"Napakaraming puwedeng gawin para umiwas, hindi ko ginawa. Maraming mabibigat na dahilan para magpigil, pero hindi ko pinigilan. Hindi ako naniniwala na nagkita lang kami sa lugar na iyon para daanan lang ang mga kapalaran namin," sambit ko. Tumayo ako at hinawakan ang puno sa aking kanan upang bumalanse. Tumingin akong muli sa malayo at sinilayan ang malawak na lawa. Muling umihip ang malamig na hangin, pumikit ako at nilasap ang tamis ng kasalukuyang paghihinagpis.
"Masokista ka ba?" tanong ni Jen. Napatingin na lamang ako sa kanya at napangiti.
"Paano mo nasabing masokista ako? Halata na ba?" natatawa kong sagot. Ngumiti lang din siya at tumingin din sa malayo.
"Even if it hurts, you are still smiling," sambit niya. Bumwelo muna ako bago magsalita. Huminga nang malalim at muling nagkwento.
"Bata pa lang ako nang mawala si mama. Nakita ko siya mismong naghihingalo sa kama na hinihigaan niya habang si papa naman ay aligaga at hindi alam ang gagawin para madala siya sa ospital. Yung inakala ko na may dadatnan pa akong mama pag-uwi ko galing school, hindi na pala mangyayari. Pagkatapos ng isang taon, nagdesisyon si papa na mangibang bansa. Wala na si mama, eh, kailangang gampanan ni papa ang maging ina at ama para sa aming tatlong magkakapatid. Ako ang bunso, natural na mag-aasawa ang dalawa pa. High school pa lang - naiwan na ako."
Tumingin si Jen sa akin. May awa ang kanyang tingin. Umiling na lamang ako at ngumiti. Hindi niya naman kailangang maramdaman ang pakiramdam na dapat ay ako lang ang nakakaramdam. Hindi ko naman ginusto na maramdaman ng ibang tao ang kalungkutan ko.
"Hindi ako masokista. Natuto lang siguro akong ngumiti kahit sa maliliit na bagay. Maraming tao ang naghahangad na maging masaya sa napakalaking dahilan. Pero ako, natuto na ako na ngumiti sa simpleng bagay na mayroon ako."
Nag-unat muna ako ng mga braso bago ipinagpag ang aking pantalon. Umupo akong muli sa batuhan katabi ni Jen. Muli niya akong tiningnan, pinagpagan niya ang longsleeve na aking suot dahil sa maliliit na dahon na dumikit.
"Kaya YOLO ka?"
"You only live once? Totoo naman ang sinabi mo," natatawa kong sambit.
"I lived my life once; I never thought that I could die several times," dagdag ko.
_____________________________
Nauna kong iuwi ang mga camera sa photostudio noong gabing iyon. Saka ko siya hinatid sa condo niya sa Fairview. Napakagulo ng loob ng condo niya. May mga basag pang plato sa kusina, mga nakakalat na mga picture frame sa paligid na para bang kinalkal ang laman at pinagtatanggal. Kahit ang maliit na salamin na mesa sa tabi at ilalim ng nakasabit na TV niya, may basag din. Bawat haplos sa mga gamit na iyon ay para bang nalalaman ko kung ano ang nangyari. Yumuko na lamang ako sa nabasag nang mesa at sa ilalim noon ay nakita ko ang isang lukot na papel. Binuksan ko iyon at doon nakita ang mga huling salita na ibinigay ng kanyang ex.
'Sorry. -Jerrick'
Nakakatawang isipin. Sa lokohang naganap, yung tipong nahuli pa mismo sa akto ng panggagago, ang masasabi niya lang talaga ay sorry. Nakakatawa na medyo nakakainis. Sabagay, ano nga ba naman ang magiging excuse niya? Kung ako yung nanloko at nakita sa ganoong akto, wala na akong kailangang ipaliwanag pa. Wala rin akong masasabi kundi...sorry. Yun lang, walang kahit anong palabok, walang kahit anong paliwanag, walang kung ano-anong eche-bureche. Kapag nahuli ka, huli ka talaga. Magmumukhang guilty ka lang kung nagpaliwanag ka pa.
"Akin na 'yan," mahina niyang sambit.
Mahinahon niyang kinuha ang papel mula sa aking kamay. Bago pa man niya iyon makuha ay muli na naman siyang lumuha. Naglakad siya palayo at binuksan ang burner sa kusina. Sinunog niya ang papel na iyon, pinanood niya hanggang sa unti-unti iyong maging abo. Pinatay niya ang burner pagkatapos at napahawak na lamang ang pareho niyang kamay sa marmol na mesa na pinapatungan nito. Tahimik na umiyak at nagpahid ng kanyang luha. Tumayo na lamang ako at hinawi ang mga basag na piraso ng pinggan sa sahig gamit ang aking mga paa.
BINABASA MO ANG
The Runaway Groom
RomanceLumuhod siya sa kanyang harapan, inilabas ang isang maliit at pulang kahon. Naroon ako, ngiting aso. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanilang dalawa. Maraming tao ang nanood, mga taong naghihintay at tila sabik na sabik sa susunod na mangyayari. K...