Dysthymia
Disclaimer: This is not a typical ghost story but it is a real horrifying scene for those who are experiencing this kind of sickness.
High school ako nang makilala ko itong kaibigan ko na may dysthymia o kilala sa tawag na depression. Noong una hindi ko siya maintindihan sapagkat wala naman talaga akong alam noon kung paano ba nakukuha yung sakit na ganun o kung paano ba matitigil yun. Naging matalik kaming magkaibigan. Lagi niyang sinasabi sa akin kung anong nararamdaman niya at kung ano ang mga pinagdadaanan niya. Alam ko din ang mga kaya niyang gawin kapag umaatake ang sakit niya.
Ayon sa kanya wala daw sintomas kapag aatake ang kanyang sakit. Isang araw ok ka tapos sa isang araw bigla nalang hindi. Minsan pa nga sinasabihan ko siyang nalulungkot lang siya pero hindi, kitang kita ko kung paano siya nahihirapan sa tuwing aatake ito. Noong 14 years old pa lang kami madalas na siyang mag isip na magpapakamatay siya. Syempre ako naman bilang kaibigan niya pinipigilan ko siya para hindi niya gawin. Ngunit isang araw hiniram niya ang sasakyan ng kanyang ama, ang paalam nito sa kanila ay mamamasyal lang saglit. Alam ko ang iniisip niya sa mga oras na yun kaya naman sumama ako. Habang nagmamaneho siya bigla nalang niyang binangga ang sasakyan sa isang malaking puno at kami ay nahulog sa isang mababaw na bangin. Pareho kaming nawalan ng malay noon. Paggising ko nasa ospital na kami. Nagtaka pa ko noong mga oras na yun sapagkat alam kong di na kami mabubuhay gawa ng lakas ng impact sa pagkabangga at pagkahulog ngunit salamat sa Diyos at buhay kami.
Ang nakalagay sa police record may iniwasan ang kaibigan ko na isang hayop na tumatawid kaya kami ay naaksidente. Lumipas ang ilang araw at kami ay nakalabas na pareho sa ospital. Bumalik kami sa pag aaral ng parang walang nangyari. Alam kong hindi pa din siya ok noon kaya pinipilit ko siyang maging matapang at wag ng ulitin pa kung anong ginawa niya. FF makalipas ang ilang buwan kapansin pansin ang pagpayat ng kaibigan ko. Lumalalim din ang kayang mga eyebags. Kinausap ko siya at sinabing kumain siya at matulog ng maayos. Ang sabi niya sa akin kahit daw anong gawin niya hindi siya makatulog sa gabi dahil na din sa kanyang sakit. Hindi din daw siya makakain dahil wala siyang gana at hindi siya nakakaramdam ng gutom.
FFlumipas ang dalawang linggo wala pa ring pagbabago sa ikinikilos ng kaibigan ko. Pumapasok siyang may laslas ang kanyang mga pulso, may mga pasa, at minsan pa ay may dugo pang tumutulo sa kanyang kamay gawa na din ng pagsuntok niya sa isang matigas na bagay. Pero kapag kinakausap siya ng ibang tao ngumingiti ito at parang walang pinagdadaanan. Pag tinatanong siya tungkol sa mga sugat at pasa niya lagi niyang sinasabi na clumsy siya kaya lagi siyang may mga sugat at pasa. Normal siya sa pangin ng ibang tao. Bilang kaibigan nasasaktan ako sa tuwing nakikita ko siyang ganun. Tinutulungan ko siyang maging malakas at positibo sa mga bagay bagay. Isang araw nakita nalang siyang walang malay sa aming cr sa eskwela. May mga hawak siyang gamot. Itinakbo siya sa ospital at muli ay naisalba ang kanyang buhay.
Sa tagal naming magkasama hindi lang isa o dalawang beses niyang tinangkang magpakamatay. Awang awa ako sa aking kaibigan. Isang araw sinabi niya sa akin na pagod na pagod na siyang magpanggap na ok lang siya at pagod na pagod na siyang lumaban. Bakit daw sa tuwing siya ay nagpapakamatay laging nasasalba ang kanyang buhay. Bakit daw di nalang siya hayaang mamatay para matapos na ang kanyang paghihirap. Wala akong magawa kundi palakasin ang kanyang loob. Sabihan siya na wag siyang susuko. Kumbaga ako yung positive side niya. Sa isang taong hindi siya kilala, aakalain mong siya ay walang pinagdadaanan dahil hindi niya ito ipinapakita sa iba. Kaya niyang ngumiti at makipagbiruan pero kung titignan mong maiigi ang kanyang mga mata doon mo makikita ang kanyang paghihirap. Hangang sa ngayon buhay pa din ang aking kaibigan. Pinipilit niyang lumaban kahit na hirap na hirap na ito. Pinipilit niyang mabuhay para sa mga taong nagmamahal at sumusuporta sa kanya. May mga taong pinipiling itago ang kanilang mga pinagdadaanan sapagkat hindi sila naiintindihan ng nakararami.
Minsan naiinis ako sa kanya sapagkat hindi siya nakikinig sa akin. Minsan din naiisip kong iwan nalang siya kaso baka pag iniwan ko siya mas lumala pa siya. Ako lang kasi ang nakakaalam ng mga pinagdadaanan niya sapagkat siya at ako ay iisa. Opo tama kayo ng basa, ako at siya ay iisa. Depression is a sad, lonely, cold world. No one can save you if you fall on its abyss. It is a world where you don't wanna be in.
P.S. Pasensya na po kung hindi nakakatakot at magulo yung kwento. Hindi ko kasi alam kung paano ikwento yung mga pinagdadaanan ko. Hindi ko po ibig na makakuha ng simpatya mula sa inyo. Gusto ko lamang magbawas ng saloobin. Salamat po sa pag babasa 😊 And admins please hide my identity 😊
ms.libra