"Ikaw pala ang nakabili nito?" Namamanghang tanong ko sa kaniya.
"Aking napag-alaman na hindi mo pala ito nabili dahil kay Tero kaya binili ko at nais ko ring ibigay sa iyo para na rin humingi ng paumanhin." Sabi niya sa akin.
Tumingin ako sa kaniya at nahihiyang ngumiti siya sa akin pagkatapos ay napakamot sa kaniyang ulo. "Paumanhin pala sa nangyari noon at paumanhin muli dahil ngayon lang ako humingi ng patawad."
Ngumiti ako sa kaniya at kinuha ang kuwintas na nasa kaniyang palad.
"Ayos lang, Andres. Napatawad na kita at isa pa salamat dito, lubos ang aking pagkagalak." Aking sabi.
Sa sobrang galak ko nga ay parang gusto na kitang maging kasintahan buti na lamang at napigilan ko ang aking sarili.
Pinagmasdan lamang ako ni Andres ng nakangiti habang tuwang-tuwa kong sinusuri ang kuwintas na kaniyang ibinigay. Nang susuotin ko na ito ay nahirapan ako kaya nag-alok na siya ng tulong.
At katulad ng mga nababasa ko sa librong palihim kong tinatago sa baol ay masarap sa pakiramdam na sinusuotan niya ako ngayon ng kuwintas. Nasa aking likod siya habang hawak ko ang aking buhok sa gilid dahil inaayos niya ang pagkakasuot nito sa sa aking leeg.
"Tapos na," Sabi ni Andres kaya masayang nilingon ko siya at pinakita ang kuwintas. Ngumiti si Andres at pinagmasdan ang kuwintas na nakasuot sa aking leeg.
Pagkatapos ng sandaling iyon ay naisipan na naming magsanay. Tinulungan niya akong sumakay kay Perla pagkatapos ay nagpaalam na sasakay rin siya rito. Tumango naman ako kasi kung hindi ako papayag ay paano niya ako matuturuan?
Tinuruan niya ako ng tamang pagsakay sa kabayo, paano hawakan ang tali, at paano patakbuhin ang kabayo. Ilang beses akong muntik na mahulog buti na lamang ay nahahawakan agad ako ni Andres. At kapag nangyayari iyon ay tinatanong niya agad kung maayos ba ako.
Buong pagsasanay ay tuwang-tuwa ako, tumatawa ako kapag nakaahon na sa gulat kapag muntik mahulog. Ngiting-ngiti rin ako kapag napapasunod ko na ang kabayo na walang tulong ni Andres.
"Ngayon ay bababa muna ako at palakarin mo si Perla." Sa bawat salita ni Andres ay tumatama ang hininga niya sa likod ng aking tainga.
Nakangiting tumango ako bumaba si Andres. Nang maayos na siyang nakababa ay akin namang pinalakad si Perla. Maligaya naman akong ngumiti dahil hindi ako nahulog at hindi nagwala ang kabayo.
Pagkatapos ay nagdesisyon kami ni Andres na magtanghalian muna bago magpatuloy sa pagsasanay.
Habang inilalabas ko ang laman ng bayong ay tinatali naman ni Andres si Perla sa puno. Kalaunan ay dumalo na sa aking tabi si Andres at umupo.
"Bas-oy?"
Tiningnan ko ang maligayang mukha ni Andres na nakatingin sa ulam namin. Tumango naman ako at nahihiyang inilagay sa likod ng aking tainga ang aking buhok. "Oo nasabi mo sa akin na paborito mong ulam ito."
Nag-angat siya ng tingin sa akin at ginawaran ako ng ngiti na labas ang ngipin. Ito ang paborito kong ngiti niya sapagkat nasisilayan ko ang magagandang ngipin niya.
"Salamat, Rosa."
Habang kumakain ay naisip ko iyong sinabi niya sa akin noong nasa kubo kaming dalawa.
"Andres kung iyong pahihintulutan maaari ko bang itanong iyong tungkol sa pagkasawi ng isang tao dahil hinayaan mo ito?" Nakagat ko ang aking ibabang labi nang napahinto si Andres sa pagkain.
Lumunok ako at hinintay na tumingin siya sa akin. "Ah maaari mo namang kalimutan iyong aking tanong."
Tumingin siya sa akin. "Siya ay aking kababatang babae, pareho kaming naligaw rin sa gubat at umuulan din iyon. Nanginginig siya sa lamig at ganoon din ako ngunit hindi namin naisip na yakapin ang isa't isa." Malungkot ang kaniyang boses at umiwas siya ng tingin.

BINABASA MO ANG
The Spanish Guy
Historical FictionTO BE PUBLISHED UNDER ETHEREAL PAGES PRESS Set in a Spanish colonization era in the Philippines a historical romance takes place between Rosa Garcia and Andres Del Rosario. Rosa Garcia is a 20-year-old single lady, old enough to get married but her...