Napaisip ako sa tanong ni Andres, hindi ko naman sinabing sunduin niya ako at maghintay sa akin ngunit hiniling ito ni ama sa kaniya. At isa pa, hindi rin ako tumanggi ang ibig sabihin lamang noon ay responsable rin ako.
"Hindi mo ba naisip ang sasabihin ng mga tao kapag nakitang magkasama tayong dalawa? Maaaring mag-isip sila na ikaw ay aking nobyo eh paano na ako makakahanap ng magiging asawa ko?." Saad ko kay Andres na naghihintay lamang sa aking sagot.
Bumuntong hininga siya bago magsalita. "Kung nababahala ka sa iisipin ng ibang tao huwag kang mag-alala kapag malapit na tayo at hindi natatanaw ng mga tao maaari ka ng bumaba." Sabi niya at lumingon sa mga kakahoyan. "Ngunit kailangan nating dumaan dito upang walang makakita sa atin." Turo niya sa kakahoyan.
Tumingin ako roon, dito ako dumadaan kapag tumatakas ako sa aming mansyon. Kung gayon ay madalas din pala rito si Andres. Tumango ako kay Andres, hindi ko pa siya lubusang kilala ngunit batid ko na hindi naman siya masamang tao.
At dahil maliit ako at muntik nang mahulog nang sinubukang umakyat ay nagsalita na si Andres.
"Kung iyong ipapahintulot binibi, maaari bang tulungan kita na sumampa sa kabayo?"
Lumingon ako sa kaniya pagkatapos ay sa kabayo. Matangkad si Andres at hanggang balikat lamang ako sa kaniya. Kung sa kabayo naman ay halos kapantay na ng aking mata ang katawan nito.
"Huwag na, kaya ko na ito." Saad ko at sinubukang umakyat muli ngunit nasaktan ko ata si Tero dahil malakas itong humiyaw at tumayo dahilan kung bakit nabitawan ko ang pagkapit sa katawan niya.
Tanggap ko na sana ang masakit na lupa na tatama sa aking likod ngunit sa matigas na katawan ako bumagsak, uli.
"Kung hinayaan mo na lamang sana akong tulungan ka."
Para akong natuod nang malamang si Andres pala ang sumalo sa akin at lalo na nang parang humili sa akin ang boses niyang bumulong sa aking taenga.
"Maaari ka ng lumayo binibini"
At parang nakakapaso na mga salita ni Andres ang dahilan kung bakit agad akong napaalis mula sa kaniya. Nakakahiya, ano ba itong iniisip ko sana lamang ay hindi niya nahalata na natigilan ako kanina. Baka anong isipin niya.
Itinaas ko ang aking kilay upang hindi niya mahalata na ako'y nahihiya. "O sige, para matapos na tulungan mo nalang akong umakyat." Pagkatapos ay inilihis ko ang tingin sa kaniya dahilan kung bakit nahagip ng aking mga mata si Maya.
Nanlaki ang mga mata ni Maya at mabilis na nagtago sa kahoy ngunit kalaunan ay sumilip siyang muli at nang masalubong niya ang mga mata ko ay kumaway siya at mas lalong ngumiti. Kung gayon ay matagal niya na kaming pinapanood umiling na lamang ako at kumaway sa kaniya.
Ibinaling ko ang tingin kay Andres at hinarap muli si Tero, ang kabayong hindi naging mabait sa akin.
"Maingat mong hawakan ang aking alaga upang hindi siya magalit." Narinig kong sabi ni Andres sa aking likuran, "Binibini, hahawakan ko ang iyong bewang upang ikaw ay makaakyat."
Tumango ako kay Andres wala nang iba pang nais sabihin kundi ang makasakay na ako upang maiwasan ang nakakahiyang sitwasyon.
Nang makasakay na ako ay kinuha ni Andres ang tali ng kabayo at walang sabi-sabing naglakad papunta sa kakahoyan.
Hindi man lang nagsabi na ako'y kumapit nang mahigpit sa kabayo. Talagang maganda ang ugali ng lalaking ito. Agad kong ipiniling ang aking ulo upang mawala ang aking iniisip. Bakit ba ako nag-iisip ng ganoon? Bakit ako naiinis kapag parang wala siyang pake sa akin? Hindi ba ay wala kang gusto sa lalaking ito Rosa? Ikalma mo ang iyong sarili.
Tahimik lamang kaming naglakad papunta sa kakahoyan, habang ako natutuwa sa mga ibon na lumilipad at dumadapo sa mga kakahoyan at dinadama ang malamig na hangin. Hindi ko namalayan na malayo na pala ang aming nalakbay ni Andres nang tumingin ako sa likod at di ko na matanaw ang mansyon. Sabagay, mahahaba naman ang mga binti ni Andres.
Pinagmasdan ko ang lalaking nakatalikod sa akin. Malamang siya ay madalas mag-ensayo dahil sa malaki niyang katawan. Napahawak naman ako sa aking maliit na bilbil, malamang wala siya nito. Agad kong nasampal ang aking pisngi sa naisip at dahil tahimik ang gubat at medyo napalakas ang pagdampi ng aking palad sa mukha napahinto si Andres.
Kunot ang noo na lumingon siya sa akin at nahuli niya akong hinihimas ang aking pisngi.
"Kinagat ka ba ng lamok binibini?"
"Ha? Ah oo," hilaw kong sabi at iniwas ang mata mula sa kaniya.
Ilang minuto pa kaming naglakad at nang narinig na namin ang boses ng mga tao ay bumaba na ako.
Hindi ko alam kung tama ba ang aking nakikita sa mga mata ni Andres na may mangha rito.
"Akala ko ikaw ay mababalian sa pagbaba mo mula kay Tero."
Inikot ko ang aking mga mata dapat talaga hindi ko hinayaan na magsalita pa siya. Dapat talaga umalis nalang ako agad kasi kahit saan at anumang oras ay nakakahanap talaga siya ng paraan para may masabi na HINDI maganda.
Naiinis na tiningnan ko siya, nakapag-desisyon na ako. Dapat ipakita ko talaga sa kaniya ang aking pagkadisgusto sa presensiya niya. Ganoon din naman siya ang paraan ng pagpapakita niya ng pagkadisgusto sa akin ay sa pagtingin at pagsalita. Kaya tabla lang kaming dalawa.
Binigyan ko siya ng nangu-uyam na ngiti. "Baka ikaw ang mabalian ng buto dahil sa mga sinsasabi mo."
Hindi nakatakas sa akin ang pagpipigil niya ng tawa sa pamamagitan ng pagtikhim. At pagpipigil niya ng ngiti sa pamamagitan ng pagkagat ng ibabang labi niya. Gusto kong tawagin ang lahat ng santo na patawarin ako sa pagsampit ng hindi mabilang na pangalan ng kilalang demonyo sa sobrang inis ko. Mukhang tatanda ako ng maaga kaysa sa aking inaakala kung si Andres ang aking makakasama.
"Binibini, hindi ko alam na ikaw pala ay isang payaso." Nakataas na kilay na saad ni Andres.
PAYASO? AKO ISANG PAYASO?
Gusto kong lumuhod at magmakaawa sa Diyos na bigyan pa ako ng kunting haba pa ng sinulid ng aking pasensya. O Diyos ko sobrang pag-arte man pakinggan pero hindi ko na talaga masampit ang "nakakainis siya" kasi hindi ko na talaga maipaliwanag ang inis ko. Gayon pa man hindi ko pa rin hahayaang siya ang may huling salita sa aming dalawa.
"Dahil siguro ikaw ay isang batang paslit na nais ng atensyon ginoo" itinaas ko ang aking balikat at pekeng ngumiti sa kaniya. Bago pa man siya magsalitang muli ay tumalikod na ako at mabilis na naglakad palayo.
"Bahala ka riyan! Walang salamat kasi binayaran mo na ng pang-iinis sa akin! Sana madapa kayong dalawa ng kabayo mong suplado katulad mo!" Sigaw ko sa aking isip ngunit bigla ko na lamang narinig ang tunog ng mga buto ko nang bumagsak ako sa lupa.
Masakit oo, pero nakakahiya sobra. Mabilis na dumalo sa akin si Andres at tinulungan akong makatayo.
"Kaya ko ang sarili ko" sabi ko at lumayo sa kaniya.
"Malamang ay hiniling mo na madapa kami ni Tero" Hindi nakatakas sa pandinig ko Ang kantyaw sa boses niya.
Inis ko siyang tinignan at agad naman siyang naglakad pabalik sa kabayo niya dahilan kung bakit di ko nakita ang ekspresyon ng mukha niya.
"Mag-ingat ka sa susunod binibini, hilingin mo sana na manalo kami ni Tero sa paligsahan para hindi ka na madapa muli" Lumingon siya sa akin pagkatapos niyang sabihin iyon habang may nang-uuyam na ngiti sa kaniyang labi at nilagpasan ako.
_____________
Vampocalypse
BINABASA MO ANG
The Spanish Guy
Historical FictionSet in a Spanish colonization era in the Philippines a historical romance takes place between Rosa Garcia and Andres Del Rosario. Rosa Garcia is a 20-year-old single lady, old enough to get married but her heart is not yet ready for it. However, whe...
