Dos

42 9 1
                                    

Napaubo ako sa sinabi ni ama na agad niya naman akong inabutan ng tubig.

"Ama hindi iyan maaari isa po akong binibini" sagot ko kay ama at umiling.

Narinig ko uli ang tawa ni ama na parang nanunukso. "Rosa, hindi mo naman kailangang haranahin si Andres, alayan siya ng bulaklak, o ipagsibak ng kahoy. Ang ibig kong sabihin ay kunin mo ang loob ng lalaki. Matanda na ako anak at nais kong magkaroon ng apo bago humimlay."

Kulubot na nga ang balat ng aking ama at na sa animnapu't pito na siya. Matagal kasi bago sila magka-anak ng aking ina na nawala noong ako'y ipinanganak.

"Ama huwag kang magsalita ng ganyan aabot pa ng sandaan ang iyong edad." Tugon ko at hinaplos ang kaniyang kamay bago ngumiti ng marahan.

"Nagpasuri ako kahapon sa doktor at ang sabi niya ay maaaring hindi na ako umabot sa pitimpu."

Nagulat ako sa sinabi ni ama at napatigil sa pagkain. May sakit sa puso si ama simula noong binata pa lamang siya kung ganoon ay lumubha ito. Parang may tumusok sa dibdib ko dahil sa narinig, gusto ko mang maluha ngunit ikinurap ko lang aking mata bago nagsalita.


"Kung gayon ay nararapat lamang na hindi ako mag-asawa at alagaan ka ama."

"Huwag mo akong hayaang mawala na hindi matiwasay ang aking kalooban. Nais kong lumisan sa mundong ito na nasa piling ka ni Andres."

Pinilit kong ngumiti kahit nasasaktan ako kapag binabanggit niya ang salitang 'mawala' at 'lumisan'.

"Ama hindi ko po mahal si Andres, at masaya naman ako na makasama ka."

"Kaya nga nais ko na bihagin mo ang kaniyang puso Rosa, gusto kong masilayan ang aking apo bago magpahinga."

Pinunasan ko ang luhang tumulo mula sa aking mga mata at pinigilan ang paghikbi. Hinigpitan ko pa ang pagyakap sa aking unan at mas bumaloktot sa aking kama. Matapos ang hapunan kasama si ama ay umakyat ako agad sa kuwarto. Kung magtatagal pa ako roon ay baka maiyak ako sa harapan niya. Ayokong makita niya akong nasasaktan dahil ayokong isipin niya pa ako. 

Hindi na rin ako nakipagtalo sa pagpipilit niya kay Andres sa akin. Ayokong bigyan pa ng sakit sa ulo si ama. Alam ko naman na hindi niya rin ako hahayaang makasal sa taong hindi ko iniibig dahil bilin niya sa akin simula bata pa lamang ako na dapat mahal ko ang isang tao bago kami magpakasal.

"Magandang umaga señorita"

Lumingon ako kay Maya na may dalang kape. Nandito ako ngayon sa hardin at pinagmamasdan ang mga bulaklak. May iba't-ibang kulay ng santan, mga rosas, at iba pang mga bulaklak.

"Magandang umaga Maya"

Ngumiti ako sa kaniya at kinuha ang kape. "Salamat dito" pagkatapos ay lumingon uli sa mga bulaklak.

Dahil sa nangyari kahapon hindi ko na tuloy nabili ang kuwintas na aking nais. Kulay rosas pa naman iyon na aking itinatangi, nawa'y makita ko muli iyon. Lumingon ako kay Maya.

"Pumunta na ba si Ama sa kaniyang opisina?"

"Opo señorita"

"Maya ilang beses ko pa bang uulitin na Rosa nalang ang iyong itawag sa akin?" Itinaas ko ang kilay sa dalagita at dahil dito ay hilaw siyang ngumiti at yumuko.

Umiling-iling ako sa kaniya at malamyos na hinaplos ang kaniyang balikat.

"Dalawang taon lamang ang tanda ko sa iyo at isa pa nais kong makaramdam ng kaibigan mula sa iyo, Maya."

"Ngunit señorita hindi ito gugustuhin ng iyong ama."

"Maiintindihan ni ama kapag sinabi kong ako ang nakiusap sa iyo. Alam ni ama na wala talaga akong kalapit na kaibigan simula bata pa. Apat na taon na tayong magkasama Maya kaya mauunawaan ito ni Ama."

The Spanish GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon