Pagtatapos

60 9 12
                                        

Hindi ko na muling nakita pa si Andres. Dumaan ang mga araw hanggang sa naging linggo hanggang sa hindi ko namalayan na ito na pala ang araw ng aming kasal.

Dapat ay suot ko na aking damit pangkasal, dapat ay inaayosan na ako ni Maya at manang Clara, at dapat ay nag-iiyakan na kami ni ama. Dapat ay naroroon na ako sa simbahan kasama si Andres at nakaharap sa altar. Dapat ay nanunumpaan na kaming dalawa sa harap ng Padre. Dapat ay may basbas na kami bilang mag-asawa. Dapat ay masaya na kaming nagsalo-salo sa hapag upang ipagdiwang ang pagiging mag-asawa namin.

Pero hindi.

Dahil narito ako sa dalampasigan at naka-upo. Nakatanaw sa karagatan naghihintay na may bangkang matanaw. Naghihintay na may Andres na kakaway at tatawagin akong asawa. Kahit walang kasiguraduhan, abutin na naman ako ng gabi rito kakahintay sa kaniya, gagawin ko. Magmukha man akong hibang ay akin pa ring aasamin ang kaniyang pagbabalik. 

Kahit walang kasiguraduhan na masilayan kang muli. Wala man akong pinanghahawakan na muli kang makapiling sa aking tabi pero hinding-hindi ako mapapagod na maghintay sa iyo. Mas malinaw pa man ang maruming tubig sa iyong pagbabalik kakapit pa rin ako sa pangako mong hindi mo ako iiwan.

Akin pa ring hihintayin ang ulan upang maisayaw mo ako kasi nangako ka, Andres. Hindi mo ako iiwan at sasayaw pa tayo sa ulan. Para man akong nahihibang sa pag-aasam na ako ay iyong balikan pero iisiping ko pa ba ang sasabihin ng ibang tao kung ikaw ang dahilan kaya bakit ko naranasan ang magmahal ng ganito?

Hindi maaaring iwan mo ako, hindi maaaring mawalay ka sa buhay ko, hindi maaari Andres, kasi paano ako?

Marami pa tayong plano hindi ba? Marami pa tayong gagawin na magkasama bilang mag-asawa kaya hindi ka maaaring mawala. Batid kong hindi mo kayang saktan ako kumakapit ako sa pagmamahal mo, nagtitiwala ako. Kahit pinapaniwala ko nalang ang sarili ko, hinding-hindi kita bibitawan.

Babalik ka at magsasama tayong muli.

Pinahid ko ang aking luha at tiningnan ang hawak kong damit pangkasal ni Andres. Suot ko na rin ang damit para sa araw na ito. Naniniwala akong babalik si Andres, alam niyang kasal naming dalawa kung kaya ay batid ko ang pagbabalik niya. Kaniyang batid na ito ang araw na aming inaasam-asam.

"Rosa..."

Hindi ko pinansin ang pagsambit ni ama ng aking pangalan mula sa aking likod.

"Maggagabi na bumalik na tayo sa loob." Mahihimigan ang pighati sa kaniyang boses. Marahil ay nasasaktan siyang makita akong ganito.

"Babalik si Andres ama. Mauna ka na lamang roon at susunod kami." Sagot ko ng hindi siya nililingon.

"Anak..." Hindi ko siya pinansin at patuloy pa ring nakatanaw sa dagat.

"Rosa ipinagluto kita ng paborito mong ulam!" Sabi ni Manang Clara na halatang pinasigla lamang kaniyang boses.

"Ipinagluto niyo po ba si Andres ng bas-oy? Paborito niyang ulam ito. Tiyak na matatakam siya pag nakita niya ito." Napangiti ako sa isiping iyon.

Hindi na muling nagsalita pa si manang Clara.

"Rosa kumuha pala ako ng bulaklak na maaari nating maitanim gusto mong tingnan?" Si Maya.

"Salamat Maya pero mamaya na pagkabalik ni Andres."

Ganito palagi. Lagi silang gumagawa ng paraan upang mawala ang aking isip kay Andres. Pero sa lahat ng iyon ay palagi kong naiiisip si Andres. Makita ko palang ang mga rosas at bulaklak ay naaalala ko siya. Naaalala ko iyong mga panahong gigising ako ng umaga na may prutas at rosas na sa aking silid. Kahit kahoy at tubig ay siya pa rin. Iyong mga panahong nasa likod siya ng aming bakuran upang magsibak ng kahoy pagkatapos ay mag-iigib. Kahit nga noong ayain ako ni Maya na umakyat ng burol ay siya rin ang naisip ko. Naaalala ko na ang dami pala naming nagawa na magkasama. Kahit nga mapatingin lang ako sa gubat na nasa hindi kalayuan ay si Andres pa rin. Iyong mga panahong sinagip niya ako at natulog kami sa kubo.

The Spanish GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon