Bente

19 5 1
                                    

Dumating na rin ang araw na pupunta ako sa tahanan nila Andres. Ito yata ang unang beses na tutongtong ako roon. Pababa ako ng sala at aking nadatnan si Andres na naka-upo sa silya ngunit nang makita ako ay tumayo siya. Tinanggal niya ang kaniyang sombrero at nilagay sa dibdib pagkatapos ay ngumiti sa akin.

Nakasuot siya ng kulay puting barong na pinaresan ng kulay kayumanggi niyang pang-ibaba. Habang ako naman ay kulay kayumanggi ang baro't saya. Sinuklian ko rin siya ng ngiti.

"Tayo na?" Aking tanong na siyang ikinagulat ni Andres. Kumunot ang aking noo ngunit nawala ito nang nawala ang pagkagulat ni Andres at natatawang ngumiti. "Ako ba ay iyong tinatawanan, Andres?" Aking ikinunot ang noo at pigil ng tawa't ngiti naman siyang umiling bago sumagot.

"Paumanhin, Rosa. Hindi kita pinagtatawanan sa halip ay namangha ako sa dulot ng liwanag na iyong dala." Sabi ni Andres na walang halong biro sa tinig at nakatingin sa akin.

Akin namang nahawi ang aking buhok papunta sa aking likod at napapaypay sa sarili. Siguro sa susunod na lamang ako babawi sa kaniya.

Lulan kami ni Andres sa iisang kalesa. Ang aming kutsero ay si Mang Pablo. Iyong naghatid sa akin noong nasa Liwasan ako.

"Rosa, huwag kang mahihiyang kumapit sa akin." Mahihimigan ang biro sa boses ni Andres nang mapadaan kami sa mabatong daan. Mas madali raw kaming makakarating sa kanila kung dito kami dadaan.

Sumimangot naman ako, kanina niya pa ako binibiro at hindi man lamang ako nakakaganti.

Nilingon ko si Andres na ngayon ay birong ngiti sa labi.

"Mukhang sabik na sabik ka ng hawakan ako, Andres. Bakit hindi kaya ikaw na lamang ang gumawa?" Itinaas ko ang aking kilay sa kaniya, naghahamon.

Mas lalong lumawak ang kaniyang ngiti na ngayon ay labas na ang ngipin. Itinaas niya rin ang kaniyang kilay pagkatapos ay nagsalita. "Iyo bang pahihintulutan, Rosa?" May panghahamon sa kaniyang boses.

At dahil kanina niya pa ako binibiro at nais ko na talagang magantihan siya ay sumagot ako.

"Hindi ko naman iyon sasabihin kong hindi ko ito pahihintulutan o baka ay hindi mo magawa, Andres?" Aking saad na nanghahamon.

Nang muntik na akong mahulog sa bangko ng kalesa dahil mukhang malaking bato ata ang nadaan ay hinawakan naman agad ako ni Andres. Malapit siya sa akin at nararamdaman ko ang kaniyang titig. Nang magsalita siya tumama ang kaniyang mabangong hininga sa aking pisngi.

"Huwag kang mag-alala, Rosa. Wala ka ng dapat ipangamba dahil hawak na kita."

Nakarating kami ng maayos sa tirahan nila Andres. Kung hindi niya pa ako hinawakan ay baka hilong-hilo na ako ngayon na bumababa mula sa kalesa. Buong biyahe ay tahimik lang kaming pareho. Hindi ko rin sinubukan magsalita dahil sa lakas ng kabog ng aking dibdib. Ako'y napipipi kapag si Andres ay sobrang lapit sa akin, hindi kinakaya ng puso ko ang kaniyang kakisigan. Napatawa ako sa sariling kalokohan.

"Nais mo rin bang hawakan kita papasok, Rosa?" Sabi ni Andres na ngayon ay nasa aking tabi at nakangiti ang labi niyang nagbibiro na naman.

Hindi ko siya pinansin at inikot ang aking mga mata, marahil ay nakita niya iyon dahil narinig ko ang kaniyang pagtawa. Mahilig na talaga siyang magbiro ngayon!

Bago pa man kami makapasok sa loob ay sinalubong na kami ng isang matandang babae na may magarang kasuotan at elegante ang dating.

"Aking apo!" Sinalubong niya ng yakap si Andres sa aking tabi.

Hinaplos naman ni Andres ang likod ng kaniyang Lola pagkatapos ay mahinang natawa. "Parang isang taon mo po akong hindi nakita dahil sa inyong asal ngayon. Hindi pa po ako naglilimang oras na nawala." Sabi niya at napapailing na tiningnan ang kaniyang Lola.

The Spanish GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon