may mga araw na ikaw lang ang meron ka.
dire-diretso ang patak ng ulan sa bubong, tuloy-tuloy ang mahinang kantang hinayaan mong tumugtog lang mula sa telepono, at ang ugong ng electric fan na ni hindi nga nakatutok sayo.
may mga araw na ikaw lang ang meron ka.
tahimik ang paghinga, banayad ang ritmo ng puso, dumadampi ang hangin at lamig sa pisngi, sa labi. ang dating masikip na kwarto, ngayo'y malawak nang espasyo.
dahil may mga araw na ikaw lang ang meron ka.
hindi nagkulang sa tanong ang mga tao sa paligid mo kung ayos ka lang ba, at hindi ka rin nagkulang sa pagsagot nang "oo, ayos lang ako."
hayaan niyo ako.
dahil minsan kulang ang mga salita. mahirap ipaliwanag ang bagay na hindi mo rin naman naiintindihan, na hindi mo rin naman kayang pangalanan. lalo na kung ikaw lang ang meron ka.
at may mga araw na ikaw lang ang meron ka.
may mensaheng dadating sa telepono, dama mo ang saya sa tono, sa mga piniling gamiting salita, at mapapangiti ka. bago mo isarado.
hayaan niyo ako.
hindi ito ang araw na papantayan ko ang emosyon ng iba, sarado ang pinto. pinipili ko ang sarili ko, kasi minsan maraming araw na ako lang ang meron ako.
hayaan niyo ako.
tuloy ang paghahanap mo ng kahit na anong makakapagparamdam sayo ng tuwa, ng kilig, ng sakit, ng saya, ng lugmok kasi tao nga raw ang tao dahil sa mga kumplikadong emosyon nito.
hayaan niyo ako.
itutulog mo lang 'to. lilipas din ang oras. dadating din ang bukas. magsisimula ulit ang araw at didilim ulit ang langit. isa lang 'to sa mga gabing ayaw mong magpatuloy. . . o tumakbo.
sa ngayon, hayaan niyo ako.
ako lang ang meron ako.
BINABASA MO ANG
Random Blabbings
Non-Fictionblab (v.) - to say something that was supposed to be kept secret - to talk too much let's get this mess started.