23.

4 1 0
                                    

"Uhm, here," matipid kong sambit habang inaabot ang isang baso ng kape sa kanya. Nakatulala pa rin sya habang tinititigan ang ganda ng Taal sa kanyang harapan. Nakasalampak sa damuhan habang yakap ang kanyang mga tuhod. Dahan-dahan syang lumingon sa akin at ngumiti nang matipid. Kinuha niya rin ang kape na aking bitbit. Ako naman ay dahan-dahang umupo sa kanyang tabi. Huminga muna nang malalim bago inumin ang kape na para sa akin.

"Salamat," malamlam nyang tugon. Hindi naman ako nagsalita. Dinama ko lamang ang malamig na hangin na bahagyang dumadampi sa aking mukha. Hinawi naman ni Charmaine ang kanyang buhok at saka yumuko. Tiningnan ko siya nang saglit at nang titingnan niya na ako ay saka ako umiwas at yumuko. Tila nararamdaman ko na naman ang kirot sa aking dibdib. Ang pamilyar na pakiramdam noon habang ako ay nakaupo sa mismong pwestong ito.

"Uhmm..." usal ko. Muli akong tumingin sa kanya at ngumiti nang kaunti.

"Sabi mo kanina galing ka sa coffee shop dyan sa tabi. Baka mag-palpitate ka na nyan," wika niya.

"Okay lang. Decaf naman 'tong akin, eh," sagot ko. Muli kaming nanahimik. Lumagok sya ng kaunting kape mula sa basong gawa sa karton at tila niyakap ang kanyang sarili habang nakatitig sa kawalan.

"Funny thing..." basag nya sa katahimikan.

"It's been a year. Nagkakilala tayo sa kape. Tapos heto na naman. Na'ndito tayo sa Tagaytay, nagkakape," sambit niya habang napapangisi. Sinusubukan niyang pawiin ang pait sa kanyang ekspresyon ngunit hindi niya iyon maitatago sa akin. Kilala ko na siya. Alam ko na kung hindi maganda ang nararamdaman niya. Mapapakunot ang kanyang noo at pagkatapos ay yuyuko.

"Okay lang. Kung uulit-ulitin ko ang pagkakataon na 'yon, siguro mas pipiliin ko na lang na bumalik-balik sa nakaraan at magkape kasama ka. Kahit mag-palpitate pa ako," pagbibiro ko. Tumingin naman sa akin si Charmaine at napapangisi na para bang pabirong naiinis.

"Na-miss ko yang mga banat mo, ah."

"I'm sure," tila pagmamayabang ko. Tuluyan naman siyang napangiti ngunit matapos ng ilang segundo ay muli kaming naging tahimik. Muli akong lumagok ng aking kape at tinitigan ang napakagandang tanawin sa aking harapan. Walang kasawa-sawa, kahit na isinumpa ko na ang lugar na ito ay hinding-hindi ko pa rin maiwasang mamangha sa ganda ng lugar na ito.

"I don't want to..."

"Ayokong mang..."

Sabay kami halos na nagsalita. Ito yung mga panahon na ayaw mong maging awkward ang sitwasyon at ang isa sa inyo ay gumagawa ng paraan para maging malumanay ang lahat. Muli kaming napaiwas sa isa't-isa at nagtawanan.

"Sige ikaw muna..." wika ko.

"No, you first," sagot niya.

Huminga muna ako nang malalim bago ibuga ng aking bibig ang nasa loob ng aking isipan ngunit inabot din ng ilang segundo bago ako makapagsalita. Naguguluhan ako, hindi ko alam kung bakit nga ba na'ndito pa ako sa lugar na ito. Hindi ko alam kung naglalaro na naman ang tadhana. Naligaw lang ako sa lugar na ito pero heto sya. Narito sya sa aking tabi. Ang taong naging dahilan kung bakit naging sumpa ang lugar na ito sa akin. Ang taong naging dahilan kung bakit kahit na ayaw ko na sa lugar na ito ay ginugusto ko pa rin. Ang taong dapat ay kinagagalitan ko pero hindi ko magawa. Maraming mali, pero napakarami ring tama. At sa pagkakataong iyon ay mas pinili ko na naman siya. Pinili kong manatili sa kanyang tabi. Pero para saan?

"I-I heard you're not okay," wika ko. Hindi siya sumagot.

"Ibig kong sabihin...'di naman sa chismoso ako o ano. Pero narinig ko lang naman kila boss. Pero okay lang naman kung ayaw mong pag-usapan," agad kong sambit. Ngumiti naman siya nang kaunti at tumingin sa akin.

The Runaway GroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon