Bente Singko

32 7 1
                                        

Galing kaming dalawa ni Andres sa simbahan. Ang sabi ng padre ay maaari na kaming ikasal sa susunod na buwan. May sapat na salapi na kami bilang bayad. Ngayon ay patungo na kami sa bayan upang bumili ng tela para sa susuotin namin sa kasal.

Magkahawak-kamay ng aking magiging asawa na bumibili ng tela.

"Kayo ba ay mag-asawa?" Nakangiting tanong sa amin ng may katandaang tindera.

Nakangiting tumango si Andres at sumagot. "Opo ngunit wala pa kaming basbas ng panginoon," Sabi niya pagkatapos ay nilingon ako. "Ngunit sa susunod na buwan na ang aming pag-iisang dibdib." Dagdag niyang nakangiti.

"Kung gayon ay libre ko na lamang ibibigay ang mga palamuting ito." Tukoy ng tindera sa mga palamuti na para sa aming kasuotan.

"Maraming salamat po!" Maligayang sabi ko.

Ngumiti siya sa amin. "Akin kayong binabati sa nalalapit niyong kasal."

...

Nagising ako nang maramdamang gumalaw ang aking katabi. Nagmulat ako ng mata at nabungaran ang mga mata ni Andres na nakatitig sa akin. Ngumiti ako at hinawakan ang kaniyang mukha.

"Aalis ka na?" Tanong ko kaya tumango siya.

Umupo naman ako ganoon din siya pagkatapos ay niyakap niya ako.

"Mahal na mahal kita Rosa." Sabi ni Andres na aking ikinangiti.

Gumanti ako ng yakap sa kaniya. "Andres, hinding-hindi ako mawawala, iniirog din kita."

Akin ng hinatid si Andres sa dalampasigan. Madilim pa ang kapaligiran at ang tanging ilaw namin ay ang lamparang dala naming dalawa. Iyong isa ay akin habang ang isa ay para sa kaniyang pangingisda.

"Pumasok ka na sa loob." Sabi niya sa akin nang marating na namin ang kaniyang bangka.

"Sumakay ka na muna riyan," aking saad naman.

Inilagay niya ang lampara sa bangka at lambat pagkatapos ay lumapit sa akin at hinagkan ako sa labi. Ngumiti siya sa akin.

"Babalik ako," Sabi niya sa akin.

Ito ang palagi niyang sinasabi sa akin bago pa man siya pumalaot. Naniniwala naman ako sa kaniya ngunit sa tuwing inuusal niya ito ay hindi ko maiwasang kabahan.

Alam ko naman na babalik siya pero bakit parang iba ngayon? Ipiniling ko nalang ang aking ulo at niyakap siya.

"Babalik ka, Andres, maghihintay ako."

Hinaplos niya ang aking buhok at hinagkan ang ibabaw ng aking ulo.

"Pumasok ka na sa loob."

Hindi ako mapakali. Kanina pa ako naghihintay rito sa dalampasigan at nagpalakad-lakad ngunit wala pa si Andres. Sa aking tingin nga ay malapit ng magtanghalian. Hindi pa nakaka-uwi si Andres ng ganitong oras kung kaya ay labi ang aking pag-aalala. Ang sabi niya sa akin ay hinding-hindi niya hahayaang umuwi siya ng tanghali na. Kanina pa ako inaalo ni Maya na baka ay marami lamang isda si Andres kung kaya ay natagalan. O kaya ay baka raw sa mas malayo siya nangisda. Subalit wala pa rin akong naramdamang kaginhawaan sa kaniyang sinabi. Lumapit na sa akin si ama at sinabihan akong hindi ako magagawang iwan ni Andres kung kaya ay huwag na ako masyadong mag-isip. Pati si manang Clara ay sinabi ring babalik din si Andres.

Hindi ko rin mawari ang aking sarili kung bakit ako kinakabahan ng ganito. Ilang sandali lang ay natanaw na ako kung kaya ay agad kong itinaas ang aking kamay upang kumaway. Walang kasiguraduhan kung si Andres nga iyon ngunit naniniwala akong siya iyon.

Nakahinga lamang ako ng maluwag nang kumaway rin siya.

"Andres!" Sigaw ko at hindi namalayang tumalon-talon na pala ako dahil sa tuwa.

The Spanish GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon