CHAPTER EIGHT

2.4K 32 1
                                    


"HuWAG kang magmamaang-maangan, Wilda," he snapped. "Napansin ko kung paano mo ako titigan nang araw na iyon. Brent might not have noticed it. But I did. Itinuring ni Brent na dahil sa disimuladong insulto ni Candra kaya biglang gumuhit ang galit sa mga mata mo. Pero natitiyak kong hindi iyon ang dahilan. Ang mga katulad mo'y sanay nang nakakatanggap ng bulyaw at insulto!"

Napahugot ng hininga si Wilda. Anong uri ng tao ang Hector dela Rosa na ito at gayon na lang kung makapanghamak ng kapwa?

Yumuko ito at itinukod ang dalawang kamay sa gilid ng mesa niya. "Kahit si Candra ay nararamdaman ang kawalang-galang at galit mula sa iyo nitong huling nagtutungo siya rito? What is it, Wilda? I demand to know!" .

"Hindi ko alam kung ano ang sinasabi ninyo." She met his eyes levelly. At bagaman nagagalit siya'y sinikap niyang huwag iyong makita nito sa mga sandaling iyon na sa tingin niya'y mapanganib ang anyo at paraan ng pagsasalita.

"Tulad nga ng sinasabi ni BG, kahit sinong babae ang narito sa puwesto ko ay pagseselosan ng anak ninyo."

"Hindi ikaw ang uring pagseselosan ni Candra. Isa ka lamang hamak na empleyado at ano mang oras ay matatanggal sa opisinang ito. At hindi ka nagagalit kay Candra dahil sa sinabi niya, kundi sa akin! Sa akin ka nakatitig bago ka nagbaba ng tingin."

"Iyan ba ang dahilan kung bakit kayo narito, Mr. dela Rosa? Dahil lang nararamdaman mong nagagalit ako sa iyo? Hindi ko pa kayo nakatagpo dito sa opisina sa loob ng isang taon ko rito. Pero may alam ba kayong dahilan para magalit ako sa inyo?" Her voice held challenge. Hindi niya napigilan ang sarili.

Napatuwid ng tayo si Hector dela Rosa. Tinitigan siya nang mataman. At kung ano man ang sasabihin nito'y hindi na nito naisatinig. Mula sa pinto ay sumungaw si Ernie, ang accountant at naging matalik niyang kaibigan sa kompanyang iyon.

'"Morning, Sir," bati nito kay Hector dela Rosa at pagkatapos ay ibinaling sa kanya ang pansin. "Wil, wala pa ba si BG?"

Mabilis na lumakad patungo sa pinto si Hector dela Rosa at tuluyang lumabas.

"May problema ba kay Mr. dela Rosa, Wil? Bakit mukhang galit?" Sinundan nito ng tingin ang bulto ng matandang lalaki hanggang sa mawala sa paningin nito bago ibinalik sa kanya.

Nagkibit siya ng mga balikat. Tila siya dinaanan ng bagyo. Kinalma ang sarili at sinikap alisin sa isip si Hector dela Rosa. She smiled at Ernie who was of average height and good-looking in his own way. "Bakit mo hinahanap si BG?"

"Biyernes ngayon, kaibigan," anito at naupo sa silyang nasa harap ng mesa niya, "payroll sa Cavite site bukas at hindi pa napipirmahan ni BG ang mga tseke dahil kahapon pa siya wala."

"Oo nga pala." Ang payroll ng tatlong nasa provincial site ay naideposito na three days ago. "May luncheon appointment pa naman siya ngayon sa Manila Hotel. Iniisip ko'y baka tumuloy na sa ka-meeting niya."

"Baka magipit kami. Hanggang alas-kuwatro lang ang bangko at walang bangko bukas. Kahapon pa hindi pumapasok si Boss, ah. 'Kala nga namin ay darating ngayon."

"Ikakasal na kasi, eh. Alam mo na, abala." Apologetic ang tinig niya para kay Brent. Hindi niya gustong isipin ng mga empleyadong nagiging pabaya si Brent nitong huling mga araw dahil sa mga kapritso ni Candra na gusto'y kasama itong lagi sa lahat ng lakad.

Tumingin siya sa relo sa braso niya. "Alas-onse pa lang naman. Baka dumating na rin si BG pagkagaling sa Manila Hotel."

Sinulyapan ni Ernie ang mga bunton ng tseke at vouchers sa gilid ng mesa niya.

"Unahin mong papirmahan sa kanya ang payroll check, Wil. Ipatatakbo ko kaagad sa messenger iyan bago tayo mapagsarhan." Nang may maalala ito. "Hindi ba at ang papa ni Brent ay signatory rin naman?"

All-Time Favorite: The Substitute BrideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon