Nakatingin pa rin sa akin si Andres at naghihintay ng aking sagot. Napalunok ako, naramdaman ko rin ang butil ng pawis sa aking noo, at pagkabasa ng aking kamay. Kinakabahan ako at natutuwa!
Kahit ganoon ang aking naramdaman ay hindi ko pa rin ipinakita na masaya ako sa kaniyang mga sinabi. Sinalubong ko ang kaniyang mga mata.
"Ano ang iyong trabaho?" Tinaas ko ang aking kilay para hindi ipakitang kinakabahan ako.
Walang pag-aalinlangan na sinagot ako ni Andres. "Ako'y tumutulong sa opisina ng gobernadorcillo, nais niya akong gawin bilang kabesa de barangay." Tumango naman ako. "Maliban dito ay may sarili din akong sakahan."
"Kung ganoon ay hindi ka makakapagsibak ng kahoy at igib ng tubig bukas?"
Hindi ko alam ngunit parang may kung ano sa loob ng aking tiyan ng malawak na siyang ngumiti ngayon. "Aking ipapaalam sa gobernadorcillo na may mahalaga akong gagawin sa susunod na mga araw o linggo o di kaya'y buwan."
Pinigil ko ang aking pagngiti at pinagsalubong ang aking kilay. "Baka ay hindi ito magustuhan ng gobernadorcillo."
Umiling naman si Andres. "Ako ay suportado ng aking Lolo kung kaya ay huwag mo ng alalahanin ito Rosa." May himig sa boses niya ang paninigurado.
Tumango ako at iniwas ang tingin sa kaniya. "Kung ganoon ay nais ko ng dalandan mamayang hapunan, maaari ka ng bumaba at kami'y aalis na."
"Salamat, Rosa." Naramdaman kong bumaba na siya. "At bago ka umalis, nais ko lamang sabihin na, ako'y nagagalak na makita kang muli." Nilingon ko siya, ngayon ay labas na ang ngipin na nakangiti siya.
Nang tumalikod siya ay roon ko lamang napakawalan ang ngiting kanina ko pa pinipigil. Naramdaman kong sumakay na si Maya at sinundot-sundot ang aking kilig.
"Marami kang iku-kuwento sa akin Rosa!" Masayang sabi niya at napapalakpak pa.
Ngumiti na lamang ako. Pinagmasdan ko si Andres na umakyat kay Tero. Ay! Nalimutan kong kunin ang bulaklak! Itinabi ni Andres ang kabayo at hinintay na makaraan kami. Nang nasa tapat ang kalesa ay pinahinto ko muna.
Sumilip si Andres sa akin na may nagtatanong na mga mata at ngumiti. "Bakit, Rosa?"
Inilahad ko ang aking kamay. "Iyong rosas," hindi makatingin na sabi ko.
Narinig ko ang mahinang tawa niya nang iabot ito sa akin. Nang mahawakan ko na ay inirapan ko siya dahil sa pangangantyaw niya.
"Uy!" Hindi ko pinansin si Maya na kanina pa nanunukso.
Akala ko noong una ay mauuna si Andres ngunit hindi. Sinabayan niya ang aming kalesa na pauwi. Minsan ay sinisilip ko siya at madalas niya akong mahuli!
Nang makarating sa Casa ay huminto rin si Andres. Lumapit sa amin ang kabayo niya kung saan siya nakasakay.
"Ako'y aalis na, Rosa. Asahan mong babalik ako dala ang iyong mga nais." Sabi ni Andres sa akin na siyang tinangoan ko.
"Ingat ka..." Mahinang bulong ko, nahihiyang sabihin. Hindi ko alam kung narinig niya iyon ngunit tumaas ang sulok ng kaniyang labi at napatapik pa kay Tero.
Tapat nga si Andres sa kaniyang sinabi. Dumating siya pagkahapunan at may dalang iba't ibang prutas at isang kumpol ng rosas.
Napapikit ako nang tumawa muli ang aking ama. Para bang nangangantyaw siya sa akin at natutuwa rin. Paano ba naman kasi ay sinabi ni Andres na nililigawan niya ako at ngayon ay kasama namin siya sa hapunan. Magkaharap kaming dalawa at madalas niya akong tingnan.
"Ito naman kasing aking dalaga ay hindi na lamang sagutin agad si Andres nang makasal na kayong dalawa." Sabi ni ama at muling tumawa.
Bumuga ako ng hangin. Ilang beses na niyang nasambit ang kasal at nahihiya na ako para kay Andres. Ngunit hindi naman makikitaan sa mukha niya na hindi siya ayon dito.
BINABASA MO ANG
The Spanish Guy
Historical FictionSet in a Spanish colonization era in the Philippines a historical romance takes place between Rosa Garcia and Andres Del Rosario. Rosa Garcia is a 20-year-old single lady, old enough to get married but her heart is not yet ready for it. However, whe...
