🍎 Chapter Eight 🍎
NAGISING SI LYRA SA HINDI pamilyar na silid. Wala siyang ideya kung nasaan siya matapos niyang mawalan ng malay-tao. Maski kung ilang oras ba siyang nakatulog. Sinubukan niyang bumangon pero naramdaman ulit niya ang pagkirot ng kanyang tagiliran. Hindi niya maiwasan ang magtaka dahil nakabenda na ito ngayon. Doon na niya nilibot ang kanyang paningin sa paligid.
Maganda ang lugar na kanyang kinalalagyan. Maski ang kamang hinihigaan niya sadyang napakalambot. Malayung-malayo sa nakasanayan niyang higaan.
Sa muling pagkakataon ay muling sinubukan ni Lyra ang bumangon. Pero doon naman bumukas ang pintuan, at isang nakauniform na babae ang pumasok.
"Gising na po pala kayo," sabi nito.
Pinagmasdan ni Lyra ang pananamit nito. Hindi niya alam kung kasambahay ba ito dahil naka-office attire ito.
"Ako po pala si Natasha," nakangiting pagpapakilala nito.
"Nasaan po ako?" magalang niyang tanong rito.
"Nandito ka sa pamamahay ko."
Napatingin si Lyra sa lalaking nagsalita. Doon niya nakita si Agustin. Hindi niya alam pero nagsimula na naman kumabog ng malakas ang dibdib niya. Simple lang ngayon ang pananamit nito. Naka-long sleeves white polo ito na tinernuhan ng blue rip jeans. Parang napakaaliwalas ng mukha nito ngayon, malayung-malayo ang aura nito kapag tumatambay ito sa coffee shop.
Mas naging guwapo ito sa kanyang paningin ngayon.
"Gamot n'yo po, Miss Lyra..." magalang na inabot ng babae sa kanya ang maliit na tasang naglalaman ng tableta.
May pagdududang tinignan ito ni Lyra. Wala rin siyang ideya kung paano nito nalaman ang pangalan niya.
"Hindi iyan lason," natatawang sabi ni Agustin na parang nabasa nito ang tumatakbo sa isip niya, "Kung gusto kitang patayin, sana pinabayaan na lang kitang mamatay doon sa mabahong gusaling iyon!"
Bahagyang napahiya naman si Lyra sa tinuran ng lalaki. May punto naman kasi talaga ito, ngayon pa ba siya magdududa rito ganoong nagawa na nga siyang iligtas nito.
Nagawa nang kunin ni Lyra ang naturang gamot, at ininom ito. Pagkaraan ay magalang nang nagpaalam ang babae. Naiwan silang dalawa ni Agustin sa silid na iyon.
"Kailangan ko nang makaalis," sinubukan niyang tumayo pero aaminin niyang nanghihina pa siya.
"Sa tingin mo papayagan kita sa ganyang kalagayan mo?" tanong nito.
"K-Kailangan ko nang makabalik sa amin. M-May mga naghihintay sa akin," tugon niya.
Muling umusbong ang pag-aalala niya para sa kanyang mga kapatid. Hindi niya alam kung maayos bang nakauwi sila Jinjin, Arjhay at Yuki sa bahay. Sila Cobi, Jimmy, Tata at Jun; kamusta na ang mga ito? Natitiyak niyang nag-aalala na rin ang mga ito sa kanya.
Napahawak si Lyra sa kanyang ulo dahil pakiramdam niya ay parang umikot ang kanyang paningin. Pero muli siyang napatingin kay Agustin nang makitang umupo ito sa isang antique na upuan. May pinindot ito sa hawak itong cellphone at doon may tumunog na buong kabahayan na isang pamilyar na tugtog.
Kumabog ng malakas ang dibdib ni Lyra nang marinig niya ang paboritong kanta nila ng kanyang mga kapatid.
Permission To Dance.
Ito ang ginamit niyang background music noong pinasok niya ang mansion ni Mister Chua. Ito rin ang tugtog noon sa earphone niya noong unang nagkaharap silang dalawa.
"Favorite mo sila?" tanong nito.
Sinubukan ni Lyra na obserbahan ang mukha ng kausap pero hindi siya makapag focus dahil sa sama ng pakiramdam niya. O sadyang hindi lang talaga siya makapag-isip ng maayos kapag kaharap niya ang lalaking ito.
BINABASA MO ANG
CODENAME: Snow White (Complete)
AksiSimula nang maulila, si Lyra na tumayong ama't ina sa pito niyang kapatid. Sa murang edad niya, isang secret organization ang nagtrain sa kanya bilang maging isang secret agent. Ang tingin ng lahat sa kanya ay isa lamang siyang ordinaryong babaeng...