Lumang Bahay
Ang lahat ng kaganapan sa magiging kwento na ‘to ay nangyari ilang taon na rin ang nakalipas.
Isa akong field collector noon sa isang lending company. Pero ang setup ng “office” namin ay nasa isang bahay. Actually, lahat ng branch office ng company na ‘to ay bahay. First floor ng bahay ang magiging office, at nasa 2nd floor naman ‘yong malaking kwarto namin. Puro double deck bed ganon. Kaya bale, stay in ang mga empleyado kasi kailangan gumayak nang maaga para makaalis na ng 8AM at maningil sa assigned area namin. Tapos babalik kami sa office ng 12PM after maikot lahat ng mga kailangan singilin. Kapag naman hindi pa nakapagbayad lahat, babalik ka sa field ng 5PM at kung mamalasin, maaaring abutin ka pa ng hatinggabi sa labas para lang mag-tally ‘yong buong transaction mo. Pero kung hindi talaga kaya masingil lahat, pababalikin ka na ng mga superior sa office at saka mag-close ng transaction bawat team (pero dalawang team lang naman bawat office). Kaya inaabot na talaga kami ng madaling araw sa pagco-compute para lang matapos na lahat ng transaction sa buong araw na ‘yon.
Tanda ko pa noong unang sampa ko sa office/bahay na ‘yon, sobrang bigat na talaga sa pakiramdam. Kahit kung titignan palang mula sa labas ang bahay, may ibang aura na siyang hindi ko maintindihin. Wala pa akong isang linggo no’n, ni wala pa sa kahabaan ng tulog kasi 1AM na kami natapos, bigla akong nagising ng bandang 3AM. Gumamit lang ako ng phone kasi nahirapan na akong makabalik mula sa pagtulog ko. Maya-maya ng oras din na ‘yon ay may narinig akong pumasok sa CR. Nakapwesto ako sa taas ng double-deck bed kaya ‘di ko nakita kung sino ang pumasok. Sa hirap ko ring makatulog, napansin kong parang halos isang oras na, wala pa rin lumalabas sa CR. Doon na ako nag-start mag-overthink kahit ‘di naman talaga ako naniniwala sa mga multo kaya nagtalukbong na lang ako. Pinilit ko na lang matulog no’n kahit kung ano-ano na ang pumapasok sa isip ko.
Kinaumagahan no’n, parang normal lang din ulit. Pinilit ko na lang din alisin sa isip ko mga napansin ko noong madaling araw na ‘yon. Pero mula no’n, doon na ako natuto magsalpak ng earphones ko para magpatugtog at pampatulog. Para na rin kung sakaling magising ako ulit, wala na akong maririnig na kung ano. Kaso mula rin no’n, kapag nakahiga na ako, kapag matutulog na, parang ang bigat na ng katawan ko. Parang laging may dumadagan bigla sa ibabaw ko na hindi ko maintindihin. Pero ‘di ko na lang din inalintana kasi naisip ko, baka masyado lang akong pagod kaya saka ko lang nararamdaman kapag magpapahinga na.
Isang gabi ulit, naalimpungatan ako para umihi sana. Kaso naaninagan kong pumasok ABM namin sa CR. Naisip ko talagang ABM namin ‘yon kasi siya lang ‘yong may maikling buhok sa mga kasama ko. Tapos napansin ko na naman na ang tagal lumabas kaya naglakas-loob na akong magbukas ng ilaw para katukin sana ‘yong pinto. Pero bago pa man lumapat ‘yong kamao ko sa pinto para kumatok, bigla na lang bumukas ito nang wala man lang lumabas o nilalaman na kahit sino sa loob. Doon na ako parang binuhusan ng malamig na tubig at sa sobrang takot ko, tumabi na lang ako sa kasama kong nasa ibabang parte ng double deck at pinilit matulog. Nakakahiya man, pero sobrang takot na talaga ako ng mga oras na ‘yon e.
Habang tumatagal na nakatira ako roon, nakakarinig na rin ako ng mga kwento tungkol sa dating mga nakatira sa bahay na ‘yon. Isang pamilya raw ang naninirahan noon. Sabi rin sa kwento na pinatay raw ng lalaki ang mag-iina niya gawa ng selos. Pinagtataga raw ang mga katawan nila at inilagay sa CR sa baba. Sa totoo lang, ayoko pa sana maniwala, pero iba talaga ‘yong kilabot ko nang marinig ‘yon. Lalo na’t never kasi ako nag-try man lang sa CR na ‘yon sa baba. Sobrang bigat ng pakiramdam ko kapag nakikita ‘yon kahit pinto pa lang. Tinitiis ko na lang umakyat pa sa kwarto para doon mag-CR. Nakakatakot pa rin pareho, pero hindi ganon kabigat gaya ng CR sa baba.
Pero isang araw, bandang hapon noon, nagpapahinga lang kami ng isang kasama ko kasi tapos na kami magpa-release ng pera sa mga borrower. Itong kasama ko, nagpaalam sa’kin na maglalaba muna saglit ng damit niya at pumasok na sa CR. Tapos ako naman ay pumikit na lang muna para ipahinga mata ko at para sana umidlip saglit. Tapos maya-maya, may naririnig akong kumakatok sa CR. Nagtaka pa ako kasi bakit naman siya kakatok kung nasa loob naman siya? Pero naisip ko rin na baka kinukuha lang atensyon ko para magpasuyo, kaso hindi naman siya nagsasalita e. Hanggang sa lumakas ‘yong katok at doon ko na narinig na sumisigaw ‘yong kasama ko. Pupuntahan ko na sana siya nang lumabas siya sa CR at galit akong tinanong kung bakit daw ako katok nang katok. Sabi ko naman sa kanya, “E gago ka pala. Nagpapahinga ako rito.” Tapos nagkatinginan lang kami at tumakbo pababa. Doon na lang kami nagpahinga sa office namin sa baba. ‘Di niya na rin tinapos labahin niya at pinasuyo na lang sa kasambahay (oo, may katulong/kasama kami sa bahay na parang normal na bahay lang din).
Tapos ito pa, mga ilang beses na rin nangyari na sa tuwing paakyat kami, may naririnig kaming nag-uusap at nagtatawanan mula sa bintana ng kwarto, pero pagpasok mo naman, walang tao. Minsan pa kapag nasa kwarto kami, may nagtatakbuhan sa hagdan o umiiyak na babae. O ‘di kaya ay maaanigan namin mula sa bintana na bukas ang ilaw sa may hagdan kahit pinatay na namin.
Naalala ko pa bago ako mag-resign noon, kababalik ko lang sa office. November 1 ng gabi ‘yon. Nagtirik pa ako ng kandila no’n para sa kung sino man namayapa bahay na ‘yon. Tapos scroll scroll na lang ako sa social media no’n habang nagpapaantok. Hanggang sa tinamaan na ako ng antok at nakatulog. Tapos bigla na lang akong nagising, pero hindi ako makagalaw. Hindi rin ako makapagsalita kahit anong try kong tawag sa mga kasama ko. Bukas ang ilaw no’n sa kwarto no’n, pero napapaligiran ako ng mga taong nakaitim? Hindi ako sure kung anino ba or nakaitim silang suot pero basta itim lang nakikita ko sa harap at gilid ko. Pinilit ko na lang pumikit no’n, at pakalmahin sarili ko kahit sobrang hirap. Sa kabutihang-palad, nakatulog ako ulit at nagising pa. Akala ko talaga mamamatay na ako noon. Sobrang hirap. Napakahirap. Pagod na ako sa trabaho noon kapag nasa field, tapos babalik ka sa office/bahay na ganon pa mararanasan mo.
Sorry kung masyadong mahaba, at hindi ako magaling magkwento. Pero ayon. Salamat sa mga nagbasa.
Daniel