TINITIGAN niya ang sarili sa harap ng salamin. She grinned. Kahit siya ay aliw na aliw sa hitsura niya. Nakapaloob sa itim na palda ng mommy niya ang puting blouse na long sleeves na may maliliit na ruffles pa sa edge ng kuwelyo at gayundin sa dulo ng manggas. Nag-belt siya ng itim na tatlong pulgada ang lapad.
Iniayos niya ang buhok niya na mahigpit na binanat patungo sa likod at inikot ang dulo sa isang French knot.
Sa final touch, isinuot niya ang malaking salamin.
"Perfect," nakangising wika niya sa sarili at nagpaikot-ikot sa harap ng malaking salamin.
Maaga pa. Alas-nueve y media ang nakalagay sa peryodiko. Alas-siyete pa lang. At malapit lang ang Ortigas mula sa bahay nila sa Horseshoe Village kahit na mag-traffic. Bumaba siya sa dining room at dinatnan na roon ang mga magulang.
"Iyan ba ang isusuot mo sa pag-a-apply ng trabaho, Wilda?" ani Peping na nahinto sa paghigop ng kape pagkakita sa kanya.
"Palda ko iyan, Wilda!" bulalas naman ni Elena sa nanlalaking mga mata.
Malapad ang pagkakangiti niya sa naging reaksiyon ng mga magulang. She made a half turn, then a quarter turn, na tila contestant sa beauty contest.
"Bagay po ba?" nakangising tanong niya at saka hinila ang silya sa puwesto niya at naupo roon. Inabot ang percolator at nagsalin ng kape.
Her parents were looking at her speechless. Pagkatapos ay nagkatinginan.
Lumapad ang pagkakangisi niya. "Masagwa ba ang suot ko, Daddy? Bakit natutulala kayo ni Mommy?"
Sinipat siya ng ama mula sa tagiliran. "Ah, eh, hindi naman. Hindi ko nga lang matiyak kung alin lang kina Miss Tapia at Linda Carter, si Wonder Woman, ang gusto mong palabasin." It was obvious that her father struggled hard not to laugh.
"Linda Carter is definitely a better choice, Dad," aniya bago hinigop nang marahan ang kape. Hindi ba at nagkukunwari rin si Wonder Woman na empleyado ni Steve?
Hindi na napigil ng daddy niya ang matawa nang tuluyan. "Actually, you look different, hija. Parang nadagdagan ng labinlimang taon ang edad mo. May nagtitinda pa ba ngayon niyang blouse na suot mo? At iyang salamin mo, saan galing iyan?"
Bago pa siya makasagot ay nagsalita na ang mommy niya kasabay ng paglapag ng bandehadong may pritong daing na bangus sa mesa.
"Malamang na galing kay Samuel iyang salamin. At iyang blouse niyan ay sa ukay naman binili." Napa-hesus ang nanay niya. "Paano na lang kung may masamang espiritung nakadikit diyan sa blusang iyan? O di kaya'y namatay na ang may-ari."
Hindi niya napigil ang matawa sa reaksiyon at sa sinabi ng mommy niya. "Kasi naman, Mommy, hilig ninyong manood at magbasa ng mga horror."
"Paano mo nalamang ukay ang blouse niyang anak mo?" tanong ng daddy niya na nakitawa. "Eh, 'ayan at ke puti-puti."
"Sinabi sa akin noong isang araw ni Insiang dahil pinababad daw sa Tide niyang magaling mong anak. Nawala lang sa isip kong itanong."
Grinning, she rolled her eyes. "Nag-commercial pa kayo, Mommy. "
"Ano bang kalokohan iyang gayak mo na iyan, Wilda? Para saan at nag-a-apply ka ng trabaho gayong kung ako ang haharap sa iyo at makita ko iyang gayak mo ay ni hindi ko titingnan ang application form mo."
Nakangiting ipinaliwanag niya sa mga magulang kung bakit ganoon ang pinili niyang ayos. Minus Rory's personal involvement.
"Gusto ko lang hingin ang opinyon ninyo kung hindi eksaherado ang ayos ko. Iyon bang tila mukhang sinadya o mukhang natural?"
BINABASA MO ANG
All-Time Favorite: The Substitute Bride
Romance"Marry me, Wilda. I cannot be jilted the second time around." Brent Guttierez was tall, dark-and wow! She was also Wilda's boss. Sa loob ng isang taong pagtatrabaho niya rito bilang sekretarya ay naitago niya nang mahusay ang damdamin niya dahil ma...