"'KAKAINIS naman iyang mga taxi, Tita Agnes," ani Wilda habang palinga-linga. "Bakit ba kapag sinabi nating sa Horseshoe tayo ay ayaw na tayong isakay?"
Isang tawa ang pinakawalan ng Tiya Agnes niya, who was twenty-two years old and only six years older than her. Asawa ito ng Uncle Samuel niya, ang bunsong kapatid ng mommy niya. Bagong kasal lamang ito at ang uncle niya, wala pang limang buwan. Parehong mga bagong graduates at nagdesisyong magpakasal.
"Paano ba naman ay napakalapit lang naman ng Horseshoe mula rito sa Mariposa, Wilda," ani Agnes. "Kung tutuusin ay malalakad naman natin."
"Bitbit ang dalawang malaking kahon ng cake na ito?" Niyuko niya ang dala-dala at gayundin ang tiyahin niya na may dala ring dalawang box ng chocolate cake.
Habang ang uncle niya ay namamasukan sa isang kilalang optical shop sa mall ay ang mag-bake naman ng cake ang pinagkakikitaan ng asawa nito. Totoong masarap itong mag-bake ng cake at nirarasyon sa mga kaibigan at kakilala.
Katunayan ay galing lang sila sa classmates niya kung saan um-order ang mga magulang nito ng chocolate cake na pangregalo.
"Kung sa bagay. Hayaan mo at kapag nagka- puhunan kami ng Uncle Sam mo ay magtatayo talaga ako ng bakeshop," pangangarap nito, nakangiti.
"Tiyak na dadayuhin ang bakeshop mo dahil marami ka nang suki, eh. Aba, hindi naman commercial ang lasa ng mga cakes mo, ah."
"Salamat sa papuri. Sige na nga, kalahating mango roll ang libre ko sa iyo."
"Sinabi mo iyan, ha?"
"Ako pa? Tumawid na nga tayo at mas malilim sa kabilang daan at doon tayo maghintay ng taxi at bayaran na lang natin ng sobra."
Nauna na itong lumakad patawid sa kabilang bahagi ng daan kung saan mas malilim dahil sa mga nagtatayugang puno. Ang kalye Mariposa ay hindi mataong lugar dahil malalaki ang mga bahay na nababakuran din ng matatas. Naroon din ang isang de-klaseng town house.
Ang akma niyang pagsunod sa tiyahin ay napigil nang masabit ang sandalyas niya sa isang maliit na lubak at naiwan iyon sa paghakbang niya.
"Sandali lang, Tita," she said, binalikan ang sandalyas nang mapalingon siya at mapuna ang isang rumaragasang sasakyan. Paekis-ekis iyon. Tinutumbok ang tiyahin.
"Tita Agnes, look out!" tili niya sa nanlalaking mga mata.
Si Agnes ay napahinto sa gitna ng kalye at hindi malaman kung aatras o dederetso sa pagtawid dahil hindi nito matiyak kung saan talaga patungo ang humahagibis na sasakyan.
Mabilis ang naging pangyayari. Kasabay ng tili ni Wilda ay ang pagkabunggo ng tiyahin niya. Tumilapon ito ilang dipa sa gitna ng kalye mula sa dating kinatatayuan.
"Tita!" sindak niyang tili, nabitiwan ang dalawang kahon ng cake.
Ang driver ng sasakyan ay sandaling huminto. Binuksan ang pinto ng kotse at lumabas. Pero hindi ito lumayo mula sa kinatatayuan. Nahihintakutang tinitigan ang nakabulagtang si Agnes.
"Tulungan ninyo ang tiyahin ko! Dalhin natin siya sa ospital!" sigaw niya. Alam niyang tumatakbo siya patungo rito subalit parang goma ang mga binti niya sa sindak.
Napalingon sa kanya ang driver. Nagkatitigan sila sa isang saglit at pagkatapos ay nagmamadali itong muling bumalik sa loob ng sasakyan at isinara ang pinto niyon. At sa pagkagimbal ni Wilda ay mabilis na itong lumayo sa lugar na iyon.
"Bumalik kayo!" sigaw niya kasabay ng paglinga-linga sa paligid at paghingi ng tulong. "Tulungan n'yo kami!"
Tinakbo niya ang kinalugmukan ng tiyahin. May dugong umaagos sa ulo nito at hindi na kumikilos. Nanginginig siya sa sindak at takot habang tila nauupos na napatalungko sa tabi ng tiyahin.
"Tulungan ninyo kami... tulungan ninyo kami..." Humahagulhol niyang usal.
BINABASA MO ANG
All-Time Favorite: The Substitute Bride
Romance"Marry me, Wilda. I cannot be jilted the second time around." Brent Guttierez was tall, dark-and wow! She was also Wilda's boss. Sa loob ng isang taong pagtatrabaho niya rito bilang sekretarya ay naitago niya nang mahusay ang damdamin niya dahil ma...