking kilay sa tanong ni Maya, ang anak ni aling Clara na nagtatrabaho sa aming mansyon.

"At bakit hindi ko ito bibilhin?" Aking tugon sa kaniya ngunit ang mga mata ay nakatitig sa tindera na nakangiti. "Isang peso lamang iyan binibini" tugon niya.

"Señorita iniisip ko lamang na mapapagalitan ka ng inyong ama kapag nalaman niyang bumili ka na naman ng mga palamuti na hindi galing sa espanya. At mas lalo siyang magagalit kapag nalamang lumabas ka na naman ng inyong mansyon na walang paalam sa kanya at higit sa lahat walang kasamang bantay."

Sa oras na ito ay binaba ko ang hawak na kuwintas at lumingon kay Maya. Yumuko ang dalagita nang magtagpo ang aming mata, mukhang nagsisi na pinagsabihan niya ang kaniyang pinagsisilbihan.

"Maya, hindi naman malalaman ni ama kung walang magsasabi diba? Huwag kang mag-alala kung malaman man niya, ako lang naman ang mapapagalitan dahil hindi ko naman sasabihin na kasama ka." Sabi ko at hinawakan ang kaniyang balikat hinaplos para pagaanin ang kaniyang loob.

Haharap na sana ulit ako sa ali para bilhin ang alahas ngunit may narinig akong malalakas na yabag ng kabayo. Parang tumatakbo at palapit nang palapit, lumingon ako sa direksyon kung saan nagmumula ang ingay. Nanlaki ang aking mata nang matanaw na papunta ito sa akin na parang wala sa wisyo at handang sagasaan ang humarang sa daan. Kumalabog ang aking puso at hindi makagalaw dahil sa gulat, naramdaman kong hinila ako ni Maya ngunit hindi ako natinag. Hanggang sa may malakas na humila sa akin dahilan kung bakit ko nabitawan ang aking abaniko at nilipad ng hangin ang aking buhok hanggang sa bumagsak ako.

Napapikit ako, inaasahan na sa maalikabok na lupa babagsak ang aking katawan ngunit sa hindi pala. Naramdaman kong sa katawan ng tao ako bumagsak at narinig ko ang impit na hiyaw nito.  Naramdaman ko rin ang kamay niyang nakapulupot sa aking bewang upang hindi ako matapon sa lupa. Iminulat ko ang aking mata at nagtagpo ito sa kulay-kapeng mata ng isang lalaki. Nakalapat ang kaniyang likod sa maalikabok na lupa habang ako ay nasa ibabaw niya. Sa sobrang lapit ng mukha namin ay naduduling na ako habang ang aming ilong ay naglapat na. Lubos ang aking pasasalamat na hindi labi namin iyon ngunit ang katotohanan na isa siyang lalaki ay nakakagimbal!

ISANG LALAKI!

"Señorita!" Narinig kong sigaw ni Maya at dali-dali akong tinulungan na makatayo. Tumayo rin ang lalaking humila sa akin habang nagpapagpag ng damit niya."Maayos lang po ba kayo señorita? May masakit ba sa iyo? Ayos lang po ba kayo?" Narinig kong tanong ni Maya ngunit ang aking mga mata ay nakatingin pa rin sa tumulong sa akin.

Ang kulay itim niyang buhok na kumikintab kapag natatamaan ng araw. Ang matangos niyang ilong na may alikabok, ang malaki niyang katawan na siyang pinagbagsakan ko, at ang kulay kayumanggi niyang balat na walang peklat ni-isa.

"Señorita" Sa pagkakataong ito, lumingon na ako kay Maya at ngumiti.

"Ako'y ayos lamang, Maya" Saad ko sa kaniya at tumingin muli sa lalaki na ngayon ay nakatingin na sa akin. "Maayos ka lang ba, ginoo?" Tanong ko at sinuri ang kaniyang katawan kung may sugat ba ito.

The Spanish GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon