Dese Otso

14 8 1
                                        

Hindi ko alam kung ilang oras na akong nakatulala habang nakahiga sa aking silid. Pilit ko mang alisin iyong nasa aking isip ay ayaw namang malawa. Sa aking tingin talaga ay parang may mali.

Kahit nagtataka si ama kanina kung bakit nais ko na agad na umalis dahil kararating ko lang ay sinabi ko na lamang na masama ang aking pakiramdam.

Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako at nagising na lamang kinabukasan. Kahit may bumabagabag sa akin ay napangiti pa rin ako dahil sa rosas at prutas na nasa aking silid. Marahil ay nandito na si Andres. Bumungad sa aming sala si Andres na kausap si ama. Malamang ay tungkol ito sa sakahan.

"Magandang umaga, Rosa." Bati niya, bumati rin ako sa kaniya at si ama.

"Maayos na ba ang iyong pakiramdam, hija?" Tanong sa akin ni ama.

"Opo ama."

"Nagkasakit ka ba, Rosa?" Tanong ni Andres.

Umiling naman ako at magsasalita na sana nang naunahan ako ni ama. "Sumama siya sa akin sa sakahan kahapon at dinalaw ang mga bata roon sa kanilang tirahan. Pero nang bumalik siya ay hindi na maganda ang kaniyang pakiramdam." Si ama na para bang siya ay nagsusumbong kay Andres.

Bumaling naman sa akin si Andres. "May bumabagabag ba da iyo?" Nag-aalalang tanong niya na agad ko namang inilingan.

"Wala na, maayos na ako. Dito muna kayo at ihahanda ko ang mesa upang makapag-agahan na tayo." Sambit ko upang mapaiwas na rin sa usapan.

Kahit hindi kumbinsido ay tanging tango na lamang ang nagawa ni Andres. Tahimik lamang ako buong agahan namin kahit nararamdaman ko ang mga tingin ni Andres ay hindi ko siya tinitingnan. Baka kasi ay mabasa siya mula sa akin.

Akala ko ay hindi na niya ako uusisain pa pero nagkamali ako. Nang papunta na kami sa likod ng burol ay nagsalita siya.

"Bago sa akin ang pagiging tahimik mo, Rosa." Sabi ni Andres habang nakasakay siya kay Tero at ako naman kay Perla. "Kaya aking alam na may bumabagabag sa iyo."

Bumuga ako ng hangin. Paano ko ba ito sasabihin sa kaniya?

"Mas mainam na hindi mo ito sarilihin at ilabas ang iyong saloobin. Baka ikaw ay aking matulungan sa iyong iniisip." Dagdag pa ni Andres.

Tumingin ako sa kaniya na nakatingin din sa akin. Tama nga siya, isa pa ay magaan ang loob ko kay Andres, marahil ay dahil sa iniibig ko siya.

"Nasabi naman sa iyo ni ama na pumunta kami sa sakahan," pagsisimula ko, matiyagang nakikinig siya sa akin at hindi inaalis ang tingin. "Sinamahan ako ni Crisanto na pumunta sa tirahan ng mga bata. Nang makarating kami ay bigla nalang siyang nawala." Napahinto ako huminga ng malalim bago nagpatuloy. "Pagpasok ko sa loob ng bahay ay nagulat ako sa aking nadatnan. Paano ba naman kasi ay nakita ko si Crisanto na nakapatong kay Benita." Hindi ko na napigilan at tumulo na ang aking luha. Huminto ang kabayo niya kaya pinahinto ko rin si Perla.

Biglang bumaba si Andres at binuhat ako pababa pagkatapos ay nagulat ako nang bigla na lamang niya akong yakapin. Hinaplos niya ang aking buhok at likod. Nakaramdam naman ako ng ginhawa sa kaniyang ginawa kaya nagpatuloy ako.

"Silang dalawa lamang ang naroon at nang makita ako ni Crisanto ay ngumisi siya pagkatapos ay kalmadong umalis sa ibabaw ng batang babae." Mas lalong humigpit ang yakap niya sa akin. "Tinanong ko kung anong ginagawa niya ngunit tanging ngisi lamang ang kaniyang tugon at si Benita iyong sumagot. Ang sabi ng bata ay nadulas lamang silang dalawa kaya nakapatong si Crisanto."

Pinalis ko ang luha sa aking mga mata. "Mahihimigan mo sa boses ng bata na hindi kinakabahan, nalulungkot, o ano pa. Parang wala lang sa kaniya iyon pero nakita ko namang nakakuyom ang kaniyang mga kamay." Tahimik lang si Andres habang hinahaplos ang aking buhok at likod. "Kinausap ko siya pagkaalis ni Crisanto ngunit nagalit siya dahil bakit ko raw sila pinag-iisipan ng masama." Umiling-iling ako. "Andres, sa tingin ko ay may hindi magandang nangyayari sa mga bata." Tumangis ako.

The Spanish GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon