Nuebe

23 7 1
                                        

Tahimik lamang kaming nagluluto dalawa o tamang sabihin na tahimik lamang na nagluluto si Andres. Ang tanging nagawa ko lamang ay noong hindi pa siya sumagot sa mga sinasabi ko. Pagkatapos ng sinabi niya ay hinayaan ko na lamang siya. Hindi ako lumabas ng kubo at pinagmasdan lamang siya. Ang sabi niya, aalis na raw siya sa buhay ko. Kaya hahayaan ko munang mapagmasdan siyang magluto, baka totohanin niya ang sinabi niya at ito na ang huli naming pagkikita.

Pero bakit parang nababahala ako? Ito naman ang aking nais hindi ba?

"Sayang naman kung hindi man lang ikaw ang mapangasawa ng aking anak, Andres." Napapikit na lamang ako sa saad ni ama habang kumakain kami sa hapag. "Ang sarap mong magluto talagang magkakalaman si Rosa sa mga pagkain na ihahain mo." Dagdag pa niya. Naabutan kasi niyang naka-upo lamang ako habang si Andres ay hinihipan ang kahoy at nagtitimpla.

Tango at ngiti lamang ang itinugon ni Andres sa mga papuri sa kaniyang ni ama. Mukha namang nakaramdam si ama na parang hindi maganda ang nangyari sa amin ni Andres kaya tumahimik na lamang siya.

...

Tinotoo nga ni Andres ang kaniyang sinabi. Lumipas ang isang linggo na hindi ko siya nasilayan. Kahit paulit-ulit ko ng sinuway ang aking sarili na itigil ang umasa na makita si Andres ay hindi ko magawa. Kung saan-saang lugar na ako nagbuburda dahil umaasang makita ko siya at kapag nakita niya ako ay hindi niya iisiping hinahanap ko siya. Nakapagburda na ako sa labas ng bahay, sa labas ng bakod, sa bayan, kahit sa Liwasan! Ngunit wala siya, nagmumukha na akong babaeng desperada. Pumunta rin ako kanina sa sakahan ngunit wala siya at si ama. Ang sabi pa ng magsasaka ay noong isang linggo pa nila nakita si Andres.

Tama lang siguro ang desisyon niyang hindi magpakita. Nagpapahiwatig lamang na talagang napilitan nga lang siyang pakisamahan ako. Kasi noon, umaasa akong baka may parte sa kaniyang ginusto niyang makasama ako. Pero ngayon malinaw na ang lahat sa akin.

Hanggang sa dumaan ang isang buwan at hindi ko na nga siya muli pang nasilayan. Wala ring sinabi sa akin si ama tungkol kay Andres, ni hindi na niya nga binanggit ang pangalan nito simula nang araw na iyon na nagtanghalian kami sa kubo.

Kasama ko ngayon si Maya sa bayan. Maraming tao, maingay ang paligid, at kung ano-anong mga kagamitan ang binebenta. May nagtatawag sa akin kung saan-saan para manghikayat na bumili. Naalala ko, ganito rin ang nangyari noon. Nasa bayan ako, kasama si Maya, tumitingin ng iba't ibang palamuti sa katawan. Dito rin ako muntik nang mabangga ni Tero ngunit nasagip ako ni Andres—o baka nasagip ni Andres si Tero. Ipiniling ko ang aking ulo upang mawala ang mga iniisip.

"Bumalik na raw ang apo ng gobernadorcillo?"

Parang lumaki ang aking tainga sa narinig. May dalawang dalagang nag-uusap sa aking tabi.

"Iyong ang sabi-sabi ng mga tao, ngunit alam mo ba kung saan ito nagtungo?"

"Hindi pero ang alam ko bumalik siyang may dalang babae."

"Ang ibig mong sabihin ay may asawa na ito?"

"Oo ganoon na nga."

Para namang sumama ang aking pakiramdam sa narinig kaya umalis na ako roon. Nagpunta ako sa may nagtitinda ng mga kuwintas at may nakitang kulay rosas. Mapait akong ngumiti ito iyong nais kong bilhin nang una kaming magkita ni Andres. Pero naudlot lang iyon dahil kay Tero, ang kaniyang kabayo.

"Nakita mo ba si Andres kanina?"

Napabuga ako ng hangin nang may narinig na nag-uusap na naman.

"Oo at hindi lang iyon nakita ko pa ang babaeng kasama niya. Balita ko ay isa siyang espanyol. Ang ganda rin niya wala na akong laban doon."

The Spanish GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon