Pagmulat ng aking mga mata ay nasa aking kuwarto na ako. Wala na ring Andres sa aking paligid tanging mukha lamang ni ama, manang Clara, at Maya ang aking nasilayan. Ang mga mukha ay nag-aalala at nang makita ako ay ngumiti sila sa akin at agad akong dinaluhan.
"Anak, kumusta ang iyong pakiramdam?" Salubong agad sa akin ng aking ama.
Inabutan naman ako agad ng tubig ni Manang Clara at hinaplos ang aking ulo. Ininom ko ito bago magsalita. "Medyo masama pa rin po ang aking pakiramdam. Pero mas mabuti na ito kaysa kanina."
Ngumiti si ama at hinagkan ako sa noo. Si Maya naman ay umupo sa aking kama at hinawakan ang aking kamay.
"Ano ba kasing ginagawa mo roon sa gubat, Rosa." Hindi na napigilang tanong sa akin ni Manang Clara, tiningnan ko siya at nakitang pinupunasan niya ang gilid ng kaniyang mga mata.
"Namasyal lang po." Tipid na sagot at ngumiti upang ipakitang wala dapat ikabahala dahil nandito naman na ako.
Hinawakan ni ama ang isa ko pang kamay at dinala ito sa kaniyang labi. "Ang layo mong mamasyal, anak. Hindi ba ay sabi ko huwag kang aalis ng mag-isa at huwag )ang pupunta ng gubat?" May panenermon sa boses ni ama.
Yumuko naman ako, nahihiya dahil nalaman niyang hindi ko sinunod ang kaniyang bilin. Hinaplos naman ni Manang Clara ang aking ulo.
"Pagpahingain na muna natin ang bata, kailangan niyang magpalakas muna. Dito ka lang at dadalhan kita ng pagkain." Sabi ni Manang Clara at lumabas ng kuwarto.
"Ah tutulungan ko lamang si ina, Senyorita." Sabi naman ni Maya at umalis na rin.
Nilingon ko si ama na kanina pa ako pinagmamasdan. Yumuko muli ako dahil nahihiya at natatakot sa kaniyang sermon. Narinig kong bumuga siya ng hangin.
"Buti na lamang at nakita ka ni Andres sa gubat. Baka kung napano ka pa kung hindi, kahit sinabi na sa akin kagabi ng aking tauhan na nahanap ka ay hindi pa rin ako makatulog."
Dahil sa sinabi ni ama ay napaangat ako ng tingin. Ngayon ko lang din napansin ang itim sa ilalim ng kaniyang mata. Medyo namumugto rin ang mga mata. Ipinagpasalamat ko nalang at hindi siya inatake sa puso dahil hindi ko alam kung anong gagawin ko sa aking sarili kapag nagkataon. Ngunit paanong nalaman ni ama na nahanap ako ni Andres?
"May kasama po si Andres kagabi?" Tanong ko sa kaniya.
"Oo, lahat ng aking tauhan ay pinapunta ko sa gubat. Ibinilin ko rin na kapag nahanap ka ni Andres ay ipagpaalam agad sa akin at hayaan siyang iuwi ka. Kahit bumabaha sa gubat ay pinilit pa ring makatawid ni Andres at ng mga tauhan. Muntik na nga silang madala sa agos dahil sa lakas."
Yumuko muli ako dahil sa sinabi ni ama. Ang leaking perwisyo pala ang aking naidulot. Kung nagpaalam lamang ako o 'di kaya'y hindi na tumuloy roon. Baka hindi pa nangyari ang lahat ng ito.
"Kumain ka muna bago matulog, susuriin ka mamaya ng manggagamot para malunusan na ang iyong sakit, mga sugat, pati na rin iyang pilay mo." Hinagkan ako ni ama sa noo at akmang tatayo na siya ay may itinanong ako sa kaniya.
"Totoo po bang pumunta kayo kina Andres upang humingi ng tulong para mahanap ako?" Nakatitig na tanong ko sa aking ama.
Tumango naman siya. "Hindi ko alam kung bakit ko iyon nagawa ngunit siya ang unang pumasok sa aking isip."
"Hindi niyo na po sana ginawa iyon, nakaabala pa po tayo." Napayuko ako sa aking sinabi.
"Hayaan mo at susuklian ko ang kabutihang ginawa ni Andres sa atin." Hinaplos ni ama ang aking likod. "Huwag mo ng isipin iyon, mas nanaisin kong gumaling ka na agad."

BINABASA MO ANG
The Spanish Guy
Historical FictionSet in a Spanish colonization era in the Philippines a historical romance takes place between Rosa Garcia and Andres Del Rosario. Rosa Garcia is a 20-year-old single lady, old enough to get married but her heart is not yet ready for it. However, whe...