"Anong plano mo ngayon?" tanong sa akin ni Ellen.
Narito kami ngayon sa canteen ng ospital at kumakain. Pansamantalang binabantayan ng pamangkin ni Ellen ang anak ko para makakain kaming dalawa.
Napabuntong-hininga ako at sumimangot. Hawak ko ang kutsara ngunit hindi ko magawang sumubo man lang. May bikig na nakabara sa aking lalamunan. Hirap na hirap pa rin ang kalooban ko. "Hindi ko alam, Beng. Nalilito na talaga ako. Gusto ko pa ring umiyak hanggang ngayon, pero baka mahalata na ni Yen-yen ang pamumugto ng mata ko," sagot ko naman. "Ano ba ang dapat kong sabihin? Ni hindi nga alam ni Rave na may anak kami. Mas lalo rin siyang magugulat at magagalit oras na malaman niyang niloko ko siya. Na si Lena at Leen ay iisa."
"Ewan ko ba. Kung bakit naman kasi sa lahat ng hihilingin ng anak mo ay iyan pang imposibleng mangyari?"
"Ang gusto ko lang ay maging masaya ang anak ko. Wala na akong pakialam sa lahat. Ang mahalaga lang sa akin ay ang maging ligtas siya at masaya. Pero paano ko pa 'yun magagawa? Hindi ko nga siya magawang pagalingin sa sakit niya, ang pasayahin pa kaya siya sa gusto niyang mangyari?" Sunod-sunod ang pagpatak ng luha ko hanggang sa napahikbi ako. "Bakit kailangang mangyari 'to, Beng? Bakit?"
Walang salitang niyakap ako ni Ellen at hinagod ang likod ko.
Lumipas ang ilang araw na ako ang nagbantay kay Yen-yen. Pinagpahinga ko muna ang kaibigan ko dahil malaki na masyado ang naging abala naming mag-ina sa kanya at sa pamilya niya. Araw-araw kong nilulutuan si Yen-yen ng paborito niyang pinakbet.
Walang mapagsidlan ang kaligayahan ko sa tuwing mapapangiti ko ang pinakamamahal kong anak. Nami-miss ko ang mga araw na binobola niya ako kapag natitikman niya ang luto ko. Nakaka-miss ang ilang ulit niyang pagpudpod ng halik sa mukha ko. Ngayon ay hindi siya halos makatayo sa sobrang pagkahapo ng kanyang katawan.
Nangangalumata siya at nangangayayat. Maraming mga pasa ang naglilitawan sa iba't ibang parte ng kanyang katawan. May araw rin na maririnig ko ang pag-iyak niya lalo na kapag tinuturukan siya ng gamot sa likuran.
Tuwing gabi naman ay iiyak lang ako sa may sulok at paulit-ulit na dinadasal na sana gumaling na ang anak ko. Sana humaba pa ang buhay niya.
Sa paglipas ng araw, walang naging paramdam sa akin si Rave. Magmula nang umalis ako sa bahay niya ay wala akong tawag o text man lang na natanggap mula sa kanya. Hindi ko makapa sa dibdib ko ang kapanatagan. Sa halip ay mas lalo pang bumibigat ang pakiramdam ko sa paglipas ng araw.
I missed him so much. Gusto kong pagalitan ang sarili ko. Bakit ganito na ako karupok? Noong huling beses ko siyang iniwan ay matigas ang loob kong gawin iyon. Niloko niya ako. Iyon naman talaga ang dahilan. Ngayong ginawa ko itong muli ay tila mas lalong masakit.
Dapat ay galit ako sa kanya. Dapat mas lalo ko pa siyang kamuhian ngayon na naghihingalo ang anak niya. Abot-langit ang pagdurusa ko sa loob ng anim na taon. Wala man lang ni isang kamag-anak ang mayro'n ako para alalayan ako. Isa akong ulilang lubos. Kung hindi lang dahil sa matalik kong kaibigan ay baka hindi ko kinaya ang lahat. Kaya sobra ang pasasalamat ko rito dahil ni minsan ay hindi ako nito iniwan. Ni minsan ay 'di ito nagreklamo. Balang araw ay makakabawi rin ako kay Ellen.
Kagagaling ko lang sa chapel sa loob ng ospital nang magpasya akong bumalik sa kwarto. Naroon si Ellen kasama ang anak nitong si Barbie.
"Beng! Beng, may good news!" kinikilig na bungad sa akin ng matalik kong kaibigan.
"Ano 'yun? Mukhang ang saya mo, a. Uuwi na ba ang asawa mo?"
"Sira! Hindi iyon ang ibabalita ko. Tungkol ito sa anak mo!"
Napangiti ako sa kanya. "Ano 'yun?"
"Beng, natatandaan mo 'yung event dito sa ospital na sinalihan ko no'ng nakaraan? Iyong may secret sponsor na magra-random pick ng isang pasyente na bibigyan nila ng full assistance?" pagpapaalala niya. "'Wag magugulat. My gosh! Naiiyak ako." Napatikhim siya at hinawakan ang dalawang kamay ko nang mahigpit. "Nanalo tayo! Tayo ang maswerteng nabunot ng sponsor!"
BINABASA MO ANG
Savored (Victoria City Series #1) COMPLETED
Roman d'amourMain Characters: * Earl Raven Fortaleza - A ravishing CEO of Fortaleza Technologies Incorporated. Isang istriktong boss na walang ibang priority kundi ang kumpanya. * Leodelene "Leen" Guillermo - isang aspiring businesswoman. May ambisyon sa buhay n...