CHAPTER TWENTY

1.9K 20 0
                                    


NAKASALUBONG ni Wilda ang biyenang babae. "Napansin po ba ninyo si Brent, Mama?"

"Nasa loob ng bahay, hija. Nakita kong pumasok kani-kanina lang at kasama ang dalawang kaibigan niya. Baka nasa bar, puntahan mo na."

"Oho nga. Nagpapaalam na sina Daddy at Mommy." Tinungo niya ang loob ng mansiyon.

Malayo-layo pa siya ay naririnig na niya ang halakhakan mula sa dako ng minibar. Malapit na siya at narinig niyang nagsalita ang isang kasama nito.

Hindi niya matiyak kung bakit bigla'y huminto siya sa paghakbang.

"Hindi ko pa rin maintindihan, pare..." wika ng isang lalaking nakaupo sa bar stool na natatandaan niyang naipakilala na sa kanya bilang si Benjie. Ito ang tumayong best man, "kung ano ang nangyari at bigla kang nagpakasal sa sekretarya mo. Hindi mo pa rin ikinukuwento sa amin. She's beautiful, I'll give you that. But she doesn't have Candra's sophistication and class."

Hindi malaman ni Wilda kung tutuloy o babalik sa pinanggalingan. Kaya nanatili siyang nakatayo roon, eavesdropping shamelessly.

"Pinikot ka ba, ha, pare?" tanong ng isa pang lalaki na nasa easy chair sa di-kalayuan, hindi niya gaanong makilala dahil nakatalikod mula sa kinatatayuan niya.

"Magtigil nga kayong dalawa riyan," narinig niyang sabi ni Brent. "Baka hindi ko buksan itong vodka na bigay kay Papa ng kaibigan niya mula sa Italy. Then you would be missing half of your life kapag hindi ninyo ito natikman." Then Wilda heard him chuckle.

"Bakit, Brent?" patuloy ng isang lalaki. "Pinatos mo ba ang sekretarya mo? Kung sa bagay ay maganda at sexy ang dating. Okay ba si Wilda, ha, pare? Kung alam mo ang ibig kong sabihin." At tumawa ito kasabay ng pag-abot mula sa mga kamay ni Brent ng bote ng alak. Binuksan iyon at nagsalin sa kopita.

Napasandal sa column ng bahay si Wilda. Hindi niya gustong ipagpatuloy ang pakikinig pero hindi rin niya magawang basta na lang tumalikod. Saloob niya'y alam niyang gusto niyang marinig ang isasagot ni Brent.

Mula nang makilala niya ito ay hindi na naalis sa dibdib niya ang insekyuridad. Even eavesdropping had become a habit that she almost hated herself.

"More than okay, Benjie," sagot ni Brent na bahagyang natawa. "At kung makakatagpo ka ng tulad niya ay hindi mo na nanaising lumabas pa ng silid."

Nagtawanan ang mga kaibigan nito. At may sinabi pa si Brent na hindi na gaanong malinawan ni Wilda dahil sa mas nangingibabaw sa pandinig niya ang halakhakan ng mga ito.

Pinanlamigan siya sa pagkakasandal sa column ng mansion. Hindi siya makapaniwala sa sinasabi ni Brent sa mga kaibigan nito. Diyata'y ipinagparangalan nito sa mga barkada ang isang pribadong bagay na dapat ay para lamang sa kanilang dalawa?

Pagkapahiya at galit ang biglang pumuno sa dibdib niya sa mga sandaling iyon. Her husband was a kiss-and-tell type! Kilala niya si Brent sa loob ng mahigit isang taon nang pag-eempleyo niya rito subalit minsan man ay hindi niya naisip ang ganitong bahagi ng pagkatao nito.

To her, Brent was a respectable man. An epitome of a perfect gentleman.

Sa opisina, marahil, wika ng kabilang bahagi ng isip niya. Subalit wala sa opisina si Brent sa mga sandaling iyon at naroroon, kasama ng mga matatalik nitong mga kaibigan at hindi kailangang magkunwari. At ang ugaling iyon ni Brent ang hindi niya nakita habang nagtatrabaho siya rito. Kung sino at ano ito sa labas ng opisina.

Bago pa muling nakapagsalita si Brent ay nagmamadali siyang lumayo sa lugar na iyon. Totoo ang kasabihang ang eavesdropper ay hindi nakaririnig ng ano mang magandang bagay para sa sarili.

All-Time Favorite: The Substitute BrideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon