Lumingon ako at hinarap ang lalaking tumawag sa pangalan ko.
"Rosa ikaw nga, kumusta ka?" Nakangiting saad niya sa akin.
"Goryo ikaw pala," ngumiti ako sa lalaki. Si Gregorio Hernandez ang nasa aking harapan at sa likod niya ay si Nicolas. "Ayos lang ako, ikaw ba?" Hindi ko akalaing magkikita kami at magkukumustahan. Hindi ako sanay sa ganito dahil hindi naman ako madalas makisalamuha sa mga tao.
"Maayos lang din, ang tagal na rin palang hindi kita nakita." Ngumiti siya sa akin dahilan para lumabas ang dalawang bilog na nasa magkabilang pisngi niya.
"Hindi kasi ako madalas lumabas." Sagot ko.
"Aking naulinigan na nais mo na palang mag-asawa?"
Nahihiya akong tumango, marahil ay alam niyang narito ako dahil sa rason na iyon. Katulad ko ay wala pa siyang asawa at mas matanda siya sa akin ng isang taon. Hindi ko alam ang kaniyang rason kung bakit gusto niyang maging binata pa.
Nagsalita si Nicolas na nasa kaniyang likod. "Si Goryo ay nais na rin niyang mag-asawa, Rosa."
Pasimpleng sinipa ni Goryo sa paa ang lalaki para awatin ito. Tumawa naman ang huli habang si Goryo ay ngumingiting umiling. Hindi ko rin naman maiwasang hindi mahiya dahil parang pinapahiwatig ni Nicolas na maging kami ni Goryo.
"Marahil ay may iniibig na si Goryo, Colas kaya binata pa siya at malamang iyon din ang gusto niyang mapangasawa." Sabi ko upang hindi na niya ako tuksuhin sa lalaking nasa harap ko.
Mas lalong tumawa si Nicolas. "Tama ka riyan, Rosa. Nandito nga 'yong babaeng iniibig niya." Sinipa na naman siya ni Goryo ngunit hindi tumigil si Nicolas sa pagsasalita. "Kaso hindi makapagsabi 'tong kaibigan ko. Mukhang magiging matandang binata 'to."
Hindi na napigilan ni Goryo at natakpan na niya ang bibig ni Nicolas. "Tatahimik ka ba o tatawagin ko 'yong babae?" Banta ni Goryo habang may tinitingnan na babaeng naka upo sa ilalim ng puno na may kausap na lalaki.
Agad namang tumango si Nicolas at lumayo sa kaniya. Napailing naman si Goryo at bumaling muli ang atensyon sa akin.
"Paumanhin Rosa sa inasal ni Colas," napapakamot na sabi niya.
Ngumiti lamang ako sa kaniya. "Ayos lang iyon Goryo, paalam na rin at ako'y pupunta muna roon sa nagsasayawan." Saad ko at tinuro ang mga taong sumasayaw.
"Ah pwede bang samahan kita, binibini? Kung pahihintulutan mo sana."
Tatanggi na sana ako ngunit aking natanaw si Andres na nakatingin sa amin habang papalapit siya.
"Walang problema sa akin, Goryo."
Hindi ko alam kung bakit parang ayaw ko siyang maka-usap. Bakit ko ba naiisip pan kakausapin niya ako? At bakit iniisip ko na ako ang pupuntahan niya? Ipiniling ko na lamang ang aking ulo at naglakad na papunta sa mga taong nagsasayawan.
"Ano bang hinahanap mo sa isang lalaki, Rosa?"
Napalingon ako kay Goryo ngunit napunta ito sa lalaking nasa tabi niya. At bakit sumasabay si Andres sa amin?
"Rosa?" Nabalik ang tingin ko kay Goryo na naghihintay ng sagot. Ayoko sanang magsalita ngunit ayoko namang iparamdam sa kaniya na iniignora ko siya.
Tipid akong ngumiti bago sumagot. "Gusto ko 'yong lalaking ipagtatanggol ako. Iyong lalaking pipiliin ako kaysa sa hayop nila." Tumingin ako kay Andres na nasa tabi pa rin ni Goryo. "Iyong lalaking hindi masungit, iyong iniisip ako kaysa sa hayop nila." Nang lumingon siya ay tumaas ang kaliwang kilay niya.
"Ibig mong sabihin ay ayaw mo sa lalaking may alaga?" Tanong ni Goryo.
"Hindi naman, ayaw ko lang talaga sa lalaking may kabayo, masungit, at hindi ko gusto ang kulay pula."
BINABASA MO ANG
The Spanish Guy
Tarihi KurguSet in a Spanish colonization era in the Philippines a historical romance takes place between Rosa Garcia and Andres Del Rosario. Rosa Garcia is a 20-year-old single lady, old enough to get married but her heart is not yet ready for it. However, whe...
