Bente Dos

19 7 0
                                        

Sa pagpipilit kong kumawala ay hindi sinasadyang naitulak ko si Doña Sita dahilan upang mahulog siya sa hagdan.

"Lola!"

Dumagundong ang sigaw ni Andres. Nanlalaki ang aking mga mata na nakatingin sa matanda na nasa ibaba na walang malay.

"Don Romano!" Narinig kong sigaw ng isang tagapag-silbi kaya napalingon ako sa gobernadorcillo na nasa tabi ni Andres na ngayon ay nahihirapang huminga.

"Dalhin niyo ang Doña sa bahay pagamutan!" Natatarantang sigaw ni Andres na agad naman sinunod ng mga tagapag-silbi. May dumating na mga tauhan at binuhat nila ang matanda. "Tumawag kayo ng manggagamot!" Sigaw niya pang muli habang dinaluhan ang gobernadorcillo.

Balisa si Andres at hindi malaman kung saan titingin, sa kaniyang Lola ba o Lolo. Napaluhod ako. Hindi ako makapagsalita sa nangyari. Ni hindi ko alam kung dapat ba akong bumaba at daluhan si Andres.

"Huwag niyong hayaang makatakas ang babaeng iyan!"

Napalingon ako sa sumigaw at iyong babaeng naghatid sa akin na tagapag-silbi sa silid ni Doña Sita. Napaangat ng tingin sa akin si Andres, hindi ko mawari kung ano ang kaniyang iniisip o kung anong klaseng tingin ang iginagawad niya sa akin. Napalunok ako naisin ko mang tawagin ang kaniyang ngalan ngunit wala akong lakas.

Aking namalayan na hawak-hawak na ako ng dalawang guwardiya sibil at dinadala sa loob ng kulungan. Tanging tangis ko lamang ang naririnig sa loob ng kulungan. Ako lang din ang mag-isa rito sa loob. May ibang bilanggo pa rito na kanina pa ako inaawat dahil sa ingay ng aking pag-iyak. May nagbato na nga sa akin ng tela buti na lamang at hindi ito nakalusot.

Natatakot akong may dumalaw sa akin at magdala ng masamang balita. Akin na lamang ipinagdarasal na sana ay maayos na sina Don Romano at Doña Sita. Dahil kung hindi baka ay hindi ako mapatawad ni Andres. Ay mali pala, baka hindi na ako mapatawad ni Andres dahil sa nangyari. Nang dumaan ang guwardiya sibil ay aking ipinabatid na ayaw kong tumanggap ng dalaw ngunit sininghalan niya ako. Wala raw akong karapatan na magsalita at wala raw dalaw ngayong araw.

Puro pag-iyak lamang ang aking nagawa sa loob ng kulungan hanggang sa nakakatulog ako ngunit nagigising din ako at balik muli sa pag-iyak.

Naggising ako dahil sa kumalabit sa akin. Tiningnan ko ito at nakitang si Maya pala kaya agad akong lumapit doon.

"Rosa, anong nangyari?" Naiiyak na sabi niya at niyakap niya ako na tinugonan ko rin. Kahit may harang ay hindi ito naging hadlang para yakapin ang isa't isa.

Muli akong umiyak at umiling-iling. "Hindi sadya ang nangyari, Maya!" Paulit-ulit ko itong sinasambit sa kaniya at tahimik niya lamang akong niyayakap. Ilang minuto pa kaming ganoon na parehong umiiyak.

"Nagtungo kami rito ngunit hindi kami pinapasok ng mga guwardiya sibil."

Pinunasan ni Maya ang mga luhang walang humpay sa pagtulo. Humihikbing tumango ako. "A-ayos lang, k-kumusta siya?" Nag-aalalang aking tanong.

"Maayos lamang ang iyong ama, si inay ang  naghatid ng balita sa kaniya."

Kahit natatakot sa maaaring isagot ni Maya ay nagtanong pa rin ako. "K-kumusta sila Don R-romano at D-doña Sita?"

Niyakap akong muli ni Maya at dahil doon ay para bang nasagot ang aking katanungan.

"Hindi, Maya! Hindi ko sinadya!" Umiiyak na sabi ko. Kaniyang tinapik-tapik ang aking likod.

"Alam ko, Rosa. Alam ko. Naniniwala ako sayo." Humihikbing saad rin niya. "Kailangan mo ng umalis dito, Rosa. Naghihintay sa iyo si Andres." Napaangat ako ng tingin kay Maya na nakatingin sa akin.

The Spanish GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon