Ano na?

104 10 2
                                    


Kelan mo ba masasabing manunulat ka na? Kapag nakatapos ka ng nobela? Kapag may mga pumupuri sa gawa mong ni hindi mo nga alam kung kapuri-puri? Kapag ba yung gawa mo e naipublish na bilang libro? Kapag yung mga pinagtagpi-tagping salita na tinahi mo para makabuo ng ideya ay may narating at naalog na kaluluwa? Kelan nga?

Hindi ko alam. Sa totoo lang, hindi ko alam. Ni hindi ko nga alam kung ano ang ginagawa ko ngayon, nagsusulat ba ako? O para lang akong pusa na ngumingiyaw, atensyon daw kasi putspa, kailangan ng kahit na sinong nilalang ng atensyon?

Tapos mapapatanong ka, ano ba pinaglalaban nito? Kapag ba sinagot kita ng hindi ko nga rin alam kung ano, tatanggapin mo ba? Kasi 125 words na ang naitipa ko tapos hindi ko pala alam kung anong pinagalalaban ko? Lokohan na ba?

Kasi kailangan natin ng dahilan, diba? Lahat ng bagay daw kasi may dahilan. Tulad na lang ng tanong na 'to na yumanig sa munti kong mundo.

"Pagkatapos ng naisulat mo, ano na?"

Napaisip ka ba? Kasi ako naisip kong para pala akong tangang proud na gumagawa ng sand castle sa beach tapos biglang may dumating na tsunami para ipaalala sa'kin na wala naman talaga akong nagawa.

Kasi, meron ba?

Wala. Nakatitig ako ngayon sa kawalan, iniisip ang dahilan. Pagkatapos ng nagawa mo, ng naisulat mo, ano na?

Hindi ko alam. Maraming pampalubag ng loob ang pumapasok sa isip ko ngayon. Na hindi naman 'to tungkol sa ending, tungkol 'to sa journey. Sa mga hinarap mo habang tinatahak mo ang daan patungo sa katapusan ng nobelang sinusulat mo. Sa mga natutunan mo kasabay ng mga salitang tinatahi at tinitipa mo. At marami pang iba.

Pero. . . pagkatapos ng lahat, oo, pwedeng naaliw ka sa ginawa ko. Natawa. Pampalipas oras. O napaismid sa grammar ko. O napaikot ang mata sa kalokohan ko.

Tapos no'n, ano na?

Uulitin ko, wala. Kakalimutan na. Isasalaksak na ng utak mo sa sulok kasi wala namang halaga.

Tapos nitong nakaraan, may isang tao daw ang nabaliw dahil binasa ang isang akda ng isang prominenteng manunulat. Napangiti ako. Hindi dahil sa may nabaliw ( pero pwede na ring dahil do'n ), kundi dahil sa tingin ko, pagkatapos mabasa ang akdang 'yon, may mangyari. May kinahinatnan. May nabago. May resulta. Hindi gano'n kaganda pero may resulta.

"Pagkatapos ng naisulat mo, ano na?"

Sa ngayon, magsusulat lang ako. Magsusulat hanggang sa masagot ko ang tanong na 'yan at hanggang sa panahong babalikan ko ang maliit na espasyong 'to nang hindi na niyayanig niyan ang mundo ko.

Magsusulat ako.




PS. Ate, hindi ko po alam ba't nangyari ang word-vomit na 'to. Lakas ng epekto nung 'Tao'.

Random BlabbingsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon