Sa pagtingala ko sa magkahalong kahel at pulang mga ulap
Namayaning muli sa aking diwa ang ginawa niyang pagpanggap
Ang paghiwa n'ya ulit at pagbudbod ng asin sa 'king mga sugat
Makakalimutan ko man, may maiiwan pa ring mga bakat.Sa paglasap ko sa magkahalong puti at pulang tinapay
Naalala ko ang kanyang budhi — itim at puting magkaugnay
Kapagka kaharap ko'y tila tupang walang kamalay-malay
Subalit pagtalikod ko — ako'y tinuring palang isang patay.Sa pagbuklat ko sa magkahalong rosas at berdeng Bibliya
Ibinuhos ko ang sukdulang pighati at pagtangis sa Ama
Ito nga ba ang paraan ng Kaniyang pagdidisiplina?
Mata'y marahang ipinikit, puso'y buong binuksan para sa Kan'ya.Sa pakikinig ko sa magkahalong masalimuot at romantikong awitin
Ako ngayo'y nagmumuni-muni — bawat linya ay madamdamin
Kung noon ay kaaya-aya ang dulot nito sa aking tainga
Ngayo'y singpait ng apdo, tungkol pala 'yon sa pangangalunya.Nang binuksan ko ang aking puso — aking napagmasdan
May dalawang magkahalong emosyon itong tangan
Ang isa'y pagkamuhi, ang isa nama'y kapatawaran
Marapat pumili ng isa, at ang isa'y talikuran.Pagkat 'di maaaring magpaalipin sa magkahalong damdamin
Ipinasa-Diyos ko ang pagkasuklam, 'di na dapat kalingain
Naririnig naman Niya ang aking bawat hinaing
Pag-ibig, siyang nagwagi; poot, pinalipad ko sa hangin.***
"Magpasensiya kayo sa isa't isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. At higit sa lahat, magmahalan kayo, sapagkat ang pag-ibig ang buklod ng ganap na pagkakaisa."
- Colosas 3:13-14Pinagkunan ng larawan:
PexelsItinatampok na awit:
Sapagkat ang Diyos ay Pag-ibig ng Papuri SingersSa panulat ni:
J. Z. ROMEO
YOU ARE READING
VOICE OF TRUTH
PoesiaPOETRY COLLECTION ••• "My mouth will tell of your righteous acts, of your deeds of salvation all the day, for their number is past my knowledge. With the mighty deeds of the Lord God I will come; I will remind them of your righteousness, yours alone...