8.

341 17 2
                                    

Kasalukuyang nakaupo sa pinong buhangin si Charmaine habang naglalaro ang mga paa sa tubig ng dagat at nakatingin lamang sa malawak na kawalan. Makikita na ang hati ng liwang at dilim dahil sa araw na papalubog. Napakaganda niyang tingnan mula sa likod habang suot lamang ang isang kulay asul na panloob at ang kanyang maputing kutis.

"Hey..." kinuha ko ang atensyon niya, dala ko ang dalawang bote ng beer. Iniabot ko sa kanya ang isa. Hindi naman siya nag-atubili na kunin 'yon.

"Senti ka dyan, ah..." sambit ko. Ngumiti siya nang matipid, batid ko na kalmado na siya sa pagkakataong iyon.

"Puwedeng makiupo?" tanong ko.

"May bayad..." sabi niya sabay ngisi. Umupo na lang ako at ipinatong din ang aking paa sa buhangin kung saan naaabot iyon ng alon. Tinaas ko naman ang aking bote at inilapit sa kanya. Tinaas din niya ang kanya at idinikit sa hawak ko sabay lagok ng malamig na beer.

"Wow...ice cold," sabi niya.

"Oo. Yelo pa nga yung ilalim eh. Kita mo?" tanong ko sa kanya habang tinuturo ang ilalim ng bote ko. Natawa na lang siya at binangga ang aking balikat.

"Naalala ko nung nasa Australia ako...yung iba sa kanila hindi nilalagyan ng yelo ang beer," wika niya. Tumingin lang ako sa kawalan habang nakikinig sa kanya.

"Mga bisita ni mommy, mga Australiano. Kumuha ako ng baso, nilagyan ng beer tapos nilagyan ng yelo. Sabi nung isa, 'No no no! You should not put ice in your beer, you will spoil the taste.' Sabi ko naman, 'but in the Philippines we serve this with ice.' Tawa sila nang tawa, para akong alien..." pagpapatuloy ng kanyang kuwento.

"Talaga? Hindi sila naglalagay ng yelo? Pero kahit naman kasi ako...hindi ako naglalagay ng yelo sa beer. Mas okay na ibabad na lang sa yelo yung beer o gawing yelo, importante nga naman kasi yung lasa," sabi ko sabay tingin sa kanya.

"Depende naman siguro 'yon...kung paano mo nae-enjoy," sagot niya.

"Eh ikaw nag-eenjoy ka ba?" tanong ko. Tumango lang siya at muling lumagok ng beer.

"Uuwi si mommy...birthday niya kasi next next week," sabi niya.

"Uhmm. Sige pupunta ako," sabi ko.

"Hindi 'wag na," sagot naman niya.

"Eh...sige 'wag na."

"Joke lang, punta ka, ha? Pero hindi pa namin alam kung saan ang celebration. Baka nga kasama yung step dad ko," may halong inis ang tono niyang iyon.

"Step dad? Baka 'yan yung dahilan kaya ayaw mong pumunta ng Australia at tumira na lang do'n."

"Tama ka. He's one of the biggest reasons," wika niya sabay lagok muli ng beer.

"Buhay pa ang totoo mong papa?"

"Wala na, matagal na siyang wala. Grade 6 siguro ako no'ng namatay siya? Ewan ko ba, hindi ko na maalala. Ang sigurado lang ako eh pagkatapos niyang ilibing, saka naman lumayas itong si mama. Iniwan ako sa lolo at lola. After a year, may bago na siya. Australian gigolo na parang gago," kuwento niya.

"Galit ka rin sa mama mo?"

"Galit ako sa lahat...kung puwede lang na hindi ko na siya kilalanin bilang ina, ginawa ko na," kuwento niya. Hindi na ako nakapagsalita. Sumandal lang ako sa balikat niya, senyales na kung ano man ang nararamdaman niya...naroon ako. Nakaalalay at nakikinig.

"Eehh...pano 'yan. Birthday ng mama mo?" binasag ko ang katahimikan.

"She's still my mom, wala namang magbabago doon. Nagpatawad din naman ako, pero hindi siya...yung nagawa niya lang," sagot niya.

The Runaway GroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon